Revised Common Lectionary (Complementary)
129 Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
kaya sinusunod ko ito nang buong puso.
130 Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.
131 Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
132 Masdan nʼyo ako at kahabagan,
gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.
133 Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,
at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
134 Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.
135 Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,
at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
136 Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.
Ang mga Habilin ni David kay Solomon
2 Nang malapit nang mamatay si David, naghabilin siya kay Solomon na kanyang anak ng ganito: 2 “Malapit na akong mamatay, kaya magpakatatag ka at magpakatapang, 3 at sundin ang mga iniuutos ng Panginoon na iyong Dios. Sumunod ka sa kanyang mga pamamaraan, mga tuntunin at mga utos na nakasulat sa Kautusan ni Moises para magtagumpay ka sa lahat ng gagawin mo, saan ka man magpunta. 4 Kung gagawin mo ito, tutuparin ng Panginoon ang pangako niya sa akin, na kung ang aking mga lahi ay mamumuhay nang tama at buong buhay na susunod sa kanya nang may katapatan, laging sa kanila magmumula ang maghahari sa Israel.
Humingi ng Himala ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(A)
38 May ilang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nagsabi kay Jesus, “Guro, pakitaan nʼyo kami ng isang himalang magpapatunay na sugo nga kayo ng Dios.” 39 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa. 41 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[a] ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang higit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw nʼyong magsisi. 42 Maging ang Reyna ng Timog ay tatayo rin at kokondenahin ang henerasyong ito. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar para makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang higit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®