Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 75

Ang Dios ang Hukom

75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
    Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
    Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
    ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
    at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
    kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
    Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
    aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
    ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.

Daniel 12

Ang Pahayag ng Anghel tungkol sa Huling Panahon

12 “Sa panahong iyon,[a] darating si Micael, ang makapangyarihang pinuno[b] na nagtatanggol sa iyong mga kababayan. Magiging mahirap ang kalagayan sa mga panahong iyon, at ang matinding kahirapang ito ay hindi pa nangyayari mula nang naging bansa ang Israel. Pero ililigtas sa paghihirap ang iyong mga kababayan na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat.[c] Bubuhayin ang marami sa mga namatay na. Ang iba sa kanila ay tatanggap ng buhay na walang hanggan, pero ang iba ay isusumpa at ilalagay sa kahihiyang walang hanggan. Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan at nagtuturo sa mga tao na mamuhay nang matuwid ay magniningning na parang bituin sa langit magpakailanman. Pero Daniel, isara mo muna ang aklat na ito at huwag mo munang sabihin sa mga tao ang mensahe nito hanggang sa dumating ang katapusan. Habang hindi pa ito ipinapahayag, marami ang magsisikap na unawain ang mga nangyayari.”

Pagkatapos niyang sabihin iyon, may nakita pa akong dalawang taong nakatayo sa magkabilang pampang ng ilog. Nagtanong ang isa sa kanila sa taong nakadamit ng telang linen na nakatayo sa mataas na bahagi ng ilog, “Gaano kaya katagal bago matapos ang mga nakakamanghang pangyayaring iyon?”

Itinaas ng taong nakadamit ng telang linen ang kanyang dalawang kamay at narinig kong sumumpa siya sa Dios na buhay magpakailanman. Sinabi niya, “Matatapos ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, kapag natapos na ang paghihirap ng mga mamamayan ng Dios.”

Hindi ko naintindihan ang kanyang sagot kaya tinanong ko siya, “Ano po ba ang kalalabasan ng mga pangyayaring iyon?” Sumagot siya, “Sige na,[d] Daniel, hayaan mo na iyon, dahil ang sagot sa tanong moʼy mananatiling lihim at hindi maaaring sabihin hanggang sa dumating ang katapusan. 10 Marami sa mga nakakaunawa ng katotohanan ang lilinisin ang kanilang buhay, at mauunawaan nila ang mga sinasabi ko. Pero ang masasama ay patuloy na gagawa ng masama at hindi makakaunawa ng mga sinasabi ko.

11 “Lilipas ang 1,290 araw mula sa panahon ng pagpapatigil ng araw-araw na paghahandog at paglalagay ng kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo hanggang sa dumating ang katapusan. 12 Mapalad ang naghihintay at nananatili hanggang sa matapos ang 1,335 araw.

13 “At ikaw Daniel, ipagpatuloy mo ang iyong gawain. Mamamatay ka, pero bubuhayin kang muli sa mga huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala na inihanda para sa iyo.”

Mateo 12:15-21

Ang Piniling Lingkod ng Dios

15 Nang malaman ni Jesus ang plano ng mga Pariseo, umalis siya roon. Marami ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng may sakit. 16 Pero pinagbilinan niya silang huwag ipaalam sa iba kung sino siya. 17 Katuparan ito ng sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Propeta Isaias:

18 “Narito ang pinili kong lingkod.
    Minamahal ko siya at kinalulugdan.
    Ibibigay ko sa kanya ang aking Espiritu,
    at ipapahayag niya ang katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipagtalo o mambubulyaw,
    at hindi maririnig ang kanyang tinig sa daan.
20 Hindi niya ipapahamak ang mahihina ang pananampalataya
    o pababayaan ang mga nawawalan ng pag-asa.[a]
    Hindi siya titigil hanggaʼt hindi niya napapairal ang katarungan.
21 At ang mga tao sa lahat ng bansa ay mananalig sa kanya.”[b]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®