Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Mga Hari 14-15

Ang Pagkamatay ng Anak ni Jeroboam

14 Nang panahong iyon, nagkasakit si Abias na anak ni Jeroboam. Kaya't sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, “Magbalatkayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa ka ng hari. Puntahan mo sa Shilo si Ahias, ang propetang nagsabi sa akin na maghahari ako sa bayang Israel. Magdala ka ng sampung tinapay, ilang bibingka, at isang garapong pulot. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.”

Ganoon nga ang ginawa ng babae. Pinuntahan niya sa Shilo si Ahias. Matandang-matanda na noon si Ahias at bulag na. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pupunta rito ang asawa ni Jeroboam at itatanong niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa kanyang anak na may sakit.” Sinabi rin ni Yahweh kay Ahias kung ano ang sasabihin niya sa babae.

Nang dumating ang asawa ni Jeroboam, siya'y nagkunwaring ibang babae. Subalit nang marinig ni Ahias na nasa may pintuan na ang babae, sinabi niya, “Tuloy kayo, asawa ni Jeroboam. Bakit pa kayo nagkukunwari? Mayroon akong masamang balita para sa inyo. Bumalik kayo kay Jeroboam at sabihin ninyo, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Pinili kita mula sa mga sambayanan at ginawang pinuno ng aking bayang Israel. Inalis ko sa sambahayan ni David ang malaking bahagi ng kaharian at ibinigay sa iyo. Ngunit hindi ka tumulad kay David na aking lingkod. Tinupad niya ang lahat kong iniutos, sinunod niya ako nang buong-puso, at wala siyang ginawa kundi ang kalugud-lugod sa aking paningin. Higit ang ginawa mong kasamaan kaysa ginawa ng lahat ng mga nauna sa iyo. Tinalikuran mo ako at ginalit nang magpagawa ka ng sarili mong mga diyos, mga imaheng yari sa tinunaw na metal. 10 Dahil(A) dito paparusahan ko ang iyong angkan. Lilipulin ko silang lahat, matanda at bata. Wawalisin kong parang dumi ang buong angkan mo mula sa Israel. 11 Sinumang kamag-anak mo na mamatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; ang mamatay naman sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.’ Ito ang sabi ni Yahweh.

12 “Ngayon, umuwi na kayo. Pagpasok na pagpasok ninyo sa bayan ay mamamatay ang inyong anak. 13 Ipagluluksa siya ng buong Israel at ihahatid sa kanyang libingan. Siya lamang sa buong angkan ni Jeroboam ang maihahatid sa libingan sapagkat siya lamang ang kinalugdan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 14 Ang Israel ay bibigyan ng Diyos ng ibang hari na siyang magwawakas sa paghahari ng angkan ni Jeroboam. 15 Paparusahan ni Yahweh ang bayang Israel hanggang sa ito'y manginig na parang tambo sa tubig na pinapaspas ng hangin. Parang punong bubunutin niya ang bayang Israel mula sa masaganang lupaing ito na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno. Magkakawatak-watak sila sa mga lupaing nasa kabila ng ilog sapagkat ginalit nila si Yahweh nang gumawa sila ng mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. 16 Pababayaan ni Yahweh ang Israel dahil sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam at sa mga kasalanang ipinagawa nito sa bayang Israel.”

17 Nagmamadaling umalis ang asawa ni Jeroboam at nagbalik sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng kanilang bahay, namatay ang bata. 18 Siya'y ipinagluksa at inilibing ng buong bayang Israel, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias.

Ang Pagkamatay ni Jeroboam

19 Ang iba pang mga ginawa ni Jeroboam—ang kanyang mga pakikidigma at kung paano siya naghari ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 20 Naghari siya sa loob ng dalawampu't dalawang taon. Namatay siya at inilibing, at si Nadab na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Rehoboam(B)

21 Naghari naman sa Juda si Rehoboam na anak ni Solomon. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang nagsimulang maghari. Labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, sa lunsod na pinili ni Yahweh mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang doo'y sambahin siya. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama, isang taga-Ammon.

