Old/New Testament
3 Sinabi pa ng tinig sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ang aklat na ito, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at magsalita ka sa kanila.” 2 Kaya ibinuka ko ang bibig ko at isinubo niya sa akin ang nakabilot na aklat. 3 Sinabi niya sa akin, “Sige, kainin mo iyan at magpakabusog ka.” Kinain ko ang aklat, matamis ang lasa nito gaya ng pulot.
4 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at sabihin mo sa kanila ang ipinapasabi ko sa iyo. 5 Hindi kita isinusugo sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, kundi sa mga mamamayan ng Israel. 6 Sapagkat kung susuguin kita sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, tiyak na pakikinggan ka nila. 7 Pero ang mga mamamayan ng Israel ay hindi makikinig sa iyo, dahil ayaw nilang makinig sa akin. Lahat sila ay matitigas ang ulo at mga lapastangan. 8 Pero gagawin kitang mas matigas at mas manhid kaysa sa kanila 9 katulad ng isang batong matigas. Kaya huwag kang matatakot sa kanila, dahil nalalaman mo na rebelde silang mamamayan.”
10 Sinabi pa niya sa akin, “Anak ng tao, makinig kang mabuti at isapuso ang lahat ng sinasabi ko sa iyo. 11 Puntahan mo ang mga kababayan mo na kasama mong binihag at sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Panginoong Dios,’ makinig man sila o hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.”
12 Pagkatapos, binuhat ako ng Espiritu at may narinig akong tinig na dumadagundong sa likuran ko na nagsasabi, “Purihin ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa langit.” 13 At narinig ko rin ang pagaspas ng mga pakpak ng apat na buhay na nilalang at ang ingay ng mga gulong na parang ingay ng malakas na lindol. 14 Binuhat ako ng Espiritu at dinala sa malayo. Masamang masama ang loob ko at galit na galit, pero tinulungan akong magtimpi ng Panginoon.
15 Nakarating ako sa Tel Abib, sa tabi ng Ilog ng Kebar, sa tinitirhan ng mga bihag. Nanatili ako roon sa loob ng pitong araw. Nabigla ako sa mga bagay na nakita ko.
16 Pagkatapos ng pitong araw, sinabi sa akin ng Panginoon, 17 “Anak ng tao, ginawa kitang bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya ang anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila. 18 Kapag sinabi kong mamamatay ang taong masama, pero hindi mo siya binalaan o pinagsabihang lumayo sa kasamaan para maligtas, mamamatay ang taong iyon dahil sa kanyang kasalanan at pananagutan mo sa akin ang kamatayan niya. 19 Pero kung pinagsabihan mo siya at hindi siya lumayo sa kasamaan, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan, pero wala kang pananagutan sa akin. 20 Kapag ang taong matuwid ay tumalikod sa kanyang pagiging matuwid at hahayaan ko siya sa ganoong kalagayan, mamamatay siya. Kung hindi mo siya pinagsabihan, mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan at hindi ko aalalahanin ang kanyang mabubuting gawa. Pero pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan. 21 Ngunit kung pinagsabihan mo siyang tumigil na sa pagkakasala at nakinig sa iyo, hindi siya mamamatay at wala kang pananagutan sa akin.”
22 Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at sinabi niya sa akin, “Tumayo kaʼt pumunta sa kapatagan, dahil may sasabihin ako sa iyo roon.” 23 Kaya pumunta agad ako sa kapatagan at nakita ko ang makapangyarihang presensya ng Panginoon katulad ng nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar at akoʼy nagpatirapa. 24 Pagkatapos, pinuspos ako ng Espiritu, pinatayo at sinabihan, “Umuwi ka at magkulong sa bahay mo! 25 Doon ay gagapusin ka ng lubid para hindi mo makasama ang mga kababayan mo. 26 Gagawin kitang pipi para hindi mo mapagsabihan ang mga rebeldeng mamamayang ito. 27 Pero sa oras na kausapin kita, makakapagsalita kang muli. At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Panginoong Dios.’ May mga makikinig sa iyo pero mayroon ding hindi makikinig dahil mga rebelde silang mamamayan.”
Ipinakita ni Ezekiel ang Pagkubkob sa Jerusalem
4 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng tisa, ilagay mo ito sa harap mo at iguhit doon ang lungsod ng Jerusalem. 2 Gawin mo ito na parang sinasalakay ng mga kaaway. Lagyan mo ng mga hagdan sa tabi ng pader at lagyan mo ng mga kampo sa palibot ng lungsod at ng trosong pangwasak ng pader. 3 Pagkatapos, kumuha ka ng malapad na bakal at ilagay mo na parang pader sa pagitan mo at ng lungsod. Humarap ka sa lungsod na parang sinasalakay mo ito. Ito ang magiging palatandaan sa mga mamamayan ng Israel na sasalakayin sila ng kanilang mga kaaway.
4 “Pagkatapos, mahiga kang nakatagilid sa kaliwa. Tanda ito na pinapasan mo ang kasalanan ng mga mamamayan ng Israel. Papasanin mo ang mga kasalanan nila ayon sa dami ng araw ng iyong paghiga. 5 Ang isang araw ay nangangahulugan ng isang taon. Kaya sa loob ng 390 araw ay papasanin mo ang mga kasalanan nila. 6 Pagkatapos, bumaling ka sa kanan at pasanin mo rin ang kasalanan ng mga taga-Juda sa loob ng 40 araw, ang isang araw ay nangangahulugan pa rin ng isang taon. 7 Tingnan mong muli ang tisa, na may larawan ng Jerusalem na kinubkob, at magsalita ka laban sa Jerusalem na nakatupi ang manggas ng iyong damit. 8 Gagapusin kita upang hindi ka makabaling, hanggang sa matapos ang pagpapakita mo ng pagkubkob ng Jerusalem.
