Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 31:1-5

Dalangin ng Pagtitiwala

31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
    Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
    Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
    Kayo ang aking batong kanlungan,
    at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
    pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
    dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
    Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
    dahil kayo ang Dios na maaasahan.

Salmo 31:19-24

19 O kay dakila ng inyong kabutihan;
    sa mga may takot sa inyo, pagpapalaʼy inyong inilaan.
    Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan sa mga taong kayo ang kanlungan.
20 Itinago nʼyo sila sa ilalim ng inyong pagkalinga.
    At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak at pang-iinsulto ng iba.

21 Purihin ang Panginoon,
    dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin
    noong akoʼy naipit sa isang sinasalakay na bayan.
22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko,
    “Binalewala na ako ng Panginoon.”
    Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan, at akoʼy kanyang tinulungan.

23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan,
    mahalin ninyo ang Panginoon.
    Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya,
    ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob,
    kayong mga umaasa sa Panginoon.

Amos 2:6-11

Ang Parusa sa Bansang Israel

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Israel,[a] parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin ang mga taong walang kasalanan dahil lamang sa kanilang utang. Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap kahit na isang pares lang na sandalyas ang utang. Ginigipit nila ang mga mahihirap at hindi binibigyan ng katarungan. Mayroon sa kanila na mag-amang nakikipagtalik sa iisang babae. Dahil dito nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan. Natutulog sila sa kanilang sambahan[b] na suot ang damit na isinangla sa kanila ng mga mahihirap.[c] At nag-iinuman sila sa aking templo ng alak na binili galing sa ibinayad ng mga mahihirap na may utang sa kanila. Pero ako, ang ginawa ko para sa kanila na mga taga-Israel, nilipol ko ang mga Amoreo, kahit na kasintaas sila ng punong sedro at kasintibay ng punong ensina. Nilipol ko silang lahat at walang itinirang buhay. 10 Inilabas ko rin sa Egipto ang mga ninuno ng mga taga-Israel at pinatnubayan ko sila sa ilang sa loob ng 40 taon upang makuha nila ang lupain ng mga Amoreo. 11 Pinili ko ang ilan sa mga anak nila na maging propeta at Nazareo. Mga taga-Israel, hindi baʼt totoo itong sinasabi ko?

Mateo 7:1-6

Huwag Husgahan ang Kapwa(A)

“Huwag ninyong husgahan ang iba, para hindi rin kayo husgahan ng Dios. Sapagkat kung paano ninyo hinusgahan ang inyong kapwa ay ganoon din kayo huhusgahan ng Dios.[a] Bakit mo pinupuna ang munting puwing sa mata ng kapwa mo, pero hindi mo naman pinapansin ang mala-trosong puwing sa mata mo? Paano mo masasabi sa kanya, ‘Kapatid, tutulungan kitang alisin ang puwing sa mata mo,’ gayong may mala-trosong puwing sa iyong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang mala-trosong puwing sa iyong mata, nang sa ganoon ay makakita kang mabuti para maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapwa.

“Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga bagay na banal,[b] dahil baka balingan nila kayo at lapain. At huwag din ninyong ihagis sa mga baboy ang inyong mga perlas, dahil tatapak-tapakan lang nila ang mga ito.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®