22 Gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang sambayanan ng Juda at higit na masama ang kanilang ginawa kaysa kanilang mga ninuno. Dahil dito'y nagalit sa kanila si Yahweh. 23 Nagtayo(C) sila ng mga sambahan, mga haliging bato, at mga larawan ni Ashera sa ibabaw ng bawat burol at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy. 24 Ang(D) pinakamasama pa nito, may mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba. Ginawa ng mga taga-Juda ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh mula sa lupain noong pumasok doon ang mga Israelita.

25 Nang(E) ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sinalakay ni Shishak na hari ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem. 26 Kinuha(F) niya ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Sinamsam niyang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. 27 Pinalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng mga kalasag na tanso, at inilagay sa pag-iingat ng mga pinuno ng bantay sa hari na nagbabantay sa pintuan ng palasyo. 28 Tuwing pupunta ang hari sa Templo ni Yahweh, dala ng mga bantay ang mga kalasag na iyon. Pagkatapos, ibinabalik ang mga kalasag sa himpilan ng mga bantay.

Ang Pagkamatay ni Rehoboam

29 Ang ibang mga ginawa ni Rehoboam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 30 Patuloy ang labanan ni Rehoboam at ni Jeroboam sa panahon ng kanilang paghahari. 31 Namatay si Rehoboam at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Ang ina niya'y isang Ammonita na ang pangala'y Naama. Humalili sa kanya si Abiam na kanyang anak.

Ang Paghahari ni Abiam sa Juda(G)

15 Noong ikalabing walong taon ng paghahari sa Israel ni Jeroboam na anak ni Nebat, naging hari naman ng Juda si Abiam na anak ni Rehoboam kay Maaca na anak ni Absalom. Tatlong taon siyang naghari, at sa Jerusalem siya nanirahan. Sumunod siya sa masasamang halimbawa ng kanyang ama, at hindi sa halimbawa ni David na kanyang ninuno. Hindi siya naging tapat kay Yahweh na kanyang Diyos. Gayunman,(H) alang-alang kay David, ang kanyang angkan ay pinapanatili ni Yahweh na maghari sa Jerusalem. Pinagkalooban siya ng anak na lalaki na hahalili sa kanya, at iningatan sa kaaway ang Jerusalem. Ginawa(I) ito ni Yahweh sapagkat pawang matuwid sa paningin niya ang mga gawa ni David. Sa buong buhay niya, hindi siya lumabag sa mga utos ni Yahweh, liban sa ginawa niya kay Urias na Heteo. Nagpatuloy(J) ang alitan nina Rehoboam at Jeroboam hanggang sa panahon ni Abiam.

Ang Pagkamatay ni Abiam

Ang iba pang mga ginawa ni Abiam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.

Nang mamatay si Abiam, siya'y inilibing sa Lunsod ni David at ang anak niyang si Asa ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Asa sa Juda(K)

Noong ikadalawampung taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, naging hari naman ng Juda si Asa. 10 Naghari siya sa loob ng apatnapu't isang taon, at sa Jerusalem siya nanirahan. Ang lola ni Asa na si Maaca ay anak ni Absalom. 11 Namuhay si Asa nang matuwid sa paningin ni Yahweh, tulad ng kanyang ninunong si David. 12 Pinalayas(L) niya sa kaharian ang mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga sambahan ng mga diyus-diyosan, at winasak ang mga imahen ng mga diyus-diyosang ipinagawa ng mga haring nauna sa kanya. 13 Pati ang kanyang lolang si Maaca ay inalisan niya ng karapatan sa pagiging inang-reyna, sapagkat nagpagawa ito ng isang malaswang rebulto ni Ashera. Ipinagiba niya ang rebultong ito at ipinasunog sa Batis ng Kidron. 14 Bagama't hindi niya naipagiba lahat ang mga sagradong burol, si Asa ay habang buhay na naging tapat kay Yahweh. 15 Ipinasok niya sa Templo ang mga handog ng kanyang ama kay Yahweh, gayundin ang kanyang sariling handog na ginto, pilak at mga kasangkapang sagrado.

