Revised Common Lectionary (Complementary)
121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.
Ang Mahusay na Paghatol ni Solomon
16 May dalawang babaeng bayaran na pumunta kay Haring Solomon. 17 Nagsalita ang isa sa kanila, “Mahal na Hari, ako at ang babaeng ito ay nakatira sa iisang bahay. Nanganak ako habang naroon siya sa bahay. 18 Pagkalipas ng tatlong araw, siya naman ang nanganak. Kaming dalawa lang ang nasa bahay at wala nang iba. 19 Isang gabi, nahigaan niya ang kanyang anak at namatay ito. 20 Nang maghatinggabi, bumangon siya habang natutulog ako at pinagpalit ang mga anak namin. Inilagay niya ang anak ko sa tabi niya at ang anak naman niyang namatay ay inilagay niya sa tabi ko. 21 Kinabukasan, nang bumangon ako para pasusuhin ang anak ko, nakita kong patay na ito. At nang mapagmasdan ko nang mabuti ang sanggol sa liwanag, nakita kong hindi siya ang aking anak.”
22 Sumagot ang isang babae, “Hindi totoo iyan! Akin ang buhay na sanggol at sa iyo ang patay.” Pero sinabi ng unang babae, “Hindi totoo iyan! Iyo ang patay na sanggol at akin ang buhay.” Kaya nagsagutan silang dalawa sa harapan ng hari.
23 Sinabi ng hari, “Ang bawat isa sa inyo ay gustong angkinin ang buhay na sanggol at walang isa man sa inyo ang gustong umangkin sa patay na sanggol.” 24 Kaya nag-utos ang hari na bigyan siya ng espada. At nang dalhan siya ng espada, 25 inutos niya, “Hatiin ang buhay na sanggol at ibigay ang bawat kalahati sa kanilang dalawa.”
26 Dahil sa awa ng totoong ina sa kanyang sanggol, sinabi niya sa hari, “Maawa po kayo, Mahal na Hari, huwag po ninyong patayin ang sanggol. Ibigay nʼyo na lang po siya sa babaeng iyan.” Pero sinabi ng isang babae, “Hatiin nʼyo na lang po ang sanggol para wala ni isa man sa amin ang makaangkin sa kanya.”
27 Pagkatapos, sinabi ng hari, “Huwag hatiin ang buhay na sanggol. Ibigay ito sa babae na nagmamakaawa na huwag itong patayin, dahil siya ang tunay na ina.”
28 Nang marinig ng mga mamamayan ng Israel ang pagpapasya ng hari, lumaki ang paggalang nila sa kanya, dahil nakita nila na may karunungan siyang mula sa Dios sa paghatol ng tama.
Ang Karunungang Mula sa Dios
13 Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya na talagang marunong siya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay na may pagpapakumbaba. 14 Kung pagkainggit at pagkamakasarili naman ang umiiral sa inyong puso, huwag ninyong ipagyabang na may karunungan kayo, dahil pinasisinungalingan nʼyo ang katotohanan. 15 Ang ganitong karunungan ay hindi nagmumula sa Dios kundi sa mundo. Mula ito sa diyablo at hindi sa Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kung saan umiiral ang pagkainggit at pagkamakasarili, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng kasamaan. 17 Ngunit ang taong may karunungang mula sa Dios, una sa lahat ay may malinis na pamumuhay. Maibigin siya sa kapayapaan, mahinahon, masunurin, puno ng awa at kabutihan, walang pinapaboran, at hindi nagkukunwari. 18 Ang taong maibigin sa kapayapaan at nagpapalaganap nito ay nagdudulot ng maayos na relasyon sa iba.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®