Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 75

Ang Dios ang Hukom

75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
    Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
    Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
    ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
    at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
    kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
    Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
    aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
    ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.

Zefanias 3:1-13

Ang Hinaharap ng Jerusalem

Sinabi ni Zefanias: Nakakaawa ang Jerusalem! Ang mga naninirahan dito ay nagrerebelde sa Dios at gumagawa ng karumihan. Ang kanyang mga pinuno ay mapang-api. Hindi sila nakikinig kahit kanino, at ayaw nilang magpaturo. Hindi sila nagtitiwala sa Panginoon na kanilang Dios, ni lumalapit sa kanya. Ang kanilang mga opisyal ay parang leon na umaatungal. Ang kanilang mga pinuno ay parang mga lobo na naghahanap ng makakain kung gabi, at walang itinitira pagsapit ng umaga. Ang kanilang mga propeta ay padalos-dalos sa kanilang mga ginagawa at hindi mapagkakatiwalaan. Nilalapastangan ng kanilang mga pari ang mga bagay na banal at sinusuway ang Kautusan ng Dios. Pero naroon pa rin ang presensya ng Panginoon sa kanilang lungsod. Ginagawa ng Panginoon ang mabuti at hindi ang masama. Araw-araw ipinapakita niya ang kanyang katarungan, at nananatili siyang tapat. Pero ang masasama ay patuloy na gumagawa ng masama at hindi sila nahihiya.

Sinabi ng Panginoon, “Nilipol ko ang mga bansa; giniba ko ang kanilang mga lungsod pati ang kanilang mga pader at mga tore. Wala nang natirang mga mamamayan, kaya wala nang makikitang taong naglalakad sa kanilang mga lansangan. Dahil sa mga ginawa kong ito akala ko igagalang na ako ng aking mga mamamayan at tatanggapin na nila ang aking pagsaway sa kanila, para hindi na magiba ang kanilang lungsod ayon sa itinakda ko sa kanila. Pero lalo pa silang nagpakasama.

Kaya kayong tapat na mga taga-Jerusalem, hintayin ninyo ang araw na uusigin ko ang mga bansa. Sapagkat napagpasyahan kong tipunin ang mga bansa at ang mga kaharian para ibuhos sa kanila ang matindi kong galit na parang apoy na tutupok sa buong mundo. Pagkatapos, babaguhin ko ang mga tao,[a] para lahat silaʼy lalapit sa akin at magkakaisang maglilingkod sa akin. 10 Ang aking mga mamamayang nangalat sa kabilang ibayo ng mga ilog ng Etiopia[b] ay magdadala ng mga handog sa akin.

11 “Sa araw na iyon, kayong mga taga-Jerusalem ay hindi na mapapahiya sa lahat ng mga kasalanang ginawa ninyo sa akin, dahil aalisin ko sa inyo ang mga mapagmataas at mayayabang. Kaya wala nang magyayabang doon sa aking banal na bundok.[c] 12 Pero mag-iiwan ako sa Jerusalem ng mga taong aba at mahihirap na hihingi ng tulong[d] sa akin. 13 Ang mga Israelitang ito ay hindi gagawa ng masama; hindi sila magsisinungaling o mandadaya. Kakain at matutulog silang payapa at walang kinatatakutan.”

Galacia 4:21-5:1

Ang Halimbawa ni Sara at Hagar

21 Ngayon, sabihin nga ninyo sa akin, kayong mga nais magpailalim sa Kautusan, hindi ba ninyo alam ang sinasabi sa Kautusan? 22 Sinasabi roon na may dalawang anak si Abraham. Ang isaʼy anak niya sa kanyang alipin na si Hagar, at ang isa naman ay anak niya sa asawa niya na si Sara. 23 Ang kanyang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ngunit ang anak niya sa kanyang asawa ay ipinanganak ayon sa pangako ng Dios. 24 Maaari nating tingnan ang dalawang babaeng ito bilang isang paghahalintulad. Kumakatawan sila sa dalawang kasunduan. Si Hagar ay kumakatawan sa kasunduan na ibinigay ng Dios kay Moises sa Bundok ng Sinai. Ipinanganak na mga alipin ang mga anak niya. 25 Si Hagar, na kumakatawan sa Bundok ng Sinai sa Arabia ay kumakatawan din sa kasalukuyang Jerusalem. Sapagkat ang mga tao sa Jerusalem ay naging alipin ng Kautusan. 26 Ngunit ang asawang si Sara ay hindi alipin, at siya ang kumakatawan sa Jerusalem na nasa langit, at siya ang ating ina dahil hindi tayo alipin ng Kautusan. 27 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan:

“Matuwa ka, baog na babae, ikaw na hindi pa nagkakaanak!
Humiyaw ka sa kagalakan, ikaw na hindi pa nakakaranas ng sakit sa panganganak.
    Sapagkat kahit iniwan ka ng asawa mo,
    mas marami ang magiging anak mo kaysa sa babaeng kapiling ang kanyang asawa.”[a]

28 Mga kapatid, mga anak kayo ng Dios ayon sa pangako niya, tulad ni Isaac na ipinanganak ayon sa pangako ng Dios. 29 Noong una, si Isaac na ipinanganak ayon sa Espiritu ay inusig ni Ishmael na ipinanganak ayon sa karaniwang panganganak. Ganoon din ang nangyayari ngayon; inuusig tayo ng mga taong nais magpaalipin sa Kautusan. 30 Pero ano ba ang sinasabi sa Kasulatan? “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak ng babaeng hindi alipin.”[b] 31 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo anak ng babaeng alipin, kundi anak ng babaeng hindi alipin.

Ang Ating Kalayaan kay Cristo

Pinalaya tayo ni Cristo sa ilalim ng Kautusan. Kaya manindigan kayo sa pananampalataya nʼyo at huwag na kayong magpaaliping muli.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®