Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 51-52

Dagdag na Parusa sa Babilonia

51 Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Babilonia: “Hahamunin ko ang manlilipol para salakayin ang Babilonia at ang mga mamamayan nito.[a] Magpapadala ako ng mga dayuhan para salakayin at wasakin ang Babilonia na tulad sa ipa na tinatangay ng hangin. Lulusubin nila ang Babilonia sa lahat ng dako sa araw ng kapahamakan nito. Hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang mga tagapana ng Babilonia na magamit ang mga pana o mga baluti nila. Wala silang ititirang kabataang lalaki. Lubusan nilang lilipulin ang mga sundalo ng Babilonia. Hahandusay ang mga sugatan nilang bangkay sa mga daan. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Banal na Dios ng Israel, ay hindi itinakwil ang Israel at Juda kahit na puno ng kasamaan ang lupain nila.

“Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay! Hindi kayo dapat mamatay dahil sa kasalanan ng Babilonia. Panahon na para gantihan ko siya ayon sa nararapat sa mga ginawa niya. Para siyang tasang ginto sa kamay ko na puno ng alak. Pinainom niya ang mga bansa sa buong daigdig, at silaʼy nalasing at naging baliw. Biglang mawawasak ang Babilonia! Ipagluksa nʼyo siya! Gamutin nʼyo ang mga sugat niya at baka sakaling gumaling siya.”

Sinabi ng mga Israelitang naninirahan doon, “Sinikap naming gamutin ang Babilonia pero hindi na siya magamot. Hayaan na lang natin siya at umuwi na tayo sa mga lugar natin. Sapagkat hanggang langit na ang mga kasalanan niya kaya parurusahan na siya ng Panginoon. 10 Ipinaghiganti tayo ng Panginoon. Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem[b] at sabihin natin doon ang ginawa ng Panginoon na ating Dios.”

11 Maghihiganti ang Panginoon sa Babilonia dahil sa paggiba nito sa templo niya. Hinikayat ng Panginoon ang mga hari ng Media para wasakin ang Babilonia dahil ito ang layunin niya. Sinabi niya, “Hasain nʼyo ang mga pana ninyo at ihanda ang mga pananggalang ninyo. 12 Itaas nʼyo ang watawat na sagisag ng pagsalakay sa Babilonia. Dagdagan nʼyo ang mga bantay; ipwesto ang mga bantay. Palibutan nʼyo ang lungsod! Panahon na para gawin ng Panginoon ang plano niya laban sa mga taga-Babilonia.”

13 O Babilonia, sagana ka sa tubig at sagana ka rin sa kayamanan. Pero dumating na ang wakas mo, ang araw ng kapahamakan mo. 14 Sumumpa ang Panginoong Makapangyarihan sa sarili niya na sinasabi, “Ipapasalakay ko kayo sa napakaraming kaaway na kasindami ng balang, at sisigaw sila ng tagumpay laban sa inyo.”

Ang Pagpupuri sa Dios

15 Nilikha ng Dios ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan niya. 16 Sa utos niyaʼy lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalangitan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito.

17 Mga hangal at mangmang ang bawat tao na sumasamba sa mga dios-diosan. Mapapahiya lang ang mga platerong gumawa ng mga dios-diosan nila, dahil hindi naman totoong dios ang mga ito. Wala silang buhay, 18 wala silang kabuluhan at dapat kamuhian. Darating ang araw na wawasakin ang lahat ng ito. 19 Pero ang Dios ni Jacob[c] ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang mga taong hinirang niya – Panginoong Makapangyarihan ang pangalan niya.

Ang Martilyo ng Panginoon

20 Sinabi ng Panginoon, “Ikaw[d] ang panghampas ko, ang panghampas ko sa digmaan. Sa pamamagitan mo, wawasakin ko ang mga bansa at kaharian, 21 ang mga kabayo, karwahe at ang mga nakasakay dito. 22 Sa pamamagitan mo, lilipulin ko ang mga lalaki at babae, matatanda at bata, at ang mga binata at dalaga. 23 Lilipulin ko rin sa pamamagitan mo ang mga kawan at mga pastol, ang mga magbubukid at mga baka, ang mga pinuno at iba pang mga namamahala.

