Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 86:11-17

11 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong pamamaraan,
    at susundin ko ito nang may katapatan.[a]
    Bigyan nʼyo ako ng pusong may takot sa inyo.
12 Panginoon kong Dios, buong puso ko kayong pasasalamatan.
    Pupurihin ko ang inyong pangalan magpakailanman,
13 dahil ang pag-ibig nʼyo sa akin ay dakila.
    Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
14 O Dios, sinasalakay ako ng grupo ng mayayabang na tao para patayin.
    Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
15 Ngunit kayo, Panginoon, ay Dios na nagmamalasakit at mahabagin.
    Wagas ang pag-ibig nʼyo, at hindi madaling magalit.
16 Bigyang pansin nʼyo ako at kahabagan;
    bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan at iligtas ako na inyong lingkod.
17 Ipakita sa akin ang tanda ng inyong kabutihan,
    upang makita ito ng aking mga kaaway at nang silaʼy mapahiya.
    Dahil kayo, Panginoon, ang tumutulong at umaaliw sa akin.

Isaias 41:21-29

Walang Kabuluhan ang mga Dios-diosan

21 Sinabi ng Panginoon, ang Hari ng Israel,[a] sa mga dios-diosan, “Sige, magreklamo kayo at mangatuwiran! 22-23 Lumapit kayo at sabihin sa amin kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Sabihin ninyo sa amin ang mga sinabi nʼyo noon na mangyayari para malaman namin kung nangyari nga ito. Sabihin ninyo sa amin kung ano ang mangyayari sa hinaharap para malaman namin na kayo ngaʼy mga dios. Gumawa kayo ng mabuti o ng masama para kami ay magtaka at matakot sa inyo. 24 Pero ang totoo, wala kayong silbi at wala kayong magagawa. Kasuklam-suklam ang mga taong pumili sa inyo para kayo ay sambahin. 25 Pinili ko ang taong mula sa hilaga para mamahala. Dumudulog siya sa akin, at ngayon ay darating siya mula sa silangan. Wawasakin niya ang mga namamahala katulad ng pagyapak ng magpapalayok sa putik[b] na gagawin niyang palayok. 26 Sino sa inyo ang nakahula noong una pa na mangyayari ito para malaman namin at nang masabi naming tama siya? Ni isa man lang sa inyoʼy walang nagsabi, at walang nakarinig na mayroon kayong sinabi. 27 Akong Panginoon ang nagsabi nito noon sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Nagpadala ako ng isang mensahero para ibalita ang magandang balita na nandiyan na ang tutulong sa kanila. 28 Tiningnan ko kung may dios-diosan na makapagpapayo pero wala akong nakita. Ni isa sa kanilaʼy walang makasagot sa mga tanong ko. 29 Lahat ng mga dios-diosan ay walang kabuluhan, at walang magagawang anuman. Para silang lalagyan na puro hangin ang laman.”

Hebreo 2:1-9

Babala sa mga Lumilihis ng Landas

Kaya dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin para hindi tayo maligaw. Isipin ninyo: Ang Kautusang ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel ay napatunayang totoo, at tumanggap ng kaukulang parusa ang bawat taong lumabag o sumuway dito. Kaya hindi tayo makakaligtas kung babalewalain natin ang dakilang kaligtasang ito. Ang Panginoon mismo ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya. Pinatunayan din ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at mga kamangha-manghang gawa, at ibaʼt ibang kakayahang kaloob ng Banal na Espiritu na ipinamahagi niya ayon sa kanyang kalooban.

Dumating ang Kaligtasan sa Pamamagitan ni Cristo

Ngayon, tungkol sa mundong darating na sinasabi namin, hindi ito ipinamahala ng Dios sa mga anghel. Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan:

    O Dios, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
    Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
Sa maikling panahon ginawa ninyong mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo siya bilang hari,     at ipinasakop nʼyo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”[a]

Ang sinasabi ng Kasulatan na ipinasakop ang lahat ng bagay sa tao ay nangangahulugang darating ang araw na walang anumang bagay na hindi maipapasakop sa tao. Pero ngayon, hindi pa natin nakikita na sakop ng tao ang lahat ng bagay. Ngunit kung tungkol kay Jesus, alam natin na sa maikling panahon naging mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel, para maranasan niyang mamatay para sa lahat sa pamamagitan ng biyaya ng Dios. At ngayon, binigyan siya ng karangalan at kadakilaan dahil tiniis niya ang kamatayan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®