16 Patuloy ang alitan nina Asa at Baasa na hari ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari. 17 Pinasok ni Baasa ang lupain ng Juda at nagtayo ng kuta sa Rama upang harangan ang daan papunta kay Asa. 18 Kaya't tinipon ni Asa ang nalalabing ginto't pilak sa kabang-yaman ng Templo at ng palasyo. Ipinadala iyon sa Damasco, kay Ben-hadad na anak ni Tabrimon at apo ni Hezion na hari ng Siria. Ganito ang kanyang ipinasabi: 19 “Nais kong maging magkakampi tayo tulad ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang mga regalo kong ito. Hinihiling kong putulin mo ang iyong pakikipagkaibigan kay Baasa na hari ng Israel upang mapilitan siyang umalis sa aking nasasakupan.”

20 Sumang-ayon si Ben-hadad kay Haring Asa at nagpadala siya ng mga hukbo at ng mga pinuno nito upang salakayin ang mga lunsod ng Israel. Nasakop nila ang mga bayan ng Ijon, Dan, Abel-bet-maaca, ang lupain sa may Lawa ng Galilea at ang Neftali. 21 Nang mabalitaan ito ni Baasa, ipinatigil niya ang pagpapagawa ng kuta sa Rama at pumunta siya sa Tirza.

22 Iniutos naman ni Asa sa lahat ng mga taga-Juda na kunin ang mga bato at kahoy na ginamit ni Baasa sa pagtatayo ng kuta sa Rama, at ginamit iyon sa paggawa ng kuta sa Geba at Mizpah, sa lupain ng Benjamin.

Ang Pagkamatay ni Asa

23 Ang iba pang ginawa ni Haring Asa, ang kanyang kagitingan at mga bayang pinagawan niya ng kuta ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Ngunit nang siya'y matanda na, nalumpo siya dahil sa karamdaman sa paa. 24 Namatay si Asa at inilibing sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David. At si Jehoshafat na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Nadab sa Israel

25 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari naman sa Israel si Nadab na anak ni Jeroboam, at dalawang taon siyang naghari sa Israel. 26 Katulad ng kanyang ama na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

27 Naghimagsik laban sa kanya si Baasa na anak ni Ahias, mula sa lipi ni Isacar. Pinatay ni Baasa si Nadab habang kinubkob nito at ng kanyang hukbo ang Gibeton, isang lunsod sa Filistia. 28 Nangyari ito nang ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, at si Baasa ang pumalit kay Nadab bilang hari sa Israel. 29 Sa(M) simula pa lamang ng kanyang paghahari ay pinagpapatay na niya ang buong pamilya ni Jeroboam, bilang katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias na taga-Shilo. 30 Ganito ang nangyari sa angkan ni Jeroboam sapagkat ginalit niya si Yahweh dahil sa kanyang mga kasalanan, at sa mga kasalanang ginawa ng bayang Israel dahil sa kanya.

31 Ang iba pang mga ginawa ni Nadab ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 32 Patuloy ang alitan ni Asa, hari ng Juda at ni Baasa ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari.

Paghahari ni Baasa sa Israel

33 Ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda nang maghari sa Israel si Baasa, na anak ni Ahias. Dalawampu't apat na taon siyang naghari, at sa Tirza siya nanirahan. 34 Katulad ni Haring Jeroboam na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

Lucas 22:31-46

Ang Pagkakaila ni Pedro(A)

31 “Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa ginagawa ng magsasaka na inihihiwalay ang ipa sa mga trigo. 32 Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.”

33 Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!”

34 Ngunit sinabi ni Jesus, “Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.”

Paghahanda sa Darating na Pagsubok

35 Pagkatapos(B) nito, tinanong sila ni Jesus, “Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, balutan, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?”

“Hindi po,” tugon nila.

36 Sinabi niya, “Subalit ngayon, kung kayo'y may balutan o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak. 37 Sinasabi(C) ko sa inyo, dapat matupad sa akin ang sinasabi ng Kasulatang ito, ‘Ibinilang siya sa mga salarin,’ sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.” 38 Sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya.

Nanalangin si Jesus(D)

39 Lumabas si Jesus, at gaya ng kanyang kinagawian, nagpunta siya sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. 40 Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.”

41 Iniwan niya sila at pumunta sa di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 Sabi niya, “Ama, kung loloobin mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. 44 Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.][a]

45 Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. 46 “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.