Revised Common Lectionary (Complementary)
3 Magsisimula ba kaming papurihan muli ang aming mga sarili? Kailangan ba, tulad ng iba, ang sulat ng pagkilala para sa inyo, o ang sulat ng pagkilala mula sa inyo? 2 Kayo ang aming sulat na iniukit sa aming mga puso na nalalaman at nababasa ng lahat ng mga tao. 3 Nahahayag kayo na mga sulat ni Cristo na pinaglingkuran namin. Hindi kayo isinulat sa pamamagitan ng tinta kundi sa pamamagitan ng Espiritu ng buhay na Diyos. Hindi kayo iniukit sa mga tipak ng bato kundi sa mga tipak ng pusong laman.
4 Mayroon kaming ganitong pagtitiwala sa pamamagitan ni Cristo patungkol sa Diyos. 5 Hindi namin inaangkin na kaya naming gawin ang anumang bagay sa aming sarili. Wala kaming kakayahan sa aming sarili, subalit ang aming kakayahan ay sa Diyos. 6 Siya rin ang gumawa na kami ay maging mga may kakayanang tagapaglingkod ng bagong tipan. Ito ay hindi sa pamamagitan ng kasulatan ng kautusan kundi ng Espiritu dahil ang kasulatan ng kautusan ay pumapatay, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay ng buhay.
Tinawag ni Jesus si Levi
13 Nagtungo muli si Jesus sa tabi ng lawa. Lahat ng mga tao ay pumunta sa kaniya at sila ay tinuruan niya.
14 Sa kaniyang paglalakad ay nakita niya si Levi, na anak ni Alfeo, na nakaupo sa may singilan ng buwis. Sinabi sa kaniya ni Jesus: Sumunod ka sa akin. At siya ay tumindig at sumunod kay Jesus.
15 Nangyari nga nang si Jesus ay kumain sa bahay ni Levi, maraming mga maniningil ng buwis at makasalanan ang nakisalo sa kaniya at sa kaniyang mga alagad. Marami sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ang sumusunod kay Jesus. 16 Nakita ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo na siya ay kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis. Sinabi nila sa kaniyang mga alagad: Bakit siya kumakain at umiinom na kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?
17 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Ang nangangailangan ng manggagamot ay ang mga maysakit, hindi ang mga malulusog. Hindi ako naparito upang tawagin sa pagsisisi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.
Tinanong ng mga Tao si Jesus Patungkol sa Pag-aayuno
18 Ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo ay nag-aayuno. At sila ay lumapit kay Jesus at sinabi nila sa kaniya: Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?
19 At sinabi ni Jesus sa kanila: Makapag-aayuno ba ang mga panauhin ng lalaking ikakasal habang siya ay kasama nila? Hindi sila makapag-aayuno habang kasama nila ang lalaking ikakasal. 20 Subalit darating ang mga araw na aalisin siya sa kanila at sila ay mag-aayuno sa mga araw na iyon.
21 Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit sapagkat ang bagong telang itinagpi, kapag umurong ay babatak sa lumang tela at ang punit ay lalong lalaki. 22 Walang nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kung gagawin ito, papuputukin ng bagong alak ang sisidlang-balat. Masisira ang balat at matatapon ang alak. Ang bagong alak ay dapat isalin sa bagong sisidlang-balat.
Copyright © 1998 by Bibles International