Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 20:7-13

Nagreklamo si Jeremias sa Panginoon

Panginoon, nilinlang nʼyo ako at nanaig kayo sa akin. Naging katatawanan ako ng mga tao at patuloy nila akong kinukutya. Kapag nagsasalita ako, isinisigaw ko po ang mensahe nʼyo Panginoon tungkol sa karahasan at pagkawasak! At dahil sa ipinasasabi nʼyong ito, pinagtatawanan po nila ako at kinukutya. Kung minsan, naiisip kong huwag na lang akong magsalita ng tungkol sa inyo o sabihin ang ipinapasabi ninyo. Pero hindi ko po mapigilan, dahil ang mga salita nʼyo ay parang apoy na nagniningas sa puso at mga buto ko. Pagod na ako sa kapipigil dito. 10 Narinig ko ang pangungutya ng mga tao. Inuulit nila ang mga sinasabi kong, “Nakakatakot ang nakapalibot sa atin!” Sinasabi pa nila, “Ipamalita natin ang kanyang kasinungalingan!” Pati ang mga kaibigan koʼy naghihintay ng pagbagsak ko. Sinasabi nila, “Baka sakaling madaya natin siya. Kung mangyayari iyon, magtatagumpay tayo at mapaghihigantihan natin siya.”

11 Pero kasama ko po kayo, Panginoon. Para kayong sundalo na matapang at makapangyarihan, kaya hindi magtatagumpay ang mga umuusig sa akin. Mapapahamak sila at mapapahiya, at kahit kailan, hindi makakalimutan ang kahihiyan nila. 12 O Panginoong Makapangyarihan, nalalaman nʼyo po kung sino ang matuwid dahil alam nʼyo ang nasa puso at isip ng tao. Ipakita nʼyo po sa akin ang paghihiganti nʼyo sa kanila dahil ipinaubaya ko na po sa inyo ang usaping ito.

13 Panginoon, magpupuri at aawit po ako sa inyo ngayon dahil iniligtas nʼyo ang mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao.

Salmo 69:7-10

Dahil sa inyo, iniinsulto ako at inilalagay sa kahihiyan.
Parang ibang tao ang turing sa akin ng mga kapatid ko,
    parang isang dayuhan sa aming sariling tahanan.
Dahil sa labis-labis na pagpapahalaga ko sa inyong templo,[a] halos mapahamak na ako.
    Tuwing iniinsulto kayo ng mga tao, nasasaktan din ako.
10 Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno, hinihiya nila ako.

Salmo 69:11-15

11 Kapag nakadamit ako ng sako upang ipakita ang aking pagdadalamhati,
    ginagawa nila akong katatawanan.
12 Pinagbubulung-bulungan din ako ng mga nakaupo sa pintuang bayan.
    At ang mga lasing ay kumakatha ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.
13 Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.
    Sa inyong tinakdang panahon, sagutin nʼyo ang dalangin ko ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.
    Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,
14 tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.
    Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway na parang inililigtas nʼyo ako mula sa malalim na tubig.
15 Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon at mamatay.

Salmo 69:16-18

16 Sagutin nʼyo ako, Panginoon,
    dahil sa inyong kabutihan at pagmamahal sa akin.
    Kahabagan nʼyo ako at bigyang pansin.
17 Huwag kayong tumalikod sa akin na inyong lingkod.
    Sagutin nʼyo agad ako dahil nasa kagipitan ako.
18 Lumapit kayo sa akin at iligtas ako sa aking mga kaaway.

Roma 6:1-11

Ang Bagong Buhay kay Cristo

Ano ngayon ang masasabi natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan para lalong madagdagan ang biyaya ng Dios sa atin? Aba, hindi maaari! Hindi maaari na magpatuloy pa tayo sa pagkakasala dahil ang kasalanan ay wala ng kapangyarihan sa atin. Hindi ba ninyo alam na noong binautismuhan tayo kay Jesu-Cristo, nangangahulugan ito na kasama tayo sa kanyang kamatayan? Kaya noong binautismuhan tayo, namatay tayo at inilibing na kasama niya. Kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay mamuhay sa bagong buhay.

At kung nakasama tayo sa kanyang kamatayan, tiyak na mabubuhay tayong muli[a] tulad ng muli niyang pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinako na sa krus kasama ni Cristo para mamatay, kaya hindi na tayo dapat alipinin pa ng kasalanan. Sapagkat ang taong patay na ay malaya na sa kasalanan. At kung namatay tayong kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay din tayong kasama niya. Sapagkat alam nating si Cristoʼy muling nabuhay at hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. 10 Minsan lang siyang namatay para sa kasalanan ng mga tao; at nabubuhay siya ngayon para sa Dios. 11 At dahil nakay Cristo Jesus na kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan at nabubuhay na para sa Dios.

Mateo 10:24-39

24 “Walang mag-aaral na mas higit sa kanyang guro, at walang aliping mas higit sa kanyang amo. 25 Sapat na sa isang mag-aaral na maging katulad ng kanyang guro, at sa alipin na maging katulad ng kanyang amo. Kung akong pinuno ninyo ay tinatawag nilang Satanas,[a] gaano pa kaya kasama ang itatawag nila sa inyong mga tagasunod ko?”

Ang Dapat Katakutan(A)

26 “Kaya huwag kayong matakot sa mga tao. Sapagkat walang natatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag. 27 Ang mga bagay na sa inyo ko lang sinasabi ay sabihin ninyo sa lahat,[b] at ang mga ibinubulong ko sa inyo ay ipamalita ninyo sa mga tao. 28 Huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang katawan lang ninyo ang kaya nilang patayin, pero hindi ang inyong kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa Dios, na siyang may kakayahang puksain ang katawan at kaluluwa ninyo sa impyerno. 29 Hindi baʼt napakamura ng halaga ng dalawang maya? Pero wala ni isa man sa kanila ang nahuhulog sa lupa nang hindi ayon sa kagustuhan ng inyong Ama. 30 Mas lalo na kayo, maging ang bilang ng inyong mga buhok ay alam niya. 31 Kaya huwag kayong matakot, dahil mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”

Ang Pagkilala kay Cristo(B)

32 “Ang sinumang kumikilala sa akin bilang Panginoon sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Amang nasa langit.”

Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(C)

34 “Huwag ninyong isipin na naparito ako sa lupa upang magkaroon nang maayos na relasyon ang mga tao. Naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan.[c] 35 Dahil sa akin, kokontrahin ng anak na lalaki ang kanyang ama, at kokontrahin ng anak na babae ang kanyang ina. Ganoon din ang gagawin ng manugang na babae sa kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng isang tao ay ang sarili niyang sambahayan.[d]

37 “Ang nagmamahal sa kanyang mga magulang ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang nagmamahal sa kanyang anak ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin[e] ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®