Old/New Testament
53 Sinong naniwala sa aming ibinalita? At kanino inihayag ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan? 2 Kalooban ng Panginoon na lumago ang kanyang lingkod, gaya ng tanim na lumalago at nag-uugat sa tuyong lupa. Wala siyang kagandahan o katangiang makakaakit sa atin para siyaʼy lapitan. 3 Hinamak siya at itinakwil ng mga tao. Dumanas siya ng mga sakit at hirap. Tinalikuran natin siya, hinamak, at hindi pinahalagahan. 4 Ang totoo, tiniis niya ang mga sakit at mga kalungkutang dapat sanaʼy tayo ang dumanas. Ang akala natin ay pinarusahan siya ng Dios dahil sa kanyang mga kasalanan. 5 Ang totoo, sinugatan siya dahil sa ating mga pagsuway; binugbog siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang tiniis niya ang naglagay sa atin sa magandang kalagayan. At dahil sa mga sugat niya ay gumaling tayo. 6 Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw. Bawat isa sa atin ay gumawa ng nais nating gawin. Pero siya ang pinarusahan ng Panginoon ng parusang dapat sana ay para sa ating lahat. 7 Inapi siya at sinaktan, pero hindi man lang dumaing. Para siyang tupang dadalhin sa katayan para patayin, o tupang gugupitan na hindi man lang umiimik. 8 Hinuli siya, hinatulan, at pinatay. Walang nakaisip, isa man sa mga salinlahi niya, na pinatay siya dahil sa kanilang mga kasalanan, na tiniis niya ang parusang dapat sana ay para sa kanila. 9 Kahit na wala siyang ginawang kasalanan at anumang pandaraya,[a] inilibing siyang parang isang kriminal; inilibing siyang kasama ng mga mayayaman. 10 Pero kalooban ng Panginoon na saktan siya at pahirapan. Kahit na ginawa siyang handog ng Panginoon para mabayaran ang kasalanan ng mga tao, makikita niya ang kanyang mga lahi at tatanggap siya ng mahabang buhay. At sa pamamagitan niya ay matutupad ang kalooban ng Panginoon. 11 Kapag nakita niya ang bunga ng kanyang paghihirap, matutuwa siya. Sinabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan ng karunungan ng aking matuwid na lingkod ay marami ang ituturing niyang matuwid, magdurusa siya para sa kanilang mga kasalanan. 12 Dahil dito, pararangalan ko siya katulad ng mga taong tanyag at makapangyarihan dahil ibinigay niya ang buhay niya. Ibinilang siya na isa sa mga makasalanan. Nagdusa siya para sa maraming makasalanan[b] at hiniling pa niya sa Dios na silaʼy patawarin.”
Ang Pag-ibig ng Dios sa Jerusalem
54 Sinabi ng Panginoon, “Umawit ka Jerusalem, ikaw na parang babaeng baog. Umawit ka at sumigaw sa tuwa, ikaw na hindi nakaranas ng hirap sa panganganak. Sapagkat kahit na iniwan ka ng iyong asawa, mas marami ang iyong magiging anak kaysa sa babaeng kapiling ang asawa. 2 Gumawa ka ng mas malaki at matibay na tirahan.[c] Huwag mong liliitan. 3 Sapagkat lalawak ang iyong hangganan, sasakupin ng iyong mga mamamayan ang ibang mga bansa, at kanilang titirhan ang mga lungsod doon na iniwan. 4 Huwag kang matakot dahil hindi ka mapapahiya. Malilimutan mo na ang kahihiyan ng iyong kabataan at pagkabalo. 5 Sapagkat ako na lumikha sa iyo ay para mong asawa. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko. Ako ang Banal na Dios ng Israel, ang iyong Tagapagligtas. Tinatawag akong ‘Dios ng buong mundo.’
6 “Jerusalem, katulad ka ng isang kabataang babae na nag-asawa at nalulungkot dahil iniwan siya ng kanyang asawa. Pero ngayon, tinatawag kita para muling makapiling. 7 Iniwan kita sandali, pero dahil sa laki ng awa ko sa iyo ay muli kitang kukupkupin. 8 Dahil sa bugso ng galit ko sa iyo, iniwan kita sandali, pero dahil sa aking walang hanggang pag-ibig sa iyo, kaaawaan kita. Ako, ang Panginoon na inyong Tagapagligtas ang nagsasabi nito.
9 “Para sa akin, katulad ito noong panahon[d] ni Noe nang nangako akong hindi ko na gugunawin ang mundo. Ngayon naman, nangangako akong hindi na ako magagalit o magpaparusa sa inyo. 10 Gumuho man ang mga burol at bundok, ang pag-ibig ko sa iyoʼy hindi mawawala, maging ang kasunduan ko sa iyo na ilalagay kita sa magandang kalagayan. Ako, ang Panginoong naaawa sa iyo, ang nagsasabi nito.
