Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagpupuri sa Panginoon
100 Kayong mga tao sa buong mundo,
sumigaw kayo nang may kagalakan sa Panginoon!
2 Paglingkuran ninyo nang may kagalakan ang Panginoon.
Lumapit kayo sa kanya na umaawit sa tuwa.
3 Kilalanin ninyo na ang Panginoon ang Dios!
Siya ang lumikha sa atin at tayoʼy sa kanya.
Tayoʼy kanyang mga mamamayan na parang mga tupa na kanyang inaalagaan sa kanyang pastulan.
4 Pumasok kayo sa kanyang templo nang may pagpapasalamat at pagpupuri.
Magpasalamat kayo at magpuri sa kanya.
5 Dahil mabuti ang Panginoon; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan,
at ang kanyang katapatan ay magpakailanman!
Inutusan ng Panginoon si Aaron na Magsalita para kay Moises
28 Nang nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises sa Egipto, 29 sinabi niya kay Moises, “Ako ang Panginoon. Sabihin ninyo sa Faraon na hari ng Egipto ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
30 Pero sinabi ni Moises sa Panginoon, “Hindi po ako magaling magsalita, kaya hindi makikinig ang Faraon sa akin.”
7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makinig ka! Gagawin kitang parang Dios sa Faraon. Makikipag-usap ka sa kanya sa pamamagitan ng kapatid mong si Aaron. 2 Sabihin mo kay Aaron ang lahat ng sinabi ko sa iyo at ipasabi mo ito sa kanya sa Faraon. Sasabihin niya sa Faraon na palayain ang mga Israelita sa kanyang bayan. 3 Pero patitigasin ko ang puso ng Faraon at kahit na gumawa pa ako ng maraming himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto, 4 hindi siya makikinig sa iyo. Pagkatapos, parurusahan ko nang matindi ang Egipto, at palalayain ko ang bawat lahi ng Israel na mga mamamayan ko. 5 Kapag naparusahan ko na ang mga Egipcio at napalabas na ang mga Israelita sa kanilang bansa, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
6 Sinunod nila Moises at Aaron ang iniutos ng Panginoon sa kanila. 7 Si Moises ay 80 taong gulang at si Aaron ay 83 naman nang makipag-usap sila sa Faraon.
8 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 9 “Kapag sinabi ng Faraon na gumawa kayo ng himala, sabihin mo Moises kay Aaron, ‘Ihagis mo ang baston sa harap ng Faraon,’ at magiging ahas ito.”
10 Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at ginawa ang sinabi ng Panginoon. Inihagis ni Aaron ang baston niya sa harap ng Faraon at ng kanyang mga opisyal, at naging ahas ito. 11 Ipinatawag naman ng Faraon ang kanyang matatalinong tao at mga salamangkero. Sa pamamagitan ng kanilang salamangka, nagawa rin nila ang ganoong himala. 12 Inihagis ng bawat isa sa kanila ang mga baston nila at naging ahas din ang mga ito. Pero nilunok ng ahas ni Aaron ang mga ahas nila. 13 Pero nagmatigas pa rin ang puso ng Faraon at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya na rin ng sinabi ng Panginoon.
Ang mga Tradisyon(A)
7 May mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating galing sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Jesus. 2 Napansin nila na ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus ay hindi naghugas ng kamay bago kumain.
3 Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay bilang pagsunod sa tradisyon ng kanilang mga ninuno. 4 Hindi rin sila kumakain ng anumang nabili sa palengke nang hindi muna nila ginagawa ang ritwal ng paglilinis.[a] Marami pa silang mga tradisyong tulad nito, gaya ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso.
5 Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sinusunod ng mga tagasunod mo ang mga tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain!” 6 Sinagot sila ni Jesus, “Tamang-tama ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo na mga pakitang-tao. Ayon sa isinulat niya, sinabi ng Dios na,
‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
7 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba sa akin
dahil ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’[b]
8 Sinusuway ninyo ang utos ng Dios, at ang sinusunod ay mga tradisyon ng tao.”
9 Sinabi pa ni Jesus, “Mahusay kayo sa pagpapawalang-bisa sa mga utos ng Dios para masunod ninyo ang inyong mga tradisyon. 10 Halimbawa na lang, sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[c] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[d] 11 Pero itinuturo nʼyo naman na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Dios), 12 hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila. 13 Pinapawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios sa pamamagitan ng mga tradisyong minana ninyo sa inyong mga ninuno. At marami pa kayong ginagawa na tulad nito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®