Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 145:8-14

Panginoon, kayoʼy mahabagin at matulungin;
    hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
Panginoon, mabuti kayo sa lahat;
    nagmamalasakit kayo sa lahat ng inyong nilikha.
10 Pasasalamatan kayo, Panginoon, ng lahat ng inyong nilikha;
    pupurihin kayo ng inyong mga tapat na mamamayan.
11 Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan at ang kadakilaan ng inyong paghahari,
12 upang malaman ng lahat ang inyong dakilang mga gawa at ang kadakilaan ng inyong paghahari.
13 Ang inyong paghahari ay magpakailanman.

    Panginoon, tapat kayo sa inyong mga pangako,
    at mapagmahal kayo sa lahat ng inyong nilikha.
14 Tinutulungan nʼyo ang mga dumaranas ng kahirapan,
    at pinalalakas ang mga nanghihina.

Zacarias 1:1-6

Panawagan upang Manumbalik sa Dios

May sinabi ang Panginoon kay Propeta Zacarias noong ikawalong buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia. Si Zacarias ay anak ni Berekia na anak ni Iddo. 2-3 Inutusan ng Panginoong Makapangyarihan si Zacarias na sabihin ito sa mga mamamayan ng Israel:

“Matindi ang galit ko sa inyong mga ninuno. Kaya magbalik-loob na kayo sa akin at manunumbalik[a] ako sa inyo. Huwag ninyong gayahin ang ginawa ng inyong mga ninuno. Inutusan ko noon ang mga propeta na pagsabihan silang talikuran na nila ang kanilang mga ginagawang masama, ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila sumunod sa akin. Ang inyong mga ninuno at ang mga propetang iyon ay namatay na. Ngunit nangyari sa inyong mga ninuno ang aking mga sinabi at mga babala sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta. Kaya nagsisi sila at sinabi, ‘Pinarusahan tayo ng Panginoong Makapangyarihan ayon sa ating ginawa, gaya ng kanyang napagpasyahang gawin sa atin.’ ”

Roma 7:1-6

Malaya na Tayo sa Kautusan

Mga kapatid, alam naman ninyo ang tungkol sa batas. Kaya nauunawaan ninyo na ang taoʼy nasasakop lamang ng batas habang nabubuhay siya. Halimbawa, ayon sa batas, ang isang babaeng may asawa ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Pero kung namatay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. Kaya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buhay pa ang kanyang asawa, nagkakasala siya ng pangangalunya. Pero kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. At kung mag-asawa man siyang muli, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya.

Ganyan din ang nangyari sa inyo, mga kapatid. Malaya na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo. Muli siyang nabuhay at kayoʼy pinag-isa sa kanya para maging kapaki-pakinabang sa paglilingkod sa Dios. Noong namumuhay pa tayo sa dati nating pagkatao, ang masamang pagnanasa ang naghahari sa ating katawan, at pinukaw pa ng Kautusan, kaya gumawa tayo ng mga bagay na nakapagdudulot ng kamatayan. Pero ngayon ay malaya na tayo sa Kautusan, dahil namatay na tayo sa Kautusang ito na dating umalipin sa atin. Ang ating paglilingkod ngayon sa Dios ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®