Revised Common Lectionary (Complementary)
Muling Itatayo ang Jerusalem
8 Ito ang sinabi ng Panginoon, “Sa tamang panahon[a] ay tutugunin kita, sa araw ng pagliligtas ay tutulungan kita. Iingatan kita, at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao. Muli mong itatayo ang lupain ng Israel na nawasak, at muli mo itong ibibigay sa aking mga mamamayan. 9 Sasabihin mo sa mga Israelitang binihag at piniit sa kadiliman, ‘Lumabas kayo! Malaya na kayo!’
“Matutulad sila sa mga tupang nanginginain sa tabi ng mga daan at mga burol. 10 Hindi sila magugutom o mauuhaw. Hindi sila maiinitan ng matinding init ng araw o ng mainit na hangin sa ilang. Sapagkat akong nagmamalasakit sa kanila ay magpapatnubay sa kanila sa mga bukal. 11 Gagawin kong daanan ang aking mga bundok na kanilang dadaanan. Ang mga lugar na matataas ay magiging pangunahing daan. 12 Darating ang aking mga mamamayan mula sa malayo. Manggagaling ang iba sa hilaga, ang iba namaʼy sa kanluran, at ang ibaʼy galing pa sa Sinim.”[b]
13 Umawit ka sa tuwa, O langit. At magalak ka, O mundo! Umawit kayo, kayong mga bundok. Sapagkat kaaawaan at aaliwin ng Panginoon ang kanyang mga mamamayang nahihirapan. 14 Pero sinabi ng mga taga-Jerusalem,[c] “Pinabayaan na kami ng Panginoon; nakalimutan na niya kami.”
15 Pero sumagot ang Panginoon, “Makakalimutan ba ng isang ina ang kanyang anak? Hindi ba niya pagmamalasakitan ang isinilang niyang sanggol? Maaaring makalimot ang isang ina, pero ako, hindi makalilimot sa inyo!
16 “O Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Isinulat ko ang pangalan mo sa aking mga palad. Palagi kong iniisip na maitayong muli ang iyong mga pader.
Dalanging may Pagtitiwala
131 Panginoon, akoʼy hindi hambog o mapagmataas.
Hindi ko hinahangad ang mga bagay na napakataas na hindi ko makakayanan.
2 Kontento na ako katulad ng batang inawat na hindi na naghahangad ng gatas ng kanyang ina.
3 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Mga Apostol ni Cristo
4 Kaya dapat ituring ninyo kami ni Apolos bilang mga lingkod ni Cristo na pinagkatiwalaan ng Dios na mangaral ng katotohanang inilihim niya noong una. 2 At ang katiwalaʼy dapat maging tapat. 3 Hindi mahalaga sa akin kung ano ang iniisip ninyo o ng sinuman sa akin, ni hindi ko nga pinapahalagahan ang sarili kong opinyon. 4 Kung sabagay, malinis ang aking konsensya, pero hindi ito nangangahulugan na wala akong kasalanan. Ang Panginoon lang ang makapagsasabi kung tama o mali ang aking ginagawa. 5 Kaya huwag kayong humatol nang wala sa takdang panahon. Hintayin ninyo ang pagbabalik ng Panginoon. Pagdating niya, ilalantad niya ang lahat ng mga sekreto at motibo ng bawat isa. At sa panahong iyon, tatanggapin ng bawat isa ang papuring mula sa Dios na ayon sa kanyang ginawa.
Sino ang Dapat Nating Paglingkuran, Ang Dios o ang Kayamanan?(A)
24 “Walang taong makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kayaʼy magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”
25 “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mag-alala tungkol sa inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, iinumin o susuotin. Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon ng pagkain sa bodega, ngunit pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi baʼt mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang saglit sa pamamagitan ng pag-aalala?
28 “At bakit kayo nag-aalala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak na tumutubo sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o naghahabi. 29 Ngunit sasabihin ko sa inyo: kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng damit na kasingganda ng mga bulaklak na ito sa kabila ng kanyang karangyaan. 30 Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 31 Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong kakainin, iinumin, o susuotin. 32 Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 33 Kaya unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at ang pagsunod sa kanyang kalooban, at ibibigay niya ang lahat ng pangangailangan ninyo. 34 Kaya huwag na kayong mag-alala tungkol sa kinabukasan, dahil ang bukas ay may sarili nang alalahanin. Sapat na ang mga alalahaning dumarating sa bawat araw.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®