Readings for Lent and Easter
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)
15 Kinaumagahan, nagsanggunian kaagad ang mga punong pari kasama ang matatanda at mga eskriba at ang buong Sanhedrin. Ginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato.
2 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya sa kanya, “Ikaw ang nagsasabi.”
3 Pinaratangan siya ng mga punong pari ng maraming bagay.
4 Muli siyang tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Tingnan mo kung gaano karami ang kanilang ibinibintang laban sa iyo.”
5 Ngunit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman, anupa't nanggilalas si Pilato.
Hinatulang Mamatay si Jesus(B)
6 Sa bawat kapistahan ay nakaugalian na niyang pawalan sa kanila ang isang bilanggo na kanilang hilingin.
7 Mayroong isa na kung tawagin ay Barabas, na nakakulong kasama ng mga manghihimagsik na sa panahon ng paghihimagsik ay pumatay ng tao.
8 Kaya't lumapit ang karamihan at nagpasimulang hilingin sa kanya na sa kanila'y gawin ang ayon sa kanyang nakaugalian.
9 Sinagot naman sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?”
10 Sapagkat batid niya na dahil sa inggit ay ipinadakip siya ng mga punong pari.
11 Ngunit inudyukan ng mga punong pari ang taong-bayan na sa halip ay palayain niya si Barabas para sa kanila.
12 Ngunit muling sumagot si Pilato at sa kanila'y sinabi, “Ano ngayon ang nais ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”
13 At sila'y muling nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”
14 Ngunit sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong kasamaan ang kanyang ginawa?” Subalit sila'y lalong nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001