Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 92

Awit ng Papuri

92 Kataas-taasang Dios na Panginoon namin, napakabuting magpasalamat at umawit ng papuri sa inyo.
Nakalulugod na ipahayag ang inyong pag-ibig at katapatan araw at gabi,
habang tumutugtog ng mga instrumentong may kwerdas.
Dahil pinasaya nʼyo ako, Panginoon, sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang mga gawa.
    At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.
Panginoon, kay dakila ng inyong mga ginawa.
    Ang isipan nʼyoʼy hindi namin kayang unawain.
Hindi maunawaan ng mga hangal at matitigas ang ulo
na kahit umunlad ang taong masama gaya ng damong lumalago,
    ang kahahantungan pa din niya ay walang hanggang kapahamakan.
Ngunit kayo, Panginoon, ay dakila sa lahat magpakailanman.
Tiyak na mamamatay ang lahat ng inyong kaaway at mangangalat ang lahat ng gumagawa ng masama.
10 Pinalakas nʼyo ako na tulad ng lakas ng lakas ng toro
    at binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan.[a]
11 Nasaksihan ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway,
    at narinig ko ang pagdaing ng masasamang kumakalaban sa akin.
12 Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma,
    at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon.
13 Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Dios,
14 lumalago at namumunga kahit matanda na,
    berdeng-berde ang mga dahon at nananatiling matatag.
15 Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon, ang aking Bato na kanlungan ay matuwid.
    Sa kanyaʼy walang anumang kalikuan na matatagpuan.

Leviticus 26:3-20

Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at mga utos, pauulanin ko sa inyong lugar sa tamang panahon para umani ng sagana ang lupain ninyo at mamunga ng marami ang mga punongkahoy. Kaya gigiik kayo ng mga butil hanggang sa panahon ng pamimitas ng ubas, at ang pamimitas naman ng ubas ay magpapatuloy hanggang sa panahon ng paghahasik. Kaya magiging sagana kayo sa inyong pagkain at mamumuhay kayong payapa sa inyong lupain.

Bibigyan ko ng kapayapaan ang inyong lupain kaya makakatulog kayo ng walang kinatatakutan. Palalayasin ko ang mababangis na hayop sa inyong lugar, at walang kalaban na sasalakay sa inyo. Kayo ang sasalakay sa inyong mga kalaban at papatayin ninyo sila. Tatalunin ng lima sa inyo ang 100, at ang 100 sa inyo ay tatalo ng 10,000. Iingatan ko kayo at pararamihin para matupad ko ang aking pangako sa inyo. 10 At dahil sa kasaganaan ng inyong ani, ang inyong kakainin ay mula pa sa dati ninyong inani, na hindi pa nauubos sa lalagyan hanggang sa dumating ang bagong ani na papalit dito. 11 Maninirahan akong kasama ninyo at hindi ko kayo pababayaan. 12 Akoʼy magiging kasama ninyo, at patuloy akong magiging Dios ninyo, at patuloy kayong magiging mga mamamayan ko. 13 Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para huwag na kayong maging mga alipin ng mga taga-Egipto. Pinalaya ko na kayo, kaya wala na kayong dapat ikahiya.

Ang Parusa sa mga Sumusuway(A)

14-15 Pero kung hindi kayo makikinig sa akin, at hindi ninyo susundin ang aking mga utos at tuntunin, nilalabag ninyo ang kasunduan ko sa inyo. 16 Kaya ganito ang gagawin ko sa inyo. Bigla kayong masisindak sa takot dahil padadalhan ko kayo ng mga sakit na hindi gumagaling, at lagnat na magpapadilim ng inyong paningin at magpapahina ng inyong katawan. Magtatanim kayo, pero hindi rin ninyo pakikinabangan dahil sasalakayin kayo ng inyong mga kalaban at kukunin nila at kakainin ang inyong mga ani. 17 Pababayaan ko kayong matalo ng inyong mga kalaban, at kayoʼy sasakupin nitong mga napopoot sa inyo. At dahil sa takot sa kanila, tatakas kayo kahit na walang humahabol sa inyo. 18 At kung hindi pa rin kayo makikinig sa akin, parurusahan ko kayo ng pitong beses.[a] 19 Aalisin ko ang katigasan ng inyong ulo sa pamamagitan ng hindi pagpapadala ng ulan sa inyo, kaya matitigang ang inyong mga lupain.[b] 20 Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagtatrabaho, dahil wala kayong aanihin sa inyong mga lupain at hindi rin mamumunga ang inyong mga punongkahoy.

1 Tesalonica 4:1-8

Ang Buhay na Kaaya-aya sa Dios

Mga kapatid, natutunan nʼyo sa amin kung paano mamuhay nang kalugod-lugod sa Dios, at ito nga ang ginagawa ninyo. Hinihiling namin ngayon sa pangalan ng Panginoong Jesus na lalo nʼyo pa sana itong pag-ibayuhin. Sapagkat alam naman ninyo ang mga utos ng Panginoong Jesus na ibinigay namin sa inyo: Nais ng Dios na maging banal kayo, kaya lumayo kayo sa sekswal na imoralidad. Dapat ay matutong makitungo ang bawat isa sa asawa niya[a] sa banal at marangal na pamamaraan, at hindi sa makamundong pagnanasa katulad ng ginagawa ng mga hindi kumikilala sa Dios, upang sa ganoon, hindi kayo makagagawa ng masama o mananamantala ng kapwa, dahil parurusahan ng Dios ang sinumang gumagawa ng mga ito, tulad ng sinabi at pinaalala namin sa inyo noon pa. Tinawag tayo ng Dios para mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. Ang sinumang hindi sumusunod sa mga utos na ito ay hindi sa tao sumusuway kundi sa Dios na nagbibigay sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®