Old/New Testament
23 Tinitigang mabuti ni Pablo ang Sanhedrin at sinabi: Mga kapatid, ako ay namumuhay sa harapan ng Diyos na may malinis na budhi hanggang sa araw na ito. 2 Si Ananias na pinakapunong-saserdote ay nag-utos sa mga malapit sa kaniya na sampalin si Pablo sa bibig. 3 Nang magkagayon, sinabi ni Pablo sa kaniya: Malapit ka nang sampalin ng Diyos, ikaw na ang katulad ay pinaputing pader. Tama ba na ikaw ay nakaupo upang ako ay hatulan ayon sa kautusan at nag-utos ka na ako ay sampalin nang labag sa kautusan?
4 Sinabi ng nakatayo sa malapit: Nilalait mo ba ang pinakapunong-saserdote ng Diyos?
5 Sinabi ni Pablo: Mga kapatid, hindi ko nalalaman na siya ay pinakapunong-saserdote sapagkat nasusulat: Huwag kang magsasalita ng masama patungkol sa pinuno ng iyong mgatao.
6 Ngunit nang malaman ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo at ang mga iba ay mga Fariseo, sumigaw siya sa Sanhedrin nang ganito: Mga kapatid, ako ay Fariseo, anak ng Fariseo. Ako ay hinahatulan patungkol sa pag-asa at sa muling pagkabuhay ng mga patay. 7 Nang masabi na niya ang gayon, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa mga Fariseo at sa mga Saduceo. Nagkabaha-bahagi ang karamihan. 8 Ito ay sapagkat sinasabi nga ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, ni anghel, ni espiritu. Ngunit ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Fariseo.
9 At nagkaroon ng malakas na pagsisigawan. Tumindig ang ilan sa mga guro ng kautusan na kakampi ng mga Fariseo. Nakikipagtalo sila at sinabi: Wala kaming masumpungang anumang masama sa lalaking ito. Yamang siya ay kinausap ng isang espiritu o ng isang anghel, huwag nating kalabanin ang Diyos. 10 Lumala ang mainit na pagtatalo. Nangamba ang pinunong-kapitan na baka pagpira-pirasuhin nila si Pablo. Kaya inutusan niyang manaog ang mga kawal upang agawin siya sa kanilang kalagitnaan at ibalik sa kuwartel.
11 Nang sumunod na gabi, lumapit sa kaniya ang Panginoon at sinabi: Pablo, lakasan mo ang iyong loob sapagkat kung paano ka nagpatotoo patungkol sa akin sa Jerusalem, gayundin ang gawin mong pagpapatotoo sa Roma.
Ang Banta na Patayin si Pablo
12 Kinaumagahan, nagsabwatan ang ilang mga Judio at ipinailalim nila ang kanilang sarili sa isang sumpa. Sinabi nila: Hindi kami kakain ni iinom man hanggat hindi namin napapatay si Pablo.
13 Mahigit na apatnapu sila na nagsabwatan. 14 At sila ay pumaroon sa mga pinunong-saserdote at sa mga matanda. Sinabi nila: Ipinailalim namin ang aming mga sarili sa isang sumpa. Hindi kami titikim ng anuman hanggang hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya nga, ngayon kasama ng Sanhedrin, magpasabi kayo sa pinunong-kapitan na dalhin niya bukas sa inyo si Pablo na waring sisiyasatin ninyo siyang mabuti. Handa na kaming patayin siya bago dumating dito.
Copyright © 1998 by Bibles International