Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:161-168

161 Inuusig ako ng mga namumuno ng walang dahilan,
    ngunit salita nʼyo lang ang aking kinatatakutan.
162 Nagagalak ako sa inyong mga pangako na tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan.
163 Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan,
    ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.
164 Pitong beses[a] akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos.
165 Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan,
    at silaʼy hindi mabubuwal.
166 Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas,
    at sinusunod ko ang inyong mga utos.
167 Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo,
    at itoʼy sinusunod ko.
168 Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman,
    kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan.

Jeremias 18:1-11

18 Sinabi pa sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa bahay ng magpapalayok at doon ko sasabihin sa iyo ang nais kong sabihin.” Kaya pumunta ako sa bahay ng magpapalayok at nakita ko na gumagawa siya ng palayok. Kapag hindi maganda ang hugis ng palayok na ginagawa niya, inuulit niya ito hanggang sa magustuhan niya ang hugis.

Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “O mga mamamayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang ginawa ng magpapalayok sa luwad na ito? Kung papaanong ang luwad ay nasa kamay ng magpapalayok, kayo rin ay nasa mga kamay ko. Kapag sinabi ko na ang isang bansa o kaharian ay babagsak at mawawasak, at ang bansa o kahariang iyon ay tumigil sa paggawa ng masama, hindi ko na itutuloy ang balak kong pagwasak sa kanila. At kapag sinabi ko naman na muling babangon at itatayo ang isang bansa o kaharian, 10 at ang bansa o kahariang iyon ay gumawa ng masama at hindi sumunod sa akin, hindi ko na itutuloy ang balak kong paggawa ng mabuti sa kanila.

11 “Kaya sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem na ito ang sinasabi ko, ‘Makinig kayo! May binabalak akong kaparusahan para sa inyo. Kaya tumigil na kayo sa masasama ninyong pag-uugali. Ang bawat isa sa inyo ay magbago na ng ginagawa at pag-uugali.’

Mateo 11:20-24

Babala sa mga Bayang Hindi Nagsisisi(A)

20 Pagkatapos, tinuligsa ni Jesus ang mga bayang nakasaksi ng maraming himala na kanyang ginawa, dahil hindi sila nagsisi sa kanilang mga kasalanan. 21 Sinabi niya, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tyre at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo[a] upang ipakita ang kanilang pagsisisi. 22 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. 23 At kayo namang mga taga-Capernaum, baka akala ninyoʼy papupurihan kayo kahit doon sa langit. Hindi! Ibabagsak kayo sa impyerno![b] Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, nananatili pa sana ang lugar na iyon hanggang ngayon. 24 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Sodom.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®