Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 18:1-19

Awit ng Tagumpay ni David(A)

18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
    Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
    dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.

4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
    na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
    at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.

Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
Umusok din ang inyong ilong,
    at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
    at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
    at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
    at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
    at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
    at nataranta silang nagsitakas.
15 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
    pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
    at inahon mula sa malalim na tubig.
17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
    Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.

Genesis 7:11-8:5

11 Nang ika-17 araw ng ikalawang buwan, umulan ng napakalakas at umapaw ang lahat ng bukal. Si Noe ay 600 taong gulang na noon. 12 Umulan sa mundo sa loob ng 40 araw at 40 gabi.

13 Noong mismong araw na nagsimulang umulan, pumasok sa barko si Noe, ang asawa niya at ang tatlo nilang anak na sina Shem, Ham at Jafet kasama ang mga asawa nila. 14 Kasama rin nila ang lahat ng uri ng hayop: mga lumalakad, gumagapang at lumilipad. 15-16 Ayon sa iniutos ng Dios kay Noe, pinapasok niya sa barko ang bawat pares ng lahat ng uri ng hayop na lumalapit sa kanya. Pagkatapos, isinara ng Panginoon ang barko.

17-18 Walang tigil ang ulan sa mundo sa loob ng 40 araw. Tumaas ang tubig hanggang sa lumutang ang barko. 19 Tumaas pa nang lubusan ang tubig hanggang matakpan ang lahat ng matataas na bundok. 20 At hanggang umabot sa mga pitong metro ang taas ng tubig mula sa tuktok ng pinakamataas na bundok. 21 Kaya namatay ang lahat ng may buhay – ang mga hayop na lumilipad, lumalakad, gumagapang at ang lahat ng tao. 22 Namatay ang lahat ng nabubuhay sa lupa. 23 Nalipol ang lahat ng tao at ang lahat ng hayop sa mundo. Si Noe lang at ang mga kasama niya sa loob ng barko ang hindi namatay.

24 Bumaha sa mundo sa loob ng 150 araw.

Ang Pagbaba ng Baha

Hindi kinalimutan ng Dios si Noe at ang mga kasama niyang hayop sa loob ng barko. Kaya pinaihip niya ang hangin sa mundo at dahan-dahang bumaba ang tubig. Tinakpan niya ang mga bukal at pinahinto ang ulan. Patuloy ang pagbaba ng tubig sa loob ng 150 araw. At nang ika-17 araw ng ikapitong buwan, sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat. Patuloy ang pagbaba ng tubig. At nang unang araw ng ikasampung buwan, nakikita na ang tuktok ng mga bundok.

2 Pedro 2:4-10

Kahit nga ang mga anghel ay hindi kinaawaan ng Dios nang nagkasala sila. Sa halip, itinapon sila sa malalim at madilim na hukay para roon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. Hindi rin kinaawaan ng Dios ang mga tao noong unang panahon dahil sa kasamaan nila, kundi nilipol silang lahat sa baha. Tanging si Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay at ang pito niyang kasama ang nakaligtas. Hinatulan din ng Dios ang mga lungsod ng Sodom at Gomora dahil sa kasamaan nila, at sinunog ang mga ito, para ipakita ang mangyayari sa masasama. Pero iniligtas ng Dios si Lot, isang taong matuwid na nababahala sa malaswang pamumuhay ng mga tao. Habang naninirahan doon si Lot, araw-araw niyang nasasaksihan ang masasama nilang gawain at labis na naghihirap ang kalooban niya. 9-10 Kaya makikita natin na alam ng Panginoon kung paano iligtas sa mga pagsubok ang mga matuwid, at kung paano parusahan ang masasama. Parurusahan niya lalo na ang mga sumusunod sa masasamang nasa ng kanilang laman at ayaw magpasakop sa kanya, hanggang sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Ang binabanggit kong mga huwad na guro ay mayayabang at mapangahas. Hindi sila natatakot lapastanganin ang mga makapangyarihang nilalang.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®