Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 105:1-11

Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)

105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
    Sambahin nʼyo siya!
    Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
    ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
    Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
Magtiwala kayo sa Panginoon,
    at sa kanyang kalakasan.
    Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
    at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
    alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
Siya ang Panginoon na ating Dios,
    siya ang humahatol sa buong mundo.
Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
– ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
    at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
    “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”

Salmo 105:37-45

37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
    at may dala pa silang mga pilak at ginto.
    At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
    at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
    at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
    Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.
42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.
43 Pinalabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.
44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa;
    ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba.
45 Ginawa ito ng Dios
    upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.

    Purihin ang Panginoon!

Kawikaan 4:10-27

10 Anak, pakinggan mo at tanggapin ang mga sinasabi ko sa iyo upang humaba ang iyong buhay. 11 Tinuruan na kita ng karunungan, kung paano mamuhay sa katuwiran. 12 Kung susundin mo ito, walang makakasagabal sa buhay mo at maliligtas ka sa anumang kapahamakan. 13 Huwag mong kalilimutan ang pagtutuwid ko sa iyong pag-uugali; ingatan mo ito sa puso mo sapagkat mabubuhay ka sa pamamagitan nito.

14 Huwag mong gagayahin ang ginagawa ng mga taong masama. 15 Iwasan mo ito at patuloy kang mamuhay nang matuwid. 16 Sapagkat ang taong masama ay hindi makatulog kapag hindi nakakagawa ng masama o walang naipapahamak. 17 Ang pagkain nila ay paggawa ng kasamaan at ang inumin nila ay paggawa ng karahasan.

18 Ang pamumuhay ng taong matuwid ay parang sikat ng araw na lalong nagliliwanag habang tumatagal. 19 Pero ang pamumuhay ng taong masama ay parang kadiliman; hindi niya alam kung ano ang dahilan ng kanyang pagbagsak.

20 Anak, pakinggan mong mabuti ang itinuturo ko sa iyo. 21 Huwag mo itong kalilimutan kundi ingatan sa puso mo. 22 Sapagkat magbibigay ito ng malusog na katawan at mahabang buhay sa sinumang makakasumpong nito.

23 Higit sa lahat, ingatan mo ang iyong isipan, sapagkat kung ano ang iyong iniisip iyon din ang magiging buhay mo. 24 Huwag kang magsalita ng kasinungalingan at walang kabuluhan. 25 Ituon mo ang iyong paningin sa mga bagay na mabuti. 26 Pag-isipan mong mabuti ang iyong mga gagawin upang magtagumpay ka. 27 Mamuhay ka sa katuwiran at layuan mo ang kasamaan.

Lucas 6:12-19

Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol(A)

12 Nang panahong iyon, pumunta si Jesus sa bundok at magdamag siyang nanalangin doon. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang mga tagasunod niya at pumili siya ng 12 mula sa kanila, at tinawag niya silang mga apostol. 14 Ito ay sina Simon (na tinawag niyang Pedro), Andres na kapatid nito, Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,[a] 16 Judas na anak ng isa pang Santiago, at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus.

Nangaral at Nagpagaling si Jesus(B)

17 Pagkatapos niyang piliin ang mga apostol niya, bumaba sila mula sa bundok at tumigil sa isang patag na lugar. Naroon ang marami pa niyang tagasunod at ang mga taong nanggaling sa Judea, Jerusalem, at sa baybayin ng Tyre at Sidon. 18 Pumunta sila roon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Pinagaling din ni Jesus ang lahat ng pinahihirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinikap ng lahat ng tao roon na mahipo siya, dahil may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nakapagpapagaling sa lahat.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®