Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 131

Dalanging may Pagtitiwala

131 Panginoon, akoʼy hindi hambog o mapagmataas.
    Hindi ko hinahangad ang mga bagay na napakataas na hindi ko makakayanan.
Kontento na ako katulad ng batang inawat na hindi na naghahangad ng gatas ng kanyang ina.
Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon ngayon at magpakailanman.

Isaias 31

Kawawa ang mga Nagtitiwala sa Egipto

31 Nakakaawa kayong humihingi ng tulong sa Egipto. Umaasa kayo sa mabibilis nilang kabayo, sa marami nilang karwahe, at malalakas na sundalong nangangabayo. Pero hindi kayo nagtitiwala sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, at hindi kayo humihingi ng tulong sa kanya. Sa karunungan ng Dios, magpapadala siya ng salot, at talagang gagawin niya ang kanyang sinabi. Paparusahan niya ang pamilya ng masasama at ang mga tumutulong sa kanila. Ang mga taga-Egipto ay mga tao lang din at hindi Dios. Ang mga kabayo nilaʼy hindi naman mga espiritu, kundi tulad lang din ng ibang mga kabayo. Kapag nagparusa na ang Panginoon, mawawasak ang Egipto pati ang mga bansa na tinulungan nito. Pare-pareho silang mawawasak. Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Walang makakapigil sa leon sa paglapa niya sa kanyang biktima kahit na magsisigaw pa ang mga nagbabantay ng mga hayop. Katulad ko rin, walang makakapigil sa akin para ingatan ang Bundok ng Zion. Ako ang Panginoong Makapangyarihan, babantayan ko ang Jerusalem na parang ibon na nagbabantay sa kanyang pugad. Iingatan ko ito, ililigtas, at hindi pababayaan.”

Mga Israelita, magbalik-loob kayo sa Panginoong labis na ninyong sinuway. Sapagkat darating ang araw na itatakwil ninyo ang inyong mga dios-diosang pilak at ginto na kayo mismo ang gumawa dahil sa inyong pagiging makasalanan.

Mamamatay ang mga taga-Asiria, pero hindi sa pamamagitan ng espada ng tao. Tatakas sila mula sa digmaan, at magiging alipin ang kanilang mga kabataan. Tatakas ang kanilang mga kawal[a] dahil sa takot, pati ang kanilang mga pinuno ay hindi na malaman ang gagawin kapag nakita nila ang bandila ng kanilang mga kaaway. Iyan ang sinabi ng Panginoon, na ang kanyang apoy ay nagniningas sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem.[b]

Lucas 11:14-23

Si Jesus at si Satanas(A)

14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang masamang espiritu na sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki. Nang lumabas na ang masamang espiritu, nakapagsalita ang lalaki. Namangha ang mga tao. 15 Pero may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Satanas[a] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 16 Ang iba naman ay gustong subukin si Jesus, kaya hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[b] bilang patunay na sugo siya ng Dios. 17 Pero alam niya ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakawatak-watak at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away. 18 Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, paano mananatili ang kaharian niya? Tinatanong ko ito sa inyo dahil sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas.[c] 19 Kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay sa mga tagasunod ninyo ng kapangyarihang makapagpalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang makakapagpatunay na mali kayo. 20 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.

21 “Kung ang isang taong malakas at armado ang nagbabantay sa kanyang bahay, ligtas ang mga ari-arian niya. 22 Pero kapag sinalakay siya ng isang taong mas malakas kaysa sa kanya, matatalo siya, at kukunin nito ang mga armas na inaasahan niya at ipapamahagi ang mga ari-arian niya.

23 “Ang hindi kumakampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa pagtitipon ko ay nagkakalat.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®