Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 32-33

Ang Matuwid na Hari

32 May isang hari na maghahari nang matuwid, at ang kanyang mga opisyal ay mamamahala nang may katarungan. Ang bawat isa sa kanilaʼy magiging kanlungan sa malakas na hangin at bagyo. Ang katulad nilaʼy ilog na dumadaloy sa disyerto, at lilim ng malaking bato sa mainit at tuyong lupain. Maghahanap at makikinig ang mga tao sa Dios. Ang taong pabigla-bigla ay mag-iisip nang mabuti para malaman niya ang kanyang gagawin. Ang taong hindi alam kung ano ang sasabihin ay makakapagsalita nang mabuti at malinaw. Ang mga hangal ay hindi na dadakilain, at ang mga mandaraya ay hindi na igagalang. Sapagkat kahangalan ang sinasabi ng hangal, at ang masama niyang isipan ay nagbabalak na gumawa ng mga kasamaan. Nilalapastangan niya ang Dios, at pinagkakaitan ang mga nagugutom at nauuhaw. Masama ang pamamaraan ng mandaraya. Ipinapahamak niya ang mga dukha sa pamamagitan ng kanyang kasinungalingan, kahit na sa panahon ng paghingi ng mga ito ng katarungan. Pero ang taong marangal ay may hangarin na palaging gumawa ng mabuti, at itoʼy kanyang tinutupad.

9-10 Kayong mga babaeng patambay-tambay lang at walang pakialam, pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyo! Bago matapos ang taon, mababagabag kayo dahil hindi na mamumunga ang mga ubas at wala na kayong mapipitas. 11 Matagal na kayong nakatambay at walang pakialam. Ngayon manginig na kayo sa takot. Hubarin ninyo ang inyong mga damit at magbigkis ng sako sa inyong baywang. 12 Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan dahil sa mangyayari sa inyong masaganang bukirin at mabungang ubasan. 13 Ang lupain ng aking mga mamamayan ay tutubuan ng mga damo at matitinik na halaman, at mawawala ang masasayang tahanan at lungsod. 14 Ang mataong lungsod at ang matibay na bahagi nito ay hindi na titirhan. Ang burol at ang bantayang tore nito ay magiging parang ilang magpakailanman. Itoʼy magiging tirahan ng mga maiilap na asno at pastulan ng mga tupa. 15 Mangyayari ito hanggang sa ipadala sa atin ang Espiritu mula sa langit. Kung magkagayon, ang ilang ay magiging matabang lupain at ang matabang lupain ay magiging kagubatan. 16 Lalaganap ang katarungan at katuwiran sa ilang at matabang lupain. 17 At ang bunga ng katuwiran ay ang mabuting kalagayan, kapayapaan, at kapanatagan magpakailanman. 18 Kayong mga mamamayan ng Dios ay titira sa mapayapang tahanan at ligtas sa kapahamakan. At wala nang gagambala sa inyo. 19 Kahit masisira ang kagubatan at ang mga lungsod dahil umuulan ng yelo na parang bato, 20 pagpapalain kayo ng Dios. Magiging masagana ang tubig para sa mga pananim, at ang inyong mga hayop ay malayang manginginain kahit saan.

Tutulungan ng Dios ang Kanyang mga Mamamayan

33 Nakakaawa kayong mga nangwawasak na hindi pa nakaranas ng pagkawasak. Nakakaawa kayo, kayong mga taksil, na hindi pa napagtataksilan. Kapag natapos na ang inyong pangwawasak at pagtataksil, kayo naman ang wawasakin at pagtataksilan.

Panginoon, kaawaan nʼyo po kami. Nagtitiwala kami sa inyo. Palakasin nʼyo kami araw-araw, at iligtas sa panahon ng kaguluhan. Tumatakas ang mga tao sa dagundong ng inyong tinig. Kapag kayoʼy tumayo para magparusa, nagsisipangalat ang mga bansa. Sasamsamin ang kanilang mga ari-arian, at matutulad sila sa halamang sinalakay ng balang.

Ang Panginoon ay dakila sa lahat! Siyaʼy naninirahan sa langit. Paiiralin niya ang katarungan at katuwiran sa Jerusalem. Siya ang magpapatatag sa inyo. Iingatan niya kayo at bibigyan ng karunungan at kaalaman. At ang mahalagang kayamanan ninyo ay ang pagkatakot sa Panginoon.

