Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 67

Awit ng Pasasalamat

67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
    dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
    Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
    At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.

Isaias 45:20-25

20 Sinabi pa ng Panginoon, “Magtipon kayong lahat at lumapit sa akin, kayong mga tumakas mula sa mga bansa. Walang alam ang mga nagdadala ng mga dios-diosan nilang kahoy. Nananalangin sila sa mga dios-diosang ito, na hindi naman makapagliligtas sa kanila. 21 Isangguni ninyo sa isaʼt isa, at ihayag ang inyong usapin. Sino ang humula noon tungkol sa mga bagay na mangyayari? Hindi baʼt ako, ang Panginoon? Wala nang ibang Dios, ako lang, ang Dios na matuwid at Tagapagligtas.

22 “Lumapit kayo sa akin para maligtas kayo, kayong lahat sa buong mundo.[a] Sapagkat ako ang Dios at maliban sa akin ay wala nang iba pa. 23 Sumumpa ako sa aking sarili, at ang mga sinabi koʼy hindi na mababago. Ang lahat ay luluhod sa akin, at silaʼy mangangakong magiging tapat sa akin. 24 Sasabihin nila, ‘Tanging sa tulong lamang ng Panginoon ang taoʼy magkakaroon ng lakas at tagumpay na may katuwiran.’ ” Ang lahat ng napopoot sa Panginoon ay lalapit sa kanya at mapapahiya. 25 Sa tulong ng Panginoon ang lahat ng lahi ng Israel ay makakaranas ng tagumpay na may katuwiran at magpupuri sila sa kanya.

Pahayag 15:1-4

Ang Panghuling mga Salot

15 Isa pang kagila-gilalas na pangitain ang nakita ko sa langit. May pitong anghel doon na may dalang pito pang salot. Iyon ang panghuling mga salot na ipapadala ng Dios bilang parusa sa mga tao.

At nakita ko ang parang dagat na kasinglinaw ng kristal na may nagliliyab na apoy. Nakatayo roon ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa imahen nito. Hindi sila nagpatatak ng numero na simbolo ng pangalan ng halimaw na iyon. May hawak silang mga alpa na ibinigay sa kanila ng Dios. Umaawit sila ng awit ni Moises na lingkod ng Dios, na siya ring awit ng Tupa. Ito ang awit nila:

    “Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat,
    kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
    Hari kayo ng lahat ng bansa,
    ang mga pamamaraan ninyo ay makatarungan at tama!
Sino ang hindi matatakot at hindi magpupuri sa inyo?
    Kayo lang ang banal.
    Lalapit at sasamba sa inyo ang mga tao sa lahat ng bansa,
    sapagkat nakita na ng lahat ang matuwid ninyong gawa.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®