24 Mga mamamayan ko, ipapakita ko sa inyo ang paghihiganti ko sa Babilonia at sa mga mamamayan nito dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila sa Jerusalem. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

25 “Kalaban kita, O Babilonia, ikaw na tinaguriang Bundok na Mapangwasak! Winasak mo ang buong mundo. Gagamitin ko ang kapangyarihan ko para wasakin at sunugin ka. 26 Walang anumang batong makukuha sa iyo para gamitin sa pagtatayo ng bahay. Magiging malungkot ang kalagayan mo magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

27 “Itaas ang watawat na tanda ng pagsalakay! Patunugin ang trumpeta sa mga bansa! Ihanda sila para salakayin ang Babilonia. Utusang sumalakay ang mga sundalo ng Ararat, Mini at Ashkenaz. Pumili kayo ng pinuno para salakayin ang Babilonia. Magpadala kayo ng mga kabayong kasindami ng mga balang. 28 Paghandain mo ang mga hari ng Media, pati ang mga pinuno at mga tagapamahala nila, at ang lahat ng bansa na nasasakupan nila para salakayin ang Babilonia.

29 “Parang taong nanginginig at namimilipit sa sakit ang Babilonia, dahil isasagawa ng Panginoon ang kanyang plano laban dito, na wala nang maninirahan at magiging mapanglaw na ang lugar na ito. 30 Titigil ang mga sundalo ng Babilonia sa pakikipaglaban at mananatili na lang sila sa kanilang kampo. Manghihina sila na parang mahihinang babae. Masusunog ang mga bahay sa Babilonia at masisira ang mga pintuan. 31 Sunud-sunod na darating ang mga tagapagbalita para sabihin sa hari ng Babilonia na ang buong lungsod ay nasakop na. 32 Naagaw ang mga tawiran sa mga ilog. Sinunog ang mga kampo at natatakot ang mga sundalo.”

33 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Ang Babilonia ay tulad ng trigo na malapit nang anihin at giikin.”

34-35 Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Si Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang dragon na lumulon sa amin. Binusog niya ang tiyan niya ng mga kayamanan namin. Iniwan niya ang lungsod namin na walang itinira, parang banga na walang laman. Itinaboy niya kami at hindi namin alam kung ano ang gagawin namin. Gawin din sana sa Babilonia ang ginawa niya sa amin at sa mga anak namin. Pagbayaran sana ng mga mamamayan ng Babilonia ang mga pagpatay nila.”

36 Kaya sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Jerusalem, ipagtatanggol ko kayo at maghihiganti ako para sa inyo. Patutuyuin ko ang dagat at ang mga bukal sa Babilonia. 37 Wawasakin ko ang bansang ito! Magiging katawa-tawa at kasumpa-sumpa ang bansang ito, at wala nang maninirahan dito maliban sa mga asong-gubat.[e] 38 Ang mga taga-Babilonia ay aatungal na parang leon. 39 At dahil gutom sila, ipaghahanda ko sila ng piging. Lalasingin ko sila, pasasayahin at patutulugin nang mahimbing habang panahon, at hindi na magigising. 40 Dadalhin ko sila para katayin na parang mga tupa at mga kambing. 41 Papaanong bumagsak ang Babilonia?[f] Ang bansang hinahangaan ng buong mundo! Nakakatakot tingnan ang nangyari sa kanya! 42 Matatabunan ng malalakas na alon ang Babilonia. 43 Magiging malungkot ang mga bayan niya na parang disyerto na walang nakatira o dumadaan man lang. 44 Parurusahan ko si Bel na dios-diosan ng Babilonia. Ipapasuka ko sa kanya ang mga nilamon niya.[g] Hindi na siya dadagsain ng mga bansa para sambahin. Bumagsak na ang mga pader ng Babilonia.

45 “Mga hinirang ko, lumayo na kayo sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay bago ko ibuhos ang galit ko. 46 Pero huwag kayong matatakot o manlulupaypay kung dumating na ang balita tungkol sa digmaan. Sapagkat ang balita tungkol sa digmaan ng mga hari ay darating sa bawat taon. 47 Darating ang panahon na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong Babilonia, at bubulagta ang lahat ng bangkay ng mamamayan niya. 48 At kapag nangyari iyon, sisigaw sa kagalakan ang langit at ang lupa, at ang lahat ng nandito dahil sa pagkawasak ng Babilonia. Sapagkat sasalakayin ito ng mga mangwawasak mula sa hilaga. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

49 “Kinakailangang wasakin ang Babilonia dahil sa pagpatay niya sa mga Israelita at sa iba pang mga tao sa buong mundo.

Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Israelita na nasa Babilonia

50 “Kayong mga natitirang buhay, tumakas na kayo mula sa Babilonia at huwag kayong tumigil! Alalahanin nʼyo ang Panginoon at ang Jerusalem kahit na nasa malalayo kayong lugar. 51 Sinasabi ninyo, ‘Nahihiya kami. Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan dahil ang templo ng Panginoon ay dinungisan ng mga dayuhan.’ 52 Pero darating ang araw na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. At ang mga daing ng mga sugatang taga-Babilonia ay maririnig sa buong lupain nila. 53 Kahit na umabot pa sa langit ang mga pader ng Babilonia at kahit tibayan pa nila ito nang husto, magpapadala pa rin ako ng wawasak dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 54 Mapapakinggan ang mga iyakan sa buong Babilonia dahil sa pagkawasak nito. 55 Wawasakin ko ang Babilonia at magiging tahimik ito. Sasalakay sa kanya ang mga kaaway na parang umuugong na alon. Maririnig ang sigawan nila sa kanilang pagsalakay. 56 Darating ang mga wawasak ng Babilonia at bibihagin ang mga kawal niya, at mababali ang mga pana nila. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios na nagpaparusa sa masasama. At parurusahan ko ang Babilonia ayon sa nararapat sa kanya. 57 Lalasingin ko ang kanyang mga tagapamahala, marurunong, mga pinuno, mga punong sundalo at ang buong hukbo niya. Mahihimbing sila at hindi na magigising habang panahon. Ako, ang Hari na nagsasabi nito. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko.”

58 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Wawasakin ang makakapal na pader ng Babilonia at susunugin ang matataas niyang pintuan. Magiging walang kabuluhan ang lahat ng pinaghirapan ng mga mamamayan niya dahil ang lahat ng iyon ay masusunog lang.”

Ang Mensahe ni Jeremias para sa Babilonia

59 Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya na isa sa mga nakakataas na tagapamahala ni Haring Zedekia. Si Seraya ay anak ni Neria at apo ni Maseya. Sinabi ni Jeremias ang mensaheng ito noong pumunta si Seraya sa Babilonia kasama ni Haring Zedekia. Ikaapat na taon noon ng paghahari ni Zedekia sa Juda. 60 Isinulat ni Jeremias sa nakarolyong sulatan ang lahat ng kapahamakang darating at mangyayari sa Babilonia. 61 Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya, “Kapag dumating ka sa Babilonia, basahin mo nang malakas sa mga tao ang nakasulat sa kasulatang ito. 62 Pagkatapos ay manalangin ka, ‘O Panginoon, sinabi nʼyo po na wawasakin nʼyo ang lugar na ito para walang manirahan dito, maging tao man o hayop, at itoʼy magiging mapanglaw magpakailanman.’ 63 Pagkabasa mo nito, talian mo ito ng bato at ihagis sa Ilog ng Eufrates. 64 At sabihin mo, ‘Ganyan ang mangyayari sa Babilonia, lulubog ito at hindi na lilitaw pa dahil sa mga kapahamakang ipararanas ng Panginoon sa kanya. Mamamatay ang mga mamamayan niya.’ ”

Ito ang katapusan ng mensahe ni Jeremias.

Ang Pagkawasak ng Jerusalem

52 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Haring Jehoyakim. Sa galit ng Panginoon, pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.

At ngayon, nagrebelde si Zedekia sa hari ng Babilonia. Kaya noong ikasiyam na taon ng paghahari niya, nang ikasampung araw ng ikasampung buwan, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo sa Jerusalem. Nagkampo sila sa labas ng lungsod at nagtambak ng lupa sa tabi ng pader para roon sila dumaan sa pagpasok nila sa lungsod. Pinalibutan nila ang lungsod hanggang ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia.

Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao. Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedekia na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Lambak ng Jordan.[h] Pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedekia ang lahat ng sundalo niya at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at doon siya hinatulan. 10 Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedekia, pinatay ng hari ng Babilonia ang anak na lalaki ni Zedekia, at ang lahat ng pinuno ng Juda. 11 At ipinadukit ng hari ang mga mata ni Zedekia, ikinadena siya at dinala sa Babilonia. Doon siya ikinulong hanggang sa siyaʼy mamatay.

12 Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya ng hari sa Babilonia. 13 Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem, at ang lahat ng mahahalagang gusali. 14 Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem. 15 At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati na ang ilang pinakadukhang mga tao at ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia. 16 Pero iniwan din niya ang ilan sa pinakadukhang mga tao para alagaan ang mga ubasan at mga bukirin.

