Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kasunduan ng Dios kay David
89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
2 Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
3 At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
Ito ang ipinangako ko sa kanya:
4 Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
15 Panginoon, mapalad ang mga taong nakaranas na sumigaw dahil sa kagalakan para sa inyo.
Namumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa inyo.
16 Dahil sa inyo palagi silang masaya.
At ang inyong pagiging makatuwiran ay pinupuri nila.
17 Pinupuri namin kayo dahil kayo ang aming dakilang kalakasan,
at dahil sa inyong kabutihan kami ay magtatagumpay.
18 Panginoon, Banal na Dios ng Israel,
ikaw ang naghirang sa hari na sa amin ay nagtatanggol.
Si Jeremias at si Propeta Hanania
28 Noong taon ding iyon, nang ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, may sinabi sa akin si Propeta Hanania na anak ni Azur na taga-Gibeon doon sa templo ng Panginoon, sa harap ng mga pari at mga taong naroroon. Sinabi niya, 2 “Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. 3 Sa loob ng dalawang taon, ibabalik ko na rito ang lahat ng kagamitan ng templo ko na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. 4 Pababalikin ko rin dito si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim at ang lahat ng taga-Juda na binihag sa Babilonia, dahil wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Mga Dahilan ng Pagkakasala(A)
17 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hindi maiiwasan ang pagdating ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng tao. Ngunit nakakaawa ang taong magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa. 2 Mas mabuti pang talian siya sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat, kaysa siya ang maging dahilan ng pagkakasala ng isa sa maliliit[a] na ito. 3 Kaya mag-ingat kayo.
“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo siya. At kung magsisi siya, patawarin mo. 4 Kahit pitong beses pa siyang magkasala sa iyo sa maghapon, kung pitong beses din siyang hihingi ng tawad sa iyo ay patawarin mo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®