Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kasunduan ng Dios kay David
89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
2 Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
3 At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
Ito ang ipinangako ko sa kanya:
4 Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
15 Panginoon, mapalad ang mga taong nakaranas na sumigaw dahil sa kagalakan para sa inyo.
Namumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa inyo.
16 Dahil sa inyo palagi silang masaya.
At ang inyong pagiging makatuwiran ay pinupuri nila.
17 Pinupuri namin kayo dahil kayo ang aming dakilang kalakasan,
at dahil sa inyong kabutihan kami ay magtatagumpay.
18 Panginoon, Banal na Dios ng Israel,
ikaw ang naghirang sa hari na sa amin ay nagtatanggol.
Ang 70 Taong Pagkabihag
25 Ang mensaheng ito ay para sa mga taga-Juda. Itoʼy ibinigay ng Panginoon kay Jeremias noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Ito naman ang unang taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia.
2 Sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng taga-Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem: 3 Sa loob ng 23 taon mula nang ika-13 taon ng paghahari ni Josia na anak ni Haring Ammon ng Juda hanggang ngayon, ang Panginoon ay nakikipag-usap sa akin. At patuloy ko namang sinasabi sa inyo ang ipinapasabi niya, pero hindi kayo nakinig. 4 At kahit na patuloy pang nagpapadala sa inyo ang Panginoon ng mga lingkod niyang propeta, hindi nʼyo pa rin pinansin at hindi rin kayo nakinig. 5 Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan nila, “Talikuran na ninyo ang mga masasama ninyong pag-uugali at gawain para patuloy kayong manirahan magpakailanman sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. 6 Huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga dios, at huwag ninyo akong gagalitin sa pamamagitan ng mga dios-diosan na ginawa lang ninyo, para hindi ko kayo parusahan.”
7 Pero hindi kayo nakinig sa Panginoon. Lalo nʼyo pa nga siyang ginalit sa pamamagitan ng mga ginawa nʼyong dios-diosan. Kaya kayo na rin ang nagdala ng parusang ito sa sarili ninyo.
2 Tandaan nʼyo ang sinasabi ko: Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo na kung magpapatuli kayo para maging katanggap-tanggap sa Dios, mawawalan ng kabuluhan ang ginawa ni Cristo para sa inyo. 3 Inuulit ko na ang sinumang magpapatuli para maging katanggap-tanggap sa Dios ay obligadong sumunod sa buong Kautusan. 4 Kayong mga nagsisikap na ituring na matuwid ng Dios sa pamamagitan ng Kautusan ay nahiwalay na kay Cristo. Nahiwalay na kayo sa biyaya ng Dios. 5 Ngunit umaasa kami at nananalig na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya namin, ituturing kaming matuwid ng Dios. 6 Sapagkat sa mga nakay Cristo, walang halaga ang pagiging tuli o hindi. Ang tanging mahalaga ay ang pananampalatayang nakikita sa pamamagitan ng pagmamahalan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®