17 Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga sumusunod na kagamitan sa templo ng Panginoon: ang haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-igib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila sa Babilonia ang lahat ng tanso. 18 Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga pamputol sa mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo. 19 Kinuha ni Nebuzaradan ang mga planggana, mga lalagyan ng baga, mga mangkok, mga palayok, mga lalagyan ng ilaw, mga tasa at mga mangkok na ginagamit sa pag-aalay ng handog na inumin, at iba pang kagamitang gawa sa ginto at pilak. 20 Hindi kayang timbangin ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa lalagyan ng tubig na tinatawag nilang Dagat, sa 12 torong tanso na patungan nito at mga karitong ginagamit sa pag-igib ng tubig. Ang mga gamit na itoʼy ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon. 21 Ang taas ng bawat haligi ay 27 talampakan at ang kabuuang bilog ay 18 talampakan, may butas ito sa gitna, at ang kapal ng tanso ay apat na pulgada. 22 Ang bawat haligi ay may parang ulo sa itaas, na nasa pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Pinaikutan ito ng mga mala-kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ito ng palamuting tanso, na hugis prutas na pomegranata. 23 Sa gilid ng bawat haligi ay may 96 na palamuti na kahugis ng prutas ng pomegranata na nakapaikot sa kadenang magkakakabit sa parang ulo ng haligi.

24 Binihag din ni Nebuzaradan sina Seraya na punong pari, Zefanias na pangalawang punong pari at ang tatlong tagapagbantay ng pinto ng templo. 25 Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang pitong tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon. 26 Silang lahat ay dinala ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla, 27 na sakop ng Hamat. At doon sila ipinapatay ng hari.

Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila. 28-30 Ito ang bilang ng mga taong binihag ni Haring Nebucadnezar:

Noong ikapitong taon ng paghahari niya, 3,023.

Noong ika-18 taon ng paghahari niya, 832.

Noong ika-23 taon ng paghahari niya, 745. Si Nebuzaradan ang bumihag sa kanila. May kabuuang bilang na 4,600 ang binihag.

Pinakawalan si Jehoyakin

31 Noong ika-37 taon ng pagkabihag ni Haring Jehoyakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil Merodac. Pinalaya niya si Jehoyakin nang ika-25 araw ng ika-12 buwan nang taon na iyon. 32 Mabait siya kay Haring Jehoyakin at pinarangalan niya ito ng higit kaysa sa ibang mga hari na bihag din doon sa Babilonia. 33 Kaya hindi na nagsuot si Haring Jehoyakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari. 34 At bawat araw, binibigyan siya ng hari ng Babilonia ng kanyang mga pangangailangan hanggang sa siya ay namatay.

Hebreo 9

Ang Pagsamba Rito sa Lupa at Doon sa Langit

May mga tuntunin ang unang kasunduan tungkol sa pagsamba at may sambahang gawa ng tao. Itong Toldang Sambahan na ginawa nila ay may dalawang silid. Ang unang silid ay ang Banal na Lugar, kung saan naroon ang ilawan, ang mesa, at ang tinapay na handog sa Dios. Ang ikalawang silid ay ang Pinakabanal na Lugar. Naroon ang gintong altar na pinagsusunugan ng insenso at ang Kahon ng Kasunduan na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kahon ang lalagyang ginto na may lamang “manna”, ang tungkod ni Aaron na nagkasibol, at ang malapad na mga bato kung saan nakaukit ang mga utos ng Dios. Sa ibabaw ng Kahon ay may mga kerubin na nagpapahiwatig ng presensya ng Dios, at nilililiman ng mga pakpak nito ang lugar na iyon kung saan pinapatawad ng Dios ang mga kasalanan ng tao. Ngunit hindi namin ito maipapaliwanag nang detalyado sa ngayon.

Ganoon ang pagkakaayos sa loob ng Toldang Sambahan. At araw-araw pumapasok ang mga pari sa unang silid ng Tolda para gampanan ang tungkulin nila. Ngunit ang punong pari lang ang nakakapasok sa Pinakabanal na Lugar at minsan lang sa isang taon. At sa tuwing papasok siya rito, naghahandog siya ng dugo para sa sarili niyang mga kasalanan at sa mga kasalanang nagawa ng mga tao nang hindi nila nalalaman. Sa ginagawa nilang ito, ipinapakita ng Banal na Espiritu na hindi makakapasok sa Pinakabanal na Lugar ang karaniwang tao hanggaʼt naroon pa ang dating Toldang Sambahan. Ang Toldang iyon ay larawan lang ng kasalukuyang panahon. Sapagkat ang mga handog at kaloob na iniaalay doon ng mga tao ay hindi nakapaglilinis ng kanilang konsensya. 10 Ang mga ginagawa nilang itoʼy nauukol lang sa mga pagkain at inumin at mga seremonya ng paglilinis. Mga tuntuning panlabas lamang ito na ipinapatupad hanggang sa dumating ang bagong pamamaraan ng Dios.