Makinig kayo! Ang matatapang nʼyong mamamayan ay humihingi ng saklolo sa mga lansangan. Ang inyong mga sugo para sa kapayapaan ay umiiyak sa pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan. Wala nang dumadaan o lumalakad sa mga lansangan. Nilalabag na ang kasunduan at hindi na pinahahalagahan ang mga saksi nito.[a] Wala nang taong iginagalang. Kawawa ang lupain ng Israel. Nalalanta ang mga puno ng Lebanon, at napapahiya. Naging ilang ang kapatagan ng Sharon. Nalalaglag ang mga dahon ng mga puno sa Bashan at sa Carmel. 10 Sinabi ng Panginoon, “Kikilos na ako ngayon, at dadakilain ako ng mga tao. 11 Kayong mga taga-Asiria, walang kabuluhan ang inyong mga plano at mga ginagawa. Ang nag-aapoy ninyong galit[b] ang tutupok sa inyo. 12 Masusunog kayo hanggang sa maging tulad kayo ng apog. Matutulad kayo sa matitinik na mga halaman na pinutol at sinunog. 13 Kayong mga bansa, malapit man o malayo, pakinggan ninyo ang mga ginawa ko at kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko.”

14 Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion. Sabi nila, “Ang Dios ay parang nagliliyab na apoy na hindi namamatay. Sino sa atin ang makakatagal sa presensya ng Dios?” 15 Ang makakatagal ay ang mga taong namumuhay nang matuwid at hindi nagsisinungaling, hindi gahaman sa salapi o tumatanggap man ng suhol. Hindi sila nakikiisa sa mga mamamatay-tao at hindi gumagawa ng iba pang masamang gawain. 16 Ganyang klaseng mga tao ang maliligtas sa kapahamakan, parang nakatira sa mataas na lugar, na ang kanilang kanlungan ay ang malalaking bato. Hindi sila mawawalan ng pagkain at inumin.

17 Mga Israelita, makikita ninyo[c] ang isang makapangyarihang hari na namamahala sa napakalawak na kaharian. 18 Maaalala ninyo ang nakakatakot na araw nang dumating sa inyo ang mga pinuno ng Asiria at binilang ang inyong mga tore at kung ilang ari-arian ang makukuha nila sa inyo. 19 Pero hindi na ninyo makikita ang mga mayayabang na iyon, na ang salita nila ay hindi ninyo maintindihan. 20 Tingnan ninyo ang Zion, ang Jerusalem, ang lungsod na pinagdarausan natin ng ating mga pista. Makikita na magiging mapayapang lugar at magandang tirahan ito. Itoʼy magiging parang toldang matibay, na ang mga tulos ay hindi mabunot at ang mga tali ay hindi malagot. 21 Ipapakita rito sa atin ng Panginoon na siyaʼy makapangyarihan. Ang Jerusalem ay parang isang lugar na may malawak na ilog at batis, na hindi matatawid ng mga sasakyan ng mga kaaway. 22 Gagawin ito ng Panginoon dahil siya ang ating hukom, mambabatas,[d] at hari. Siya ang magliligtas sa atin.

23 Ang Jerusalem ngayon ay parang sasakyang pandagat na maluwag ang mga tali at palo, at hindi mailadlad ang layag. Pero darating ang araw na maraming ari-arian ang sasamsamin ng Jerusalem sa kanyang mga kaaway. Kahit ang mga pilay ay bibigyan ng bahagi. 24 Wala ng mamamayan sa Jerusalem na magsasabi, “May sakit ako.” Patatawarin sila ng Dios sa kanilang mga kasalanan.

Colosas 1

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Timoteo na kapatid natin.

Mahal kong mga taga-Colosas, pinabanal[a] at matatapat na kapatid na nakay Cristo:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama.

Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Colosas

Lagi kaming nagpapasalamat sa Dios na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa tuwing nananalangin kami para sa inyo. Sapagkat nabalitaan namin ang pananampalataya nʼyo bilang mga nakay Cristo Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal ng Dios, dahil umaasa kayong makakamtan ninyo ang mga inilaan para sa inyo sa langit. Ang pag-asang itoʼy una ninyong narinig nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita. At ang Magandang Balitang itoʼy lumalaganap at lumalago sa buong mundo, katulad ng nangyari sa inyo noong una ninyong marinig at maunawaan ang katotohanan tungkol sa biyaya ng Dios. Natutunan nʼyo ito kay Epafras na minamahal namin at kapwa lingkod ng Panginoon. Isa siyang tapat na lingkod ni Cristo, at pumariyan siya bilang kinatawan namin. Siya ang nagbalita sa amin tungkol sa pag-ibig nʼyo na ibinigay ng Banal na Espiritu.

Kaya nga, mula nang mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, patuloy namin kayong ipinapanalangin. Hinihiling namin sa Dios na bigyan nawa kayo ng karunungan at pang-unawang mula sa Banal na Espiritu para lubusan ninyong malaman ang kalooban niya. 10 Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang karapat-dapat at kalugod-lugod sa Panginoon sa lahat ng bagay. At makikita na lumalago kayo sa mabubuting gawa at sa pagkakakilala sa Dios. 11 Nawaʼy palakasin niya kayo sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan, para makatagal at makapagtiis kayo sa lahat ng bagay nang may kagalakan. 12 At makapagpapasalamat din kayo sa Ama. Ginawa niya kayong karapat-dapat na makabahagi sa mamanahin ng mga pinabanal niya, ang manang nasa kinaroroonan ng kaliwanagan. 13 Iniligtas niya tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng minamahal niyang Anak. 14 At sa pamamagitan ng kanyang Anak, tinubos niya tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad na ang ating mga kasalanan.

Ang Kadakilaan ni Cristo

15 Si Cristo ang larawan ng di-nakikitang Dios, at siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya, at para sa kanya, nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa mundo, ang nakikita pati rin ang di-nakikita, katulad ng mga espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. 17 Bago pa man likhain ang anumang bagay, naroon na si Cristo, at sa pamamagitan niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan. 18 Si Cristo ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pinagmulan[b] nito, ang unang nabuhay sa mga patay, para maging pinakadakila siya sa lahat. 19 Sapagkat minabuti ng Dios na ang pagka-Dios niya ay manahan nang lubos kay Cristo, 20 at sa pamamagitan ni Cristo, ipagkakasundo sa kanya ang lahat ng nilikha sa langit at sa mundo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng dugo[c] ni Cristo sa krus.

21 Noong una ay malayo kayo sa Dios, at naging kaaway niya dahil sa kasamaan ng inyong pag-iisip at mga gawa. 22 Pero ngayon, ibinalik na niya kayo sa kanyang sarili sa pamamagitan ng kamatayan ng katawang-tao ni Cristo. Kaya maihaharap na kayo sa kanya na banal, malinis at walang kapintasan. 23 Pero kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa pananampalataya, at huwag hayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na narinig ninyo. Ang Magandang Balita na ito ay ipinahayag na sa buong mundo, at akong si Pablo ay naging lingkod nito.

Ang Paghihirap ni Pablo para sa mga Mananampalataya

24 Masaya ako sa mga nararanasan kong paghihirap ng katawan ko para sa inyo. Dahil dito, napupunan ko ang kulang sa mga paghihirap ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25 Itinalaga ako ng Dios na maging tagapaglingkod ng iglesya para lubusang ipahayag ang mensahe niya sa inyo na mga hindi Judio. 26 Ito ang lihim niyang plano na hindi inihayag noon sa naunang mga panahon at mga salinlahi, pero ngayon ay inihayag na sa atin na mga pinabanal niya. 27 Nais ng Dios na ihayag sa atin ang dakila at kamangha-mangha niyang plano para sa lahat ng tao. At ito ang lihim na plano: Si Cristo ay sumasainyo at ito ang basehan ng pag-asa ninyo na inyong makakamtan ang napakabuting kalagayan sa hinaharap. 28 Kaya nga ipinangangaral namin si Cristo sa lahat ng tao. Pinapaalalahanan at tinuturuan namin ang bawat isa ayon sa karunungang ibinigay sa amin ng Dios. Sa ganoon, maihaharap namin ang bawat isa sa Dios nang ganap sa pakikipag-isa nila kay Cristo. 29 At para matupad ito, nagpapakahirap ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Cristo na nagpapalakas sa akin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®