Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Sinabi pa ng Dios, “Kayong mga mamamayan ko,
pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
Ako ang Dios, na inyong Dios.
Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
8 Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
na palagi ninyong iniaalay sa akin.
9 Hindi ko kailangan ang inyong mga baka[a] at mga kambing.
10 Sapagkat akin ang lahat ng hayop:
ang mga hayop sa gubat at ang mga baka sa libu-libong mga burol.
11 Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,
at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.
12 Kung magutom man ako, hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,
dahil ang daigdig at ang lahat ng nasa loob nito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng karne ng toro?
Hindi!
Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?
Hindi!
14 Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat
at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo sa akin na Kataas-taasang Dios.
15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.
At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”
Ang Bagong Malalapad na Bato(A)
34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tumapyas ka ng dalawang malalapad na bato gaya noong una, dahil susulatan ko ito ng mga salitang nakasulat sa naunang bato na binasag mo. 2 Maghanda ka bukas ng umaga, at umakyat ka sa Bundok ng Sinai. Makipagkita ka sa akin sa itaas ng Bundok. 3 Kailangang walang sasama sa iyo; walang sinumang makikita sa kahit saang bahagi ng bundok. Kahit na mga tupa o baka ay hindi maaaring manginain sa bundok.”
4 Kaya tumapyas si Moises ng dalawang malalapad na bato gaya noong una. At kinabukasan, maaga paʼy umakyat na siya sa bundok ayon sa iniutos ng Panginoon dala ang dalawang malalapad na bato. 5 Bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap at binanggit niya ang kanyang pangalang Panginoon habang nakatayo si Moises sa presensya niya. 6 Dumaan ang Panginoon sa harap ni Moises at sinabi, “Ako ang Panginoon, ang mahabagin at matulunging Dios. Mapagmahal at matapat ako, at hindi madaling magalit. 7 Ipinapakita ko ang pagmamahal ko sa maraming tao, at pinapatawad ko ang mga kasamaan nila, pagsuway at mga kasalanan. Pero pinaparusahan ko ang mga nagkakasala, pati na ang kanilang salinlahi hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon.”
8 Nagpatirapa si Moises sa lupa at sumamba. 9 Sinabi niya, “O Panginoon, kung nalulugod po kayo sa akin, nakikiusap po akong sumama kayo sa amin. Kahit na matigas ang ulo ng mga taong ito, patawarin po ninyo kami sa aming kasamaan at mga kasalanan. Tanggapin po ninyo kami bilang inyong mga mamamayan.”
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag
27 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na sumisigaw, “Anak ni David,[a] maawa po kayo sa amin!” 28 Pagdating ni Jesus sa bahay na kanyang tutuluyan, lumapit sa kanya ang mga bulag na lalaki. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na kaya ko kayong pagalingin?” Sumagot sila, “Opo, Panginoon.” 29 At hinipo ni Jesus ang mga mata nila, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nakakita nga ang dalawa. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nila itong sasabihin kaninuman. 31 Pero umalis ang dalawa at ibinalita nila sa buong lugar na iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Pipi
32 Habang paalis na sina Jesus, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. 33 Pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu, at nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao at sinabi, “Kailanman ay hindi pa nangyari ang ganito sa buong Israel.” 34 Pero sinabi ng mga Pariseo, “Ang pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®