9 “Magdala ka rin ng trigo, sebada, at ibaʼt ibang mga buto. Paghalu-haluin mo ito sa isang lalagyan at gawin mong tinapay. Ito ang kakainin mo sa loob ng 390 araw habang nakahiga kang nakatagilid sa kaliwa. 10 Bawat araw, dalawaʼt kalahating guhit lang na pagkain ang kakainin mo sa mga itinakdang oras. 11 At kalahating litrong tubig lang ang iinumin mo bawat araw sa mga itinakda ring oras. 12 Lutuin mo ang tinapay bawat araw habang nanonood ang mga tao. Lutuin mo ito tulad ng pagluluto ng tinapay na gawa sa sebada. Gamitin mong panggatong ang tuyong dumi ng tao at pagkatapos ay kainin mo ang tinapay. 13 Sapagkat iyan ang mangyayari sa mga mamamayan ng Israel. Kakain sila ng mga pagkaing itinuturing na marumi sa mga lugar na pagdadalhan ko sa kanila bilang mga bihag.”
14 Pagkatapos ay sinabi ko, “O Panginoong Dios, huwag nʼyo po akong utusan na gumawa ng ganyan. Alam ninyong hindi ko kailanman dinumihan ang sarili ko, mula pa noong bata ako hanggang ngayon. Hindi po ako kumain ng anumang hayop na namatay o pinatay ng ibang hayop at hindi rin po ako kumain ng anumang hayop na itinuturing na marumi.” 15 Sumagot ang Panginoon, “Kung ganoon, dumi na lang ng baka ang gawin mong panggatong sa halip na dumi ng tao.”
16 Sinabi pa ng Panginoon, “Anak ng tao, babawasan ko ang pagkain sa Jerusalem. Kaya tatakalin ng mga taga-Jerusalem ang pagkain nilaʼt inumin. Mababalisa at magdadalamhati sila. 17 At dahil sa kakulangan ng pagkain at tubig, magtitinginan sila sa sindak, at unti-unti silang mamamatay dahil sa kanilang mga kasalanan.”
20 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau para maging mabuti ang hinaharap nila.
21 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Jacob ang mga anak ni Jose bago siya namatay. At sumamba siya sa Dios habang nakatukod sa kanyang tungkod.
22 Dahil sa pananampalataya, sinabi ni Jose nang malapit na siyang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin niyang dalhin nila ang mga buto niya kapag umalis na sila.
23 Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
24 Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesa ng Egipto. 25 Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng mga taong sakop ng Dios kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang mas mahalaga ang maalipusta para kay Cristo kaysa sa mga kayamanan ng Egipto, dahil inaasam niya ang gantimpalang matatanggap niya.
27 Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Egipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Dios na hindi nakikita. 28 Dahil sa pananampalataya niya, sinimulan niya ang pagdaraos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Inutusan niya ang mga Israelita na pahiran ng dugo ng tupa ang mga pintuan nila, para maligtas ang mga panganay nila sa anghel na papatay sa mga panganay ng mga Egipcio.
29 Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang dumadaan sa tuyong lupa. Pero nang sinubukang tumawid ng mga humahabol na Egipcio, nalunod sila.
30 Dahil sa pananampalataya, gumuho ang mga pader ng Jerico matapos itong ikutan ng mga Israelita sa loob ng pitong araw.
31 Dahil sa pananampalataya, tinulungan ni Rahab na babaeng bayaran ang mga espiya at hindi siya pinatay kasama ng mga kababayan niyang suwail sa Dios.
32 Kailangan ko pa bang magbigay ng maraming halimbawa? Kakapusin ako ng panahon kung iisa-isahin ko pa ang mga ginawa nina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at ng iba pang mga propeta. 33 Dahil sa pananampalataya nila, nilupig nila ang mga kaharian, namahala sila nang may katarungan, at tinanggap nila ang mga ipinangako ng Dios. Dahil sa pananampalataya nila, hindi sila ginalaw ng mga leon, 34 hindi sila napaso sa nagliliyab na apoy, at nakaligtas sila sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Ang iba sa kanilaʼy mahihina, pero pinalakas sila ng Dios. At naging makapangyarihan sila sa digmaan at nilupig ang mga dayuhang hukbo. 35 May mga babae naman na dahil sa pananampalataya nila sa Dios ay muling nabuhay ang kanilang mga anak na namatay. Ang iba namang sumasampalataya sa Dios ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Tinanggihan nila ang alok na kalayaan kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang pananampalataya dahil nalalaman nilang darating ang araw na bubuhayin sila ng Dios at matatanggap nila ang mas mabuting gantimpala. 36 Ang iba naman ay dumanas ng mga panlalait at panghahagupit dahil sa pananampalataya nila, at ang iba ay ikinadena at ibinilanggo. 37 Pinagbabato ang iba hanggang sa mamatay, ang iba naman ay nilagari hanggang mahati ang katawan nila, at mayroon ding pinatay sa espada. Ang ilan sa kanila ay nagdamit na lang ng balat ng tupa at kambing. Naranasan nilang maghikahos, usigin at apihin. 38 Nagtago sila sa mga ilang, mga kabundukan, mga kweba at mga lungga sa lupa. Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila.
39 Kinalugdan silang lahat ng Dios dahil sa pananampalataya nila. Ngunit hindi nila natanggap sa panahon nila ang ipinangako ng Dios sa kanila. 40 Itoʼy dahil may mas mabuting plano ang Dios para sa atin, dahil nais niyang makasama nila tayo kapag tinupad na niya ang ipinangako niya sa kanila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®