Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin para Tulungan ng Dios
6 O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
2 Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
dahil akoʼy nanghihina na.
3 O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
4 Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
5 Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
6 Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
7 Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.
8 Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
9 Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.
Naligtas sa Kamatayan si Jeremias
26 1-2 Noong pasimula ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi sa akin ng Panginoon, “Tumayo ka sa bulwagan ng templo ko at magsalita ka sa mga mamamayan ng mga bayan ng Juda na naroon para sumamba. Sabihin mo sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko at huwag mong babawasan. 3 Baka sakaling makinig sila sa iyo at tumalikod sa masama nilang pag-uugali. Kapag ginawa nila ito, hindi ko na itutuloy ang kaparusahang pinaplano ko sa kanila dahil sa masasamang ginagawa nila. 4 Sabihin mo sa kanila ang ipinasasabi kong ito, ‘Kung hindi kayo maniniwala sa akin at ayaw ninyong sundin ang mga utos na ibinigay ko sa inyo, 5 at kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ng mga lingkod kong propeta na palagi kong sinusugo sa inyo, 6 gigibain ko ang templong ito katulad ng ginawa ko sa Shilo. At susumpain ang lungsod na ito ng lahat ng bansa sa buong mundo!’ ”
7 Narinig ng mga pari, mga propeta, at ng lahat ng tao na nasa templo ng Panginoon ang sinabing ito ni Jeremias. 8 Pagkatapos niya itong sabihin, pinalibutan siya ng mga pari, mga propeta at mga tao, at sinabihan, “Dapat kang mamatay! 9 Bakit mo sinabi sa pangalan ng Panginoon na ang templong itoʼy gigibain katulad ng Shilo, at ang lungsod na itoʼy magiging mapanglaw at wala nang maninirahan?” Kaya dinakip nila si Jeremias sa templo ng Panginoon.
10 Nang marinig ito ng mga pinuno ng Juda, pumunta sila sa templo. Umupo sila sa dinadaanan sa Bagong Pintuan ng templo para humatol. 11 Sinabi ng mga pari at mga propeta sa mga pinuno at sa lahat ng naroroon, “Dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito dahil nagsalita siya laban sa lungsod na ito. Narinig mismo ninyo ang kanyang sinabi.”
12 Sinabi naman ni Jeremias sa lahat ng pinuno at sa lahat ng tao na naroroon, “Isinugo ako ng Panginoon para magsalita ng laban sa templo at sa lungsod na ito katulad ng narinig ninyo.
Ang Sulat para sa Iglesya sa Smirna
8 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Smirna:
“Ito ang mensahe niya na siyang simula at katapusan ng lahat, na namatay ngunit muling nabuhay: 9 Alam ko ang inyong pagtitiis. Alam ko ring mahirap kayo, ngunit mayaman sa espiritwal na mga bagay. Alam kong hinahamak kayo ng mga taong nagsasabing mga Judio sila, ngunit ang totooʼy mga kampon sila ni Satanas. 10 Huwag kayong matakot sa mga paghihirap na malapit na ninyong danasin. Tandaan ninyo: Ipapabilanggo ni Satanas ang ilan sa inyo upang subukan kayo. Daranas kayo ng pang-uusig sa loob ng sampung araw. Manatili kayong tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan ko kayo ng buhay na walang hanggan.
11 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay hindi makakaranas ng ikalawang kamatayan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®