Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hosea 5:15-6:6

15 Pagkatapos, babalik ako sa aking lugar hanggang sa aminin nila ang kanilang mga kasalanan. At sa kanilang paghihirap ay lalapit sila sa akin.”

Hindi Tapat ang Pagsisisi ng Israel

Nag-usap-usap ang mga taga-Israel. Sabi nila, “Halikayo! Magbalik-loob tayo sa Panginoon. Sinaktan niya tayo, kaya siya rin ang magpapagaling sa atin. Para tayong mga patay na agad niyang bubuhayin. Hindi magtatagal,[a] at ibabangon niya tayo para mamuhay sa kanyang presensya. Pagsikapan nating makilala ang Panginoon. Siyaʼy tiyak na darating, kasintiyak ng pagsikat ng araw. Darating siya na parang ulan na didilig sa mga lupain.”

Pero sinabi ng Panginoon, “O Israel[b] at Juda, ano ang gagawin ko sa inyo? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay parang ambon o hamog sa umaga na madaling mawala. Kaya nga binalaan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta na kayoʼy mapapahamak at mamamatay. Hahatulan ko kayo na kasimbilis ng kidlat. Sapagkat hindi ang inyong mga handog ang nais ko, kundi ang inyong pagmamahal.[c] Mas nanaisin ko pang kilalanin ninyo ako kaysa sa mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog.

Salmo 50:7-15

Sinabi pa ng Dios, “Kayong mga mamamayan ko,
    pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
    Ako ang Dios, na inyong Dios.
    Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
    na palagi ninyong iniaalay sa akin.
Hindi ko kailangan ang inyong mga baka[a] at mga kambing.
10 Sapagkat akin ang lahat ng hayop:
    ang mga hayop sa gubat at ang mga baka sa libu-libong mga burol.
11 Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,
    at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.
12 Kung magutom man ako, hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,
    dahil ang daigdig at ang lahat ng nasa loob nito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng karne ng toro?
    Hindi!
    Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?
    Hindi!
14 Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat
    at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo sa akin na Kataas-taasang Dios.
15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.
    At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”

Roma 4:13-25

Natatanggap ang Pangako ng Dios sa Pamamagitan ng Pananampalataya

13 Ipinangako ng Dios kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang mundo. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Dios kay Abraham hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil itinuring siya ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. 14 Kung ang mga nasasakop lamang ng Kautusan ang magiging tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya at ganoon din naman ang pangako ng Dios. 15 Ang Kautusan ang siyang naging dahilan kung bakit may parusa mula sa Dios. Kung walang Kautusan, wala ring paglabag.

16 Kaya nakabatay ang pangako ng Dios sa pananampalataya, para itoʼy maging biyaya ng Dios at tiyak na matatanggap ng lahat ng lahi ni Abraham – hindi lamang ng mga Judio na sakop ng Kautusan, kundi maging ng mga hindi Judio na sumasampalataya ring tulad ni Abraham na ama nating lahat. 17 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.”[a] Kaya sa paningin ng Dios, si Abraham ang ating ama. At ang Dios na pinaniwalaan ni Abraham, ang siya ring Dios na bumubuhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na wala pa. 18 Kahit na wala nang pag-asang maging ama si Abraham, nanalig pa rin siyang magiging ama siya ng maraming bansa; gaya nga ng sinabi ng Dios sa kanya, “Magiging kasindami ng bituin ang bilang ng mga anak mo.”[b] 19 Mag-iisang daang taong gulang na siya noon. Alam niyang matanda na siya at mahina na ang katawan. Alam din niyang si Sara ay baog at hindi maaaring magkaanak. Ganoon pa man, hindi nanghina ang kanyang pananampalataya. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Dios, kundi lalo pang tumibay ang kanyang pananampalataya. Pinapurihan niya ang Dios 21 dahil lubos siyang umasa na tutuparin ng Dios ang kanyang pangako. 22 Kaya nga, itinuring ng Dios na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. 23 Pero ang katagang, “itinuring na matuwid,” ay hindi lamang para kay Abraham, 24 kundi para rin sa atin. Tayo rin ay itinuturing ng Dios na matuwid kung sumasampalataya tayo sa kanya na muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus. 25 Pinatay si Jesus dahil sa ating mga kasalanan, at muling binuhay para tayoʼy maituring na matuwid.

Mateo 9:9-13

Tinawag ni Jesus si Mateo(A)

Nang umalis na roon si Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo, na nakaupo sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Mateo at sumunod kay Jesus.

10 Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Mateo, nagdatingan ang maraming maniningil ng buwis at ang iba pang mga itinuturing na makasalanan at kumaing kasama nila. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang mga tagasunod ni Jesus, “Bakit ang guro ninyo ay kumakaing kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga makasalanan?” 12 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Hindi ang mga walang sakit ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit. 13 Umalis na kayo at pag-isipan nʼyo kung ano ang kahulugan ng sinasabing ito ng Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo.’[a] Sapagkat naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.”

Mateo 9:18-26

Ang Anak ng Pinuno at ang Babaeng Dinudugo(A)

18 Habang sinasabi niya ang mga ito, dumating ang isang namumuno ng sambahan ng mga Judio. Lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, “Kamamatay lang po ng anak kong babae, pero kung pupuntahan nʼyo siya at ipapatong ang inyong kamay sa kanya, mabubuhay siyang muli.” 19 Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na rin ang mga tagasunod niya. 20 Habang naglalakad sila, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babae na 12 taon nang dinudugo, at hinipo niya ang laylayan[a] ng damit ni Jesus. 21 Sapagkat sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus at pagkakita sa babae ay sinabi, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinagaling[b] ka ng iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang babae nang sandaling iyon.

23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta sa libing at ang maraming taong nagkakaingay. 24 Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang siya.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus at hinawakan sa kamay ang bata, at bumangon ito. 26 Kumalat ang balitang ito sa buong lugar na iyon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®