Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 65:1-8

Pagpupuri at Pagpapasalamat

65 O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
    Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
    dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
Napakarami ng aming kasalanan,
    ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
    Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
    ang inyong banal na templo.
O Dios na aming Tagapagligtas,
    tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
    sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
    Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
Itinatag nʼyo ang mga bundok
    sa pamamagitan ng inyong lakas.
    Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
    ang hampas ng karagatan,
    at ang pagkakagulo ng mga tao.
Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
    namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
    Mula sa silangan hanggang kanluran,
    ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.

Salmo 65:9-13

Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
    Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
    Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
    Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
    Ganito ang itinakda ninyo.
10 Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
    hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
    Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11 Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
    at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12 Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13 Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim[a] ang makikita sa kapatagan.
    Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.

Isaias 48:6-11

Narinig ninyo ang aking mga propesiya at nakita ninyo ang katuparan ng mga ito, pero ayaw ninyong tanggapin na ako ang gumawa nito. Mula ngayon, sasabihin ko sa inyo ang mga bagong bagay na hindi ko pa ipinahayag sa inyo. Hindi pa ninyo ito alam. Ngayon ko pa lamang ito gagawin para hindi ninyo masabing itoʼy alam na ninyo. Hindi ninyo napakinggan o naunawaan ang mga bagay na ito dahil mula pa noon nagbibingi-bingihan na kayo. Alam ko ang inyong kataksilan dahil mula pa noong kayoʼy isinilang mga rebelde na kayo. Alang-alang sa karangalan ko, pinigilan ko ang aking galit sa inyo para hindi kayo malipol. 10 Lilinisin ko kayo pero hindi katulad ng paglilinis sa pilak, dahil lilinisin ko kayo sa pamamagitan ng paghihirap. 11 Gagawin ko ito para sa aking karangalan. Hindi ako papayag na ako ay mapahiya at ang mga dios-diosan ay maparangalan.

Roma 15:14-21

Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo

14 Mga kapatid, lubos akong naniniwala na puno kayo ng kabutihan, may sapat na kaalaman, at marunong magpaalala sa isaʼt isa. 15 Ganoon pa man, sumulat pa rin ako ng walang pag-aalinlangan tungkol sa mga bagay na dapat ipaalala sa inyo, dahil ipinagkaloob ng Dios sa akin 16 na maging lingkod ni Cristo Jesus para sa mga hindi Judio. Naglilingkod ako sa kanila na tulad ng isang pari at ipinangangaral ko ang Magandang Balita ng Dios. Ginagawa ko ito para maging handog sila na katanggap-tanggap sa Dios, na itinalaga sa kanya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 17 At dahil akoʼy nakay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking mga nagawa para sa Dios. 18 At wala akong ibang ipinagmamalaki kundi ang mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, na nahikayat ko ang mga hindi Judio na sumunod sa Dios sa pamamagitan ng aking mga aral at mga gawa, 19 sa tulong ng mga himala at kamangha-manghang mga bagay na gawa ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kaya naipangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo mula sa Jerusalem hanggang Iliricum. 20 Ang tanging nais koʼy maipangaral ang Magandang Balita sa mga lugar na hindi pa naipapangaral si Cristo para hindi ako makapangaral sa lugar na may gawaing pinasimulan na ng iba. 21 Sinasabi sa Kasulatan,

    “Makikilala siya ng mga hindi pa nasasabihan ng tungkol sa kanya.
    Makakaunawa ang mga hindi pa nakakarinig.”[a]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®