11 “O Jerusalem, para kang binagyo. Nagdusa kaʼt walang umaliw at nagpalakas sa iyo. Pero muli kitang itatayo sa pundasyong gawa sa batong safiro, at gagamitin ko ang mamahaling mga bato para sa mga dingding ng bahay mo. 12 Gagamitin ko rin ang mga batong rubi sa iyong mga tore, at gagamitin ko rin ang mga naggagandahang mga bato sa paggawa ng iyong mga pinto at mga pader. 13 Ako ang magtuturo sa iyong mga mamamayan,[e] at magiging mabuti ang kanilang kalagayan. 14 Magiging matatag ka dahil mamumuhay nang matuwid ang mga mamamayan mo. Tatakas ang mga kaaway mo, kaya wala kang dapat katakutan. Hindi na makakalapit sa iyo ang mga kaaway mo para takutin ka. 15 Kung may lulusob sa iyo, hindi ko iyon kalooban. Susuko sila sa iyo. 16 Makinig ka! Ako ang lumikha ng mga panday na nagpapaningas ng apoy at gumagawa ng mga sandata. Ako rin ang lumikha ng mga sundalo na gumagamit ng mga sandatang ito para manglipol. 17 Walang anumang sandatang ginawa na magtatagumpay laban sa iyo, at masasagot mo ang anumang ibibintang laban sa iyo. Ito ang pamana ko sa aking mga lingkod. Bibigyan ko sila ng tagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Habag ng Dios
55 Sinabi ng Panginoon, “Lumapit kayo, lahat kayong nauuhaw, narito ang tubig! Kahit wala kayong pera, lumapit kayo at kumain! Halikayo, kumuha kayo ng inumin at gatas ng walang bayad! 2 Bakit ninyo ginugugol ang inyong mga salapi sa mga bagay na hindi makakain? Bakit nʼyo inuubos ang mga sweldo ninyo sa mga bagay na hindi makakapagpabusog sa inyo? Makinig kayo sa akin at makakakain kayo ng mga masasarap na pagkain, at talagang mabubusog kayo. 3 Lumapit kayo sa akin at makinig para mabuhay kayo. Gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa inyo. Ipapadama ko sa inyo ang pag-ibig koʼt awa na ipinangako ko kay David. 4 Ginawa ko siyang tagapamahala ng mga bansa, at sa pamamagitan niyaʼy ipinakita ko ang aking kapangyarihan sa kanila. 5 Tatawagin ninyo ang mga bansang hindi ninyo kasama, at magmamadali silang lalapit sa inyo, dahil ako, ang Panginoon na inyong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, ang nagbigay sa inyo ng karangalan.”
6 Lumapit na kayo sa Panginoon at tumawag sa kanya habang naririyan pa siya para tulungan kayo. 7 Talikuran na ng mga taong masama ang masasama nilang ugali at baguhin na ang masasama nilang pag-iisip. Magbalik-loob na sila sa Panginoon na ating Dios, dahil kaaawaan at patatawarin niya sila.
8 Sinabi ng Panginoon, “Ang pag-iisip ko ay hindi katulad ng pag-iisip ninyo at ang pamamaraan ko ay hindi katulad ng pamamaraan ninyo. 9 Kung gaano kalayo ang langit sa lupa, ganoon din kalayo ang aking pamamaraan at pag-iisip kaysa sa inyo. 10 Ang ulan at nyebe ay mula sa itaas, at hindi bumabalik doon hanggaʼt hindi muna nakapagbibigay ng tubig sa lupa at nakapagpapalago ng mga halaman para makapagbigay ng binhi at pagkain sa nagtatanim at sa mga tao. 11 Ganyan din ang aking mga salita, hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Isasakatuparan nito ang aking ninanais, at isasagawa ang aking layunin kung bakit ko ito ipinadala.
12 “Mga Israelita, aalis kayo nang masaya sa Babilonia at papatnubayan kayo ng Dios. Ang mga bundok at mga burol ay parang mga taong aawit sa tuwa. At ang lahat ng mga puno ay parang mga taong magpapalakpakan. 13 Tutubo na ang mga puno ng sipres at mirto sa dating tinutubuan ng mga halamang may tinik. Ang mga pangyayaring itoʼy magbibigay ng karangalan sa akin. Magiging tanda ito magpakailanman ng aking kapangyarihan.”
1 Mula kay Pablo, kasama sina Silas at Timoteo.
Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] diyan sa Tesalonica na nasa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pagbabalik ni Cristo at ang Paghuhukom
3 Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyo. Nararapat lang na gawin namin ito, dahil patuloy na lumalago ang pananampalataya nʼyo kay Cristo at pagmamahalan sa isaʼt isa. 4 Kaya naman, ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Dios sa ibang lugar dahil sa katatagan at pananampalataya nʼyo, sa kabila ng lahat ng dinaranas ninyong paghihirap at pag-uusig.
5 Nagpapatunay ang mga ito na makatarungan ang hatol ng Dios, dahil ang dinaranas ninyong paghihirap para sa kaharian niya ay gagamitin niyang patotoo na karapat-dapat nga kayong mapabilang dito. 6 Gagawin ng Dios ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. 7 At kayong mga naghihirap ay bibigyan niya ng kapahingahan kasama namin. Mangyayari ito pagbalik ng Panginoong Jesus galing sa langit kasama ng makapangyarihan niyang mga anghel. 8 Darating siyang napapalibutan ng nagliliyab na apoy, at parurusahan niya ang mga hindi kumikilala sa Dios at hindi sumusunod sa Magandang Balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. 9 Parurusahan sila ng walang hanggang paghihirap at pagkawalay sa Panginoon, at hindi na nila makikita pa ang dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa araw ng pagbabalik niya, at papapurihan at pararangalan siya ng mga pinabanal niya na walang iba kundi ang lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo rito, dahil sumampalataya kayo sa ipinahayag namin sa inyo.
11 Ito ang dahilan kung bakit lagi namin kayong ipinapanalangin. Dalangin namin na tulungan sana kayo ng Dios na mamuhay nang karapat-dapat bilang mga tinawag niya. At dalangin din namin na sa tulong ng kapangyarihan niya, magawa nʼyo ang lahat ng mabubuting bagay na gusto ninyong gawin dahil sa inyong pananampalataya. 12 Sa ganitong paraan, mapaparangalan nʼyo ang ating Panginoong Jesus at kayo naman ay mapaparangalan niya ayon sa biyaya ng ating Dios at ng Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®