Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 31:1-5

Dalangin ng Pagtitiwala

31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
    Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
    Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
    Kayo ang aking batong kanlungan,
    at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
    pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
    dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
    Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
    dahil kayo ang Dios na maaasahan.

Salmo 31:19-24

19 O kay dakila ng inyong kabutihan;
    sa mga may takot sa inyo, pagpapalaʼy inyong inilaan.
    Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan sa mga taong kayo ang kanlungan.
20 Itinago nʼyo sila sa ilalim ng inyong pagkalinga.
    At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak at pang-iinsulto ng iba.

21 Purihin ang Panginoon,
    dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin
    noong akoʼy naipit sa isang sinasalakay na bayan.
22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko,
    “Binalewala na ako ng Panginoon.”
    Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan, at akoʼy kanyang tinulungan.

23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan,
    mahalin ninyo ang Panginoon.
    Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya,
    ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob,
    kayong mga umaasa sa Panginoon.

Exodus 24:1-8

Tinanggap ng mga Israelita ang Kasunduan ng Panginoon

24 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin at isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang 70 tagapamahala ng Israel. Sa malayo mo sila pasambahin sa akin. Ikaw lang, Moises, ang makakalapit sa akin, ang ibaʼy hindi na maaaring makalapit sa akin. Hindi dapat umakyat dito ang mga tao kasama mo.”

Nang sinabi ni Moises sa mga tao ang lahat ng itinuro at iniutos ng Panginoon, sabay-sabay silang sumagot, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” At isinulat ni Moises ang lahat ng sinabi ng Panginoon.

Kinaumagahan, bumangon si Moises at nagpatayo ng altar sa may paanan ng bundok, at naglagay siya ng 12 haliging bato na kumakatawan sa 12 lahi ng Israel. Pagkatapos, inutusan niya ang mga kabataang lalaki na mag-alay sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mag-alay din ng mga toro bilang handog para sa mabuting relasyon sa Panginoon. Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay ito sa mga mangkok at iwinisik sa altar ang kalahati. Kinuha rin niya ang Aklat ng Kasunduan at binasa ito sa mga tao. At sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon. Susundin namin siya.”

Pagkatapos, kinuha niya ang dugo sa mga mangkok at iwinisik ito sa mga tao, at sinabi, “Ito ang dugo na nagpapatibay sa kasunduan na ginawa ng Panginoon sa inyo nang ibigay niya ang mga utos na ito.”

Roma 2:17-29

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Sinasabi ninyo na mga Judio kayo, nagtitiwala kayo sa Kautusan at ipinagmamalaki ang inyong kaugnayan sa Dios. 18 Alam ninyo kung ano ang kalooban ng Dios at alam din ninyo kung ano ang dapat gawin, dahil itinuro ito sa inyo sa Kautusan. 19 Ipinapalagay ninyong tagaakay kayo ng mga bulag sa katotohanan, ilaw sa mga taong nasa kadiliman, 20 at tagapagturo sa mga kulang ng pang-unawa at mga bata pa sa mga bagay tungkol sa Dios. Ganito nga ang palagay ninyo sa inyong sarili, dahil naniniwala kayo na sa pamamagitan ng Kautusan ay nakamit na ninyo ang lahat ng kaalaman at katotohanan. 21 Tinuturuan ninyo ang iba, pero bakit hindi ninyo maturuan ang inyong sarili? Nangangaral kayong huwag magnakaw, pero kayo mismoʼy nagnanakaw. 22 Sinasabi ninyong huwag mangalunya, pero kayo mismo ay nangangalunya. Kinasusuklaman ninyo ang mga dios-diosang sinasamba ng mga hindi Judio, pero ninanakawan naman ninyo ang kanilang mga templo. 23 Nagmamalaki kayo na nasa inyo ang Kautusan ng Dios, pero ginagawa ninyong kahiya-hiya ang Dios dahil sa paglabag ninyo sa Kautusan. 24 Sinasabi sa Kasulatan, “Dahil sa inyo, nilalapastangan ng mga hindi Judio ang pangalan ng Dios.”[a]

25 Nagtitiwala kayo na kayo ang mga taong pinili ng Dios dahil kayoʼy tuli. May halaga lang ang pagiging tuli kung sinusunod ninyo ang Kautusan. Pero kung nilalabag naman ninyo ang Kautusan, para na rin kayong mga hindi tuli. 26 At kung sinusunod naman ng isang hindi tuli ang Kautusan, ituturing siya ng Dios na para na ring tuli. 27 Kahit na kayo ay mga Judio at tuli, papatunayan ng mga hindi Judio na dapat kayong parusahan. Sapagkat kahit na hindi sila tuli at wala sa kanila ang Kautusan, sinusunod naman nila ito, samantalang kayong mga may hawak ng Kautusan ay lumalabag dito. 28 Ang pagka-Judio ng isang tao ay hindi dahil sa Judio ang kanyang mga magulang at tuli siya sa laman. 29 Ang tunay na Judio ay ang taong nabago[b] ang puso sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi dahil tuli siya ayon sa Kautusan. Ang ganyang tao ay pinupuri ng Dios kahit hindi pinupuri ng tao.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®