Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 105:1-11

Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)

105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
    Sambahin nʼyo siya!
    Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
    ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
    Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
Magtiwala kayo sa Panginoon,
    at sa kanyang kalakasan.
    Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
    at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
    alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
Siya ang Panginoon na ating Dios,
    siya ang humahatol sa buong mundo.
Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
– ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
    at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
    “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”

Salmo 105:37-45

37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
    at may dala pa silang mga pilak at ginto.
    At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
    at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
    at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
    Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.
42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.
43 Pinalabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.
44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa;
    ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba.
45 Ginawa ito ng Dios
    upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.

    Purihin ang Panginoon!

Josue 1:1-11

Ang Paghahanda sa Pag-agaw ng Canaan

Nang mamatay na si Moises na lingkod ng Panginoon, sinabi ng Panginoon sa kanang-kamay ni Moises na si Josue na anak ni Nun, “Patay na ang lingkod kong si Moises. Kaya ngayon, maghanda kayo, ikaw at ang lahat ng Israelita, sa pagtawid sa Ilog ng Jordan papunta sa lupaing ibibigay ko sa inyo. Ayon sa ipinangako ko kay Moises, ibibigay ko sa inyo ang lahat ng lupaing mararating ninyo. Ito ang magiging teritoryo nʼyo: mula sa disyerto sa timog hanggang sa kabundukan ng Lebanon sa hilaga, at mula sa malaking Ilog ng Eufrates sa silangan, hanggang sa Dagat ng Mediteraneo sa kanluran, at ang lupain ng mga Heteo.

“Walang makakatalo sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagsama ko kay Moises. Hindi kita iiwan o kayaʼy pababayaan. Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mamumuno sa mga taong ito para angkinin ang lupaing ipinangako ko sa mga ninuno nila. Bastaʼt magpakatatag ka lang at magpakatapang. Sundin mong mabuti ang lahat ng kautusan na ibinigay sa iyo ng lingkod kong si Moises. Huwag mo itong kalilimutan para magtagumpay ka sa lahat ng ginagawa mo. Huwag mong kalimutang basahin ang Aklat ng Kautusan. Pagbulay-bulayan mo ito araw at gabi para malaman mo kung paano mo matutupad nang mabuti ang lahat ng nakasulat dito. Kung gagawin mo ito, uunlad ka at magtatagumpay. Alalahanin mo palagi ang bilin ko sa iyo: Magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manghina, dahil ako, ang Panginoon na iyong Dios, ay sasaiyo kahit saan ka pumaroon.”

10 Kaya, inutusan ni Josue ang mga pinuno ng Israel, 11 “Libutin ninyo ang kampo at sabihin ninyo sa mga tao na maghanda sila ng mga pagkain nila dahil sa ikatlong araw mula ngayon, tatawid tayo sa Ilog ng Jordan para angkinin ang lupaing ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Dios.”

1 Tesalonica 3:1-5

Nang hindi na kami makatiis dahil sa pananabik namin sa inyo, nagpasya kaming magpaiwan na lang sa Athens at isugo sa inyo si Timoteo. Kapatid natin siya at kasama naming naglilingkod sa Dios sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Pinapunta namin siya para patibayin at palakasin ang pananampalataya ninyo, para walang panghinaan ng loob sa inyo dahil sa mga nararanasan ninyong pag-uusig Alam naman ninyong kailangan nating pagdaanan ang mga pag-uusig. Noong nariyan pa kami sa inyo, lagi namin kayong pinapaalalahanan na makakaranas tayo ng mga pag-uusig. At gaya ng alam nʼyo, ito na nga ang nangyari. Kaya nang hindi na ako makatiis, pinapunta ko riyan si Timoteo para makabalita tungkol sa kalagayan ng pananampalataya nʼyo sa Panginoon; dahil nag-aalala ako na baka nanaig na sa inyo si Satanas at nasayang lang ang pagod namin sa pangangaral sa inyo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®