Revised Common Lectionary (Complementary)
18 Kaya panatilihin ninyo ang mga salita kong ito sa inyong pusoʼt isipan. Itali ninyo ito sa mga braso ninyo at ilagay sa inyong noo bilang paalala sa inyo. 19 Ituro ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag naroon kayo sa inyong bahay at kapag naglalakad kayo, kapag nakahiga kayo o kapag kayoʼy babangon. 20 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong mga pintuan at sa pintuan ng inyong lungsod, 21 para kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal doon sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno. Maninirahan kayo rito hanggaʼt may langit sa ibabaw ng mundo.
26 Makinig kayo! Pinapapili ko kayo ngayon sa pagpapala o sa sumpa. 27 Pagpapalain kayo kung susundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 28 Susumpain ko kayo kung hindi ninyo susundin ang mga utos na ito ng Panginoon na ibinibigay ko sa inyo ngayon, at sumamba sa ibang mga dios na hindi naman ninyo kilala.
Dalangin ng Pagtitiwala
31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
2 Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
Kayo ang aking batong kanlungan,
at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
3 Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
4 Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
5 Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
dahil kayo ang Dios na maaasahan.
19 O kay dakila ng inyong kabutihan;
sa mga may takot sa inyo, pagpapalaʼy inyong inilaan.
Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan sa mga taong kayo ang kanlungan.
20 Itinago nʼyo sila sa ilalim ng inyong pagkalinga.
At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak at pang-iinsulto ng iba.
21 Purihin ang Panginoon,
dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin
noong akoʼy naipit sa isang sinasalakay na bayan.
22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko,
“Binalewala na ako ng Panginoon.”
Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan, at akoʼy kanyang tinulungan.
23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan,
mahalin ninyo ang Panginoon.
Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya,
ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob,
kayong mga umaasa sa Panginoon.
Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita
16 Hindi ko ikinakahiya ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, dahil ito ang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng lahat ng sumasampalataya – una ang mga Judio at gayon din ang mga hindi Judio. 17 Sapagkat ipinapahayag sa Magandang Balita kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao,[a] at itoʼy sa pamamagitan lang ng pananampalataya. Ayon nga sa Kasulatan, “Sa pananampalataya mabubuhay ang matuwid.”[b]
22 Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios. 24 Ngunit dahil sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Dios. 25 Isinugo si Cristo Jesus sa mundo para ialay ang kanyang buhay, nang sa ganoon mawala ang galit ng Dios sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Dios para ipakita na matuwid siya. Noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila. 26 Isinugo niya si Cristo para ipakita sa kasalukuyang panahon na matuwid siya. Dahil sa ginawa ng Dios, pinatunayan niyang matuwid siya maging sa pagturing niyang matuwid sa mga makasalanang sumasampalataya kay Jesus. 27 Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Jesus. 28 Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Dios na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan.
29 Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Judio, kundi Dios din ng mga hindi Judio, dahil siyaʼy Dios ng lahat. 30 Iisa lamang ang Dios para sa mga Judio at hindi Judio, at ituturing silang matuwid ng Dios dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo. 31 Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.
Hindi Kikilalanin ng Dios ang mga Gumagawa ng Masama(A)
21 “Marami ang tumatawag sa akin ng ‘Panginoon’, pero hindi ito nangangahulugan na makakapasok sila sa kaharian ng langit. Ang mga tao lang na sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang mapapabilang sa kanyang kaharian. 22 Marami ang magsasabi sa akin sa Araw ng Paghuhukom, ‘Panginoon, hindi baʼt sa ngalan nʼyo ay nagpahayag kami ng inyong salita, nagpalayas ng masasamang espiritu at gumawa ng maraming himala?’ 23 Ngunit sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama!’ ”
Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay(B)
24 “Kaya ang sinumang nakikinig at sumusunod sa aking mga sinasabi ay katulad ng isang matalinong lalaki na nagtayo ng kanyang bahay sa pundasyong bato. 25 Nang umulan nang malakas at bumaha, at humampas ang malakas na hangin sa bahay, hindi ito nagiba dahil nakatayo ito sa matibay na pundasyon. 26 Ngunit ang sinumang nakikinig sa aking mga salita pero hindi naman ito sinusunod ay parang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhangin. 27 Nang umulan nang malakas at bumaha, at humampas ang malakas na hangin sa bahay, nagiba ito at lubusang nawasak.”
Ang Awtoridad ni Jesus
28 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang mga bagay na ito, namangha ang mga tao, 29 dahil nangaral siya nang may awtoridad at hindi tulad ng kanilang mga tagapagturo ng Kautusan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®