11 Ngunit dumating na si Cristo na punong pari ng bagong pamamaraan na higit na mabuti kaysa sa dati. Pumasok siya sa mas dakila at mas ganap na Tolda na hindi gawa ng tao, at wala sa mundong ito. 12 Minsan lang pumasok si Cristo sa Pinakabanal na Lugar. At hindi dugo ng kambing o ng guya[a] ang dala niya kundi ang sarili niyang dugo. At sa pamamagitan ng kanyang dugo, tinubos niya tayo sa mga kasalanan natin magpakailanman. 13 Ayon sa Kautusan, kung itinuturing na marumi ang isang tao, kailangan siyang wisikan ng dugo ng kambing at toro, at ng abo ng guya para maging malinis. 14 Kung nakakalinis ang mga ito, di lalo na ang dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Banal na Espiritu, inialay ni Cristo ang sarili niya bilang handog na walang kapintasan sa Dios. Ang dugo niya ang lilinis sa ating pusoʼt isipan para matalikuran natin ang mga gawaing walang kabuluhan at paglingkuran ang Dios na buhay.

15 Kaya si Cristo ang ginawang tagapamagitan sa atin at sa Dios sa bagong kasunduan. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, tinubos niya ang mga taong lumabag sa unang kasunduan. Dahil dito, matatanggap ng mga tinawag ng Dios ang walang hanggang pagpapala na ipinangako niya. 16 Maihahalintulad ito sa isang huling testamento na kailangang mapatunayan na namatay na ang gumawa nito, 17 dahil wala itong bisa habang nabubuhay pa siya. Nagkakabisa lang ang isang testamento kapag namatay na ang gumawa nito. 18 Kaya maging ang unang kasunduan ay kinailangang pagtibayin sa pamamagitan ng dugo. 19 Sapagkat nang ipahayag ni Moises ang Kautusan sa mga tao, kumuha siya ng dugo ng mga guyaʼt kambing, at hinaluan ng tubig. Isinawsaw niya rito ang balahibo ng tupa na kinulayan ng pula na nakatali sa sanga ng isopo. Pagkatapos, winisikan niya ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 At sinabi niya: “Ito ang dugong nagpapatibay sa kasunduang ibinigay at ipinatutupad sa inyo ng Dios.”[b] 21 Winisikan din niya ng dugo ang Toldang Sambahan at ang lahat ng bagay doon na ginagamit sa pagsamba. 22 Ayon sa Kautusan, nililinis sa pamamagitan ng dugo ang halos lahat ng bagay na ginagamit sa pagsamba. At kung walang pagbubuhos ng dugo bilang handog sa Dios, wala ring kapatawaran ng mga kasalanan.

23 Kaya kailangang linisin sa pamamagitan ng ganitong paraan ng paghahandog ang mga bagay sa sambahang ito na larawan lang ng mga bagay na nasa langit. Pero nangangailangan ng mas mabuting handog ang mga bagay na nasa langit. 24 Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa isang banal na lugar na gawa ng tao at larawan lang ng mga bagay na nasa langit, kundi sa langit mismo. Siya ngayon ay namamagitan para sa atin sa harap ng Dios. 25 Ang punong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Pinakabanal na Lugar bawat taon, na may dalang dugo ng hayop. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog ng kanyang sarili, at hindi na niya ito inulit-ulit pa. 26 Dahil kung kailangang ulit-ulitin, maraming beses sanang nagdusa si Cristo mula pa nang likhain ang mundo. Pero minsan lamang siya naparito sa mundo para alisin ang mga kasalanan natin sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang sarili. Ginawa niya ito nitong mga huling araw. 27 Itinakda sa mga tao ang mamatay nang minsan at pagkatapos nitoʼy ang paghuhukom ng Dios. 28 Ganoon din naman, minsan lang namatay si Cristo nang inihandog niya ang kanyang sarili para alisin ang kasalanan ng mga tao. At muli siyang babalik dito sa mundo, hindi na para akuing muli ang kasalanan ng mga tao, kundi para iligtas ang mga taong naghihintay sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®