Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Bundok ng Sinai
19 1-2 Umalis ang mga Israelita sa Refidim at pumunta sa ilang ng Sinai. Doon sa harap ng bundok sila nagkampo. Ikatlong buwan ito mula nang lisanin nila ang Egipto.
3 Umakyat si Moises sa bundok para makipagkita sa Dios. Tinawag siya ng Panginoon doon sa bundok at sinabi, “Sabihin mo ito sa mga Israelita na mga lahi ni Jacob: 4 ‘Nakita nʼyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Egipcio, at kung paano ko kayo dinala rito sa akin, katulad ng pagdadala ng agila sa mga inakay niya sa pamamagitan ng kanyang pakpak. 5 Kung lubos ninyo akong susundin at tutuparin ang aking kasunduan, pipiliin ko kayo sa lahat ng bansa para maging mga mamamayan ko. Akin ang buong mundo, 6 pero magiging pinili ko kayong mamamayan at magiging isang kaharian ng mga paring maglilingkod sa akin.’ Sabihin mo ito sa mga Israelita.”
7 Kaya bumaba si Moises mula sa bundok at ipinatawag niya ang mga tagapamahala ng Israel at sinabi sa kanila ang sinabi ng Panginoon. 8 At sabay-sabay na sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
Awit ng Pagpupuri sa Panginoon
100 Kayong mga tao sa buong mundo,
sumigaw kayo nang may kagalakan sa Panginoon!
2 Paglingkuran ninyo nang may kagalakan ang Panginoon.
Lumapit kayo sa kanya na umaawit sa tuwa.
3 Kilalanin ninyo na ang Panginoon ang Dios!
Siya ang lumikha sa atin at tayoʼy sa kanya.
Tayoʼy kanyang mga mamamayan na parang mga tupa na kanyang inaalagaan sa kanyang pastulan.
4 Pumasok kayo sa kanyang templo nang may pagpapasalamat at pagpupuri.
Magpasalamat kayo at magpuri sa kanya.
5 Dahil mabuti ang Panginoon; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan,
at ang kanyang katapatan ay magpakailanman!
Mayroon na Tayong Magandang Relasyon sa Dios
5 Kaya ngayong itinuturing na tayong matuwid dahil sa pananampalataya natin sa ating Panginoong Jesu-Cristo, mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios. 2 Sa pamamagitan ni Jesus at dahil sa ating pananampalataya, tinatamasa natin ngayon ang biyaya ng Dios at nagagalak tayo dahil sa ating pag-asa na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 3 At nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. 4 Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao.[a] At kung mabuti ang ating pagkatao,[b] may pag-asa tayo na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 5 At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ipinadama ng Dios sa atin ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.
6 Nang wala tayong kakayahang makaligtas sa kaparusahan, namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan sa panahong itinakda ng Dios. 7 Bihira ang taong mag-aalay ng kanyang buhay para sa isang taong matuwid, bagamaʼt maaaring mayroong maglakas-loob na ibigay ang kanyang buhay para sa isang mabuting tao. 8 Pero ipinakita ng Dios sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin.
Naawa si Jesus sa mga Tao
35 Nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon, at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio. Ipinahayag niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila, dahil napakarami ng kanilang mga problema pero wala man lang tumutulong sa kanila. Para silang mga tupang walang pastol. 37 Kaya sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Marami ang aanihin, pero kakaunti ang tagapag-ani. 38 Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihin, na magpadala siya ng mga tagapag-ani.”
Ang Labindalawang Apostol(A)
10 Tinawag ni Jesus ang kanyang 12 tagasunod[a] at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng anumang sakit at karamdaman. 2 Ito ang mga pangalan ng 12 apostol: si Simon (na kung tawagin ay Pedro), na siyang nangunguna sa kanila, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago at si Juan na mga anak ni Zebedee, 3 si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, 4 si Simon na makabayan,[b] at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(B)
5 Sinugo ni Jesus ang 12 tagasunod niya at pinagbilinan, “Huwag kayong pumunta sa mga lugar ng mga hindi Judio o sa alin mang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, puntahan ninyo ang mga Israelita na parang mga nawawalang tupa. 7 Ipahayag ninyo sa kanila na malapit na[c] ang paghahari ng Dios. 8 Pagalingin nʼyo ang mga may sakit, buhayin ang mga patay, pagalingin ang mga may malubhang sakit sa balat para maituring silang malinis, at palayasin ang masasamang espiritu. Tinanggap ninyo ang kapangyarihang ito nang walang bayad, kaya ipamahagi rin ninyo nang walang bayad.
9 Huwag kayong magbaon ng pera,[a] 10 o kayaʼy magdala ng bag, damit na pambihis, sandalyas o tungkod. Sapagkat ang manggagawa ay dapat lang na suportahan sa mga pangangailangan niya.
11 “Sa alin mang bayan o nayon na inyong pupuntahan, humanap kayo ng taong malugod kayong tatanggapin sa kanyang bahay,[b] at makituloy kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. 12 Sa pagpasok ninyo sa tahanang iyon, pagpalain ninyo ang lahat ng nakatira roon. 13 Kung talagang tinatanggap nila kayo, pagpalain ninyo sila. Ngunit kung hindi, huwag nʼyo silang pagpalain. 14 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom at Gomora.”
Mga Pag-uusig na Darating(A)
16 “Tandaan ninyo, tulad kayo ng mga tupang sinugo ko sa mga lobo, kaya maging matalino kayo gaya ng mga ahas, at kasing-amo ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadakpin nila kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sambahan. 18 Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon ninyo iyon para magpatotoo sa kanila at sa mga hindi Judio ng tungkol sa akin. 19 At kapag dinala kayo sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano kayo sasagot, dahil ibibigay ng Dios sa inyo sa sandaling iyon ang sasabihin ninyo. 20 Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama. Siya ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”
21 “Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 22 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas 23 Kapag inuusig kayo sa isang bayan, pumunta kayo sa ibang bayan. Dahil ang totoo, hindi pa man ninyo nalilibot ang lahat ng bayan ng Israel, ako na Anak ng Tao ay babalik na.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®