Revised Common Lectionary (Complementary)
Dalangin ng Pagpapasalamat
30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
dahil iniligtas nʼyo ako.
Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
2 Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinagaling nʼyo ako.
3 Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.
4 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
kayong mga tapat sa kanya.
Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
5 Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
Maaaring sa gabi ay may pagluha,
pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.
6 Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
“Wala akong pangangambahan.”
7 Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.
8 Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
9 “Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”
11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.
25 Wala nang hihigit pa sa kagwapuhan ni Absalom sa buong Israel kaya hinahangaan siya ng lahat. Wala siyang kapintasan mula ulo hanggang paa. 26 Isang beses lang siya magpagupit bawat taon kapag nabibigatan na siya sa buhok niya. Kung titimbangin ang buhok niya, aabot ito ng dalawang kilo, ayon sa timbangang ginagamit ng hari. 27 Si Absalom ay may tatlong anak na lalaki at isang napakagandang babaeng nagngangalang Tamar. 28 Nanirahan si Absalom sa Jerusalem sa loob ng dalawang taon na hindi nakikita ang hari.
29 Isang araw, ipinatawag ni Absalom si Joab para hilingin na makipag-usap ito sa hari para sa kanya. Pero hindi pumunta si Joab kay Absalom. Kaya muling ipinatawag siya ni Absalom, pero hindi na naman siya pumunta. 30 Sinabi ni Absalom sa mga lingkod niya, “Sunugin nʼyo ang bukid ni Joab na taniman ng sebada. Katabi lang ito ng bukid ko.” Kaya sinunog nila ang bukid ni Joab.
31 Pumunta si Joab kay Absalom at sinabi, “Bakit sinunog ng mga lingkod mo ang bukid ko?” 32 Sumagot si Absalom, “Dahil hindi ka pumunta rito noong ipinatawag kita. Gusto ko sanang pumunta ka sa hari at tanungin siya kung bakit ipinakuha pa niya ako sa Geshur. Mas mabuti pang nagpaiwan na lang ako roon. Gusto kong makita ang hari, kung nagkasala ako, patayin niya ako.”
33 Kaya pumunta si Joab sa hari, at ipinaabot dito ang mga sinabi ni Absalom. Pagkatapos, ipinatawag ng hari si Absalom, pagdating niya, yumukod ito sa hari bilang paggalang. At hinalikan siya ng hari.
2 Doon ay may mga taong nagdala sa kanya ng isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 3 Nang marinig ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon, sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan ng taong ito ang Dios.” 4 Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng masama? 5 Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 6 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na akong Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” 7 Tumayo nga ang paralitiko at umuwi. 8 Namangha ang mga tao nang makita nila ito, at pinapurihan nila ang Dios na nagbigay sa mga tao ng ganoong kapangyarihan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®