Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:129-136

129 Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
    kaya sinusunod ko ito nang buong puso.
130 Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.
131 Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
132 Masdan nʼyo ako at kahabagan,
    gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.
133 Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,
    at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
134 Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
    upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.
135 Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,
    at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
136 Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.

1 Hari 1:28-37

Hinirang ni David si Solomon Bilang Hari

28 Sinabi ni Haring David, “Sabihan mo si Batsheba na pumunta rito.” Kaya pumunta si Batsheba sa hari. 29 Pagkatapos, sumumpa si Haring David, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan, 30 na tutuparin ko ngayon ang pangako ko sa iyo sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na si Solomon na ating anak ang siyang papalit sa akin bilang hari.”

31 Yumukod agad si Batsheba bilang paggalang, at sinabi, “Mabuhay kayo magpakailanman,[a] Mahal na Haring David!” 32 Sinabi ni Haring David, “Papuntahin dito ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaya na anak ni Jehoyada.” Kaya pumunta sila sa hari. 33 At sinabi ng hari sa kanila, “Pasakayin mo ang anak kong si Solomon sa aking mola[b] at dalhin ninyo siya sa Gihon kasama ang aking mga pinuno. 34 Pagdating ninyo doon, kayo Zadok at Natan, pahiran ninyo ng langis ang ulo ni Solomon para ipakita na siya ang pinili kong maging hari ng Israel. Pagkatapos, patunugin nʼyo ang trumpeta at isigaw, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ 35 Pagkatapos, samahan nʼyo siya pabalik dito, uupo siya sa aking trono at papalit sa akin bilang hari. Siya ang pinili ko na mamamahala sa buong Israel at Juda.”

36 Sumagot si Benaya na anak ni Jehoyada, “Gagawin po namin iyan! Mahal na Hari, nawaʼy ang Panginoon na inyong Dios ang magpatunay nito. 37 Kung paano kayo sinamahan ng Panginoon, samahan din sana niya si Solomon at gawin niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyong paghahari.”

1 Corinto 4:14-20

14 Hindi ko sinusulat ang mga ito upang ipahiya kayo, kundi upang paalalahanan kayo bilang mga minamahal kong mga anak. 15 Sapagkat kahit marami ang nag-aalaga sa inyong pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama sa pananampalataya. At ako ang inyong ama, dahil naging anak ko kayo sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. 16 Kaya nakikiusap ako na tularan ninyo ako sa aking pamumuhay. 17 At dahil nga rito, pinapapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang tungkol sa pamumuhay ko kay Cristo Jesus, na siya ring itinuturo ko sa lahat ng iglesya saan mang lugar.

18 Ang ilan sa inyo ay nagmamataas na dahil akala nilaʼy hindi na ako pupunta riyan. 19 Ngunit kung loloobin ng Panginoon, pupunta ako riyan sa lalong madaling panahon. At titingnan ko kung ano ang magagawa ng mga tao riyan na mayayabang magsalita. 20 Sapagkat malalaman natin kung ang isang tao ay pinaghaharian ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga gawa at hindi sa salita lamang.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®