Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 40:1-8

Awit ng Pagpupuri sa Panginoon

40 Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon,
    at dininig niya ang aking mga daing.
Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon,
    ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi
    mapahamak.
Tinuruan niya ako ng bagong awit,
    ang awit ng pagpupuri sa ating Dios.
    Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios,
    at silaʼy magtitiwala sa kanya.
Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala,
    at hindi lumalapit sa mga mapagmataas,
    o sumasamba sa mga dios-diosan.

Panginoon kong Dios, wala kayong katulad.
    Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin,
    at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin.
    Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.
Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog.
    Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan.
    Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
Kaya sinabi ko,
    “Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin.
O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo.
    Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”

Hosea 8:11-14

11 Nagpagawa nga sila ng maraming altar para sa mga handog sa paglilinis, pero doon din sila gumawa ng kasalanan. 12 Marami akong ipinasulat na kautusan para sa kanila, pero ang mga itoʼy itinuring nilang para sa iba at hindi para sa kanila. 13 Naghahandog sila sa akin at kinakain nila ang karneng handog,[a] pero hindi ako nalulugod sa kanila. At ngayon aalalahanin ko ang kanilang kasamaan at parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Babalik sila sa Egipto. 14 Kinalimutan ng mga taga-Israel ang lumikha sa kanila. Sila at ang mga taga-Juda ay nagtayo ng mga palasyo[b] at maraming napapaderang bayan. Pero susunugin ko ang kanilang mga lungsod at ang matitibay na bahagi nito.”

Hosea 10:1-2

10 “Ang mga taga-Israel noon ay parang tanim na ubas na mayabong at hitik sa bunga. Pero habang umuunlad sila, dumarami rin ang ipinapatayo nilang altar at pinapaganda nila ang alaalang bato na sinasamba nila. Mapanlinlang sila,[a] at ngayon dapat na nilang pagdusahan ang kanilang mga kasalanan. Gigibain ng Panginoon ang mga altar nila at mga alaalang bato.

Hebreo 13:1-16

Ang Paglilingkod na Nakalulugod sa Dios

13 Magpatuloy kayo sa pag-iibigan bilang magkakapatid kay Cristo. Huwag ninyong kalimutang patuluyin ang mga dayuhan sa tahanan ninyo. May mga taong gumawa niyan noon, at hindi nila alam na mga anghel na pala ang mga bisita nila. Damayan ninyo ang mga kapatid na nasa bilangguan na parang nakabilanggo rin kayong kasama nila, at damayan din ninyo ang mga kapatid na pinagmamalupitan na para bang dumaranas din kayo ng ganoon.

Dapat ninyong pahalagahan ang pag-aasawa, at dapat ninyong iwasan ang pangangalunya. Sapagkat hahatulan ng Dios ang mga nangangalunya at ang mga imoral.

Iwasan nʼyo ang pagiging sakim sa salapi. Maging kontento kayo sa anumang nasa inyo, sapagkat sinabi ng Dios, “Hinding-hindi ko kayo iiwan o pababayaan man.”[a] Kaya buong pagtitiwalang masasabi natin,

    “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, kaya hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao laban sa akin?”[b]

Alalahanin nʼyo ang mga dating namuno sa inyo na nagbahagi sa inyo ng salita ng Dios. Isipin nʼyo kung paano silang namuhay at namatay na may pananampalataya. Sila ang tularan ninyo. Si Jesu-Cristo ay hindi nagbabago. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at magpakailanman. Huwag kayong padadala sa kung anu-anong mga aral na iba sa natutunan ninyo. Mas mabuting patibayin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng biyaya ng Dios kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin tungkol sa pagkain, na wala namang naidudulot sa mga sumusunod nito.

10 Tayong mga mananampalataya ay may altar, at walang karapatang makisalo rito ang mga pari ng mga Judio na naghahandog sa sambahan nila. 11 Sapagkat ang dugo ng mga hayop na handog sa paglilinis ay dinadala ng punong pari sa Pinakabanal na Lugar, pero ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng bayan. 12 Ganyan din ang nangyari kay Jesus, pinatay siya sa labas ng bayan para malinis niya ang mga tao sa mga kasalanan nila sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya lumapit tayo kay Jesus sa “labas ng bayan” at makibahagi sa mga tiniis niyang kahihiyan. 14 Sapagkat wala tayong tunay na bayan sa mundong ito, pero hinihintay natin ang bayan na paparating pa lang. 15 Kaya patuloy tayong maghandog ng papuri sa Dios sa pamamagitan ni Jesus. Itoʼy ang mga handog na nagmumula sa mga labi natin at nagpapahayag ng pagkilala natin sa kanya. 16 At huwag nating kalimutan ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba, dahil ang ganitong uri ng handog ay kalugod-lugod sa Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®