Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagpupuri sa Panginoon
100 Kayong mga tao sa buong mundo,
sumigaw kayo nang may kagalakan sa Panginoon!
2 Paglingkuran ninyo nang may kagalakan ang Panginoon.
Lumapit kayo sa kanya na umaawit sa tuwa.
3 Kilalanin ninyo na ang Panginoon ang Dios!
Siya ang lumikha sa atin at tayoʼy sa kanya.
Tayoʼy kanyang mga mamamayan na parang mga tupa na kanyang inaalagaan sa kanyang pastulan.
4 Pumasok kayo sa kanyang templo nang may pagpapasalamat at pagpupuri.
Magpasalamat kayo at magpuri sa kanya.
5 Dahil mabuti ang Panginoon; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan,
at ang kanyang katapatan ay magpakailanman!
Bumalik si Moises sa Egipto
18 Bumalik si Moises sa biyenan niyang si Jetro at sinabi sa kanya, “Payagan po ninyo akong bumalik sa mga kababayan ko sa Egipto para tingnan kung buhay pa sila.”
Sinabi ni Jetro, “Sige, maging maayos sana ang paglalakbay mo.”
19 Bago umalis si Moises sa Midian, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka na sa Egipto. Patay na ang mga gustong pumatay sa iyo.” 20 Kaya kinuha ni Moises ang asawa niya at mga anak na lalaki, at pinasakay sa asno at bumalik sa Egipto. Dinala rin niya ang baston na ipinapadala sa kanya ng Panginoon.
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang lahat ng himalang ipinapagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin iyan. Pero patitigasin ko ang puso ng hari para hindi niya payagang umalis ang mga Israelita. 22 Pagkatapos, sabihin mo sa kanya, ‘Sinabi ng Panginoon na: Itinuturing ko ang Israel na panganay kong anak na lalaki, 23 kaya iniuutos ko sa iyo na payagan mo silang umalis para makasamba sa akin, pero hindi ka pumayag. Kaya papatayin ko ang panganay mong na anak na lalaki!’ ”
Mas Dakila si Jesus kaysa kay Moises
3 Kaya nga mga kapatid ko sa pananampalataya, at mga kapwa ko na tinawag ng Dios na makakasama sa langit, alalahanin nʼyo si Jesus. Siya ang apostol at punong pari ng ating pananampalataya. 2 Tapat siya sa Dios na nagsugo sa kanya, katulad ni Moises na naging tapat sa pamamahala ng pamilya ng Dios. 3 Ngunit itinuring ng Dios si Jesus na higit kaysa kay Moises, dahil kung ihahalintulad sa bahay, higit ang karangalan ng nagtayo kaysa sa bahay na itinayo. 4 Alam natin na may gumawa ng bawat bahay. Ngunit[a] ang Dios ang gumawa ng lahat ng bagay. 5 Tapat si Moises sa pamamahala niya sa pamilya ng Dios bilang isang lingkod. At ang mga bagay na ginawa niya ay larawan ng mga bagay na mangyayari sa hinaharap. 6 Ngunit si Cristo ay tapat bilang Anak na namamahala sa pamilya ng Dios. At tayo ang pamilya ng Dios, kung patuloy tayong magiging tapat sa pag-asang ipinagmamalaki natin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®