Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 11-13

Ang Mapayapang Kaharian

11 Ang maharlikang angkan ni David[a] ay parang punong pinutol. Pero kung papaanong ang tuod ay nagkakaroon ng usbong, darating din ang isang bagong hari mula sa angkan ni David. Mananatili sa kanya ang Espiritu ng Panginoon at magbibigay ito sa kanya ng karunungan, pang-unawa, kakayahan sa pagpaplano, kapangyarihan, kaalaman, at takot sa Panginoon. Magiging kagalakan niya ang pagsunod sa Panginoon. Hindi siya mamumuno at hahatol batay lang sa kanyang nakita o narinig sa iba. Bibigyan niya ng katarungan ang mga mahihirap at ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan. Sa pamamagitan ng kanyang salita, parurusahan niya ang mga tao sa mundo at mamamatay ang masasamang tao. Paiiralin niya ang katarungan at katapatan, ito ang magiging pinakasinturon niya.

Magiging lubos ang kapayapaan sa kanyang paghahari. Ang asong lobo ay maninirahang kasama ng tupa. Mahihigang magkakasama ang kambing at leopardo. Magsasama ang guya at batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila ay mga batang paslit. Magkasamang kakain ang baka at ang oso, at ang mga anak nila ay magkakatabing hihiga. Ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. Kahit maglaro ang mga paslit sa tabi ng lungga ng makamandag na ahas, o kahit na isuot nila ang kamay nila sa lungga nito, hindi sila mapapahamak. Walang mamiminsala o gigiba sa Zion, ang banal kong bundok. Sapagkat magiging laganap sa buong mundo ang pagkilala sa Panginoon katulad ng karagatan na puno ng tubig.

10 Darating ang araw at isisilang ang bagong hari mula sa lahi ni David na magsisilbing hudyat sa mga bansa para magtipon sila. Magtitipon sila sa kanya, at magiging maluwalhati ang lugar na tinitirhan niya. 11 Sa araw na iyon, muling gagamitin ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan para pauwiin ang mga natitira sa mga mamamayan niya na dinalang bihag sa Asiria, Egipto, Patros, Etiopia,[b] Elam, Babilonia, Hamat at sa iba pang malalayong lugar. 12 Itataas ng Panginoon ang isang bandila para ipakita sa mga bansa na tinitipon na niya ang mga mamamayan ng Israel at Juda mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo. 13 Mawawala na ang inggit ng Israel sa Juda at ang galit ng Juda sa Israel. 14 Magkasama silang lulusob sa mga Filisteo sa kanluran. Lulusubin din nila ang mga bansa sa silangan at sasamsamin ang mga ari-arian ng mga ito. Sasakupin nila ang Edom at Moab, at ang mga Ammonita ay magpapasakop din sa kanila. 15 Patutuyuin ng Panginoon ang Dagat ng Egipto at paiihipin ang mainit na hangin sa Ilog ng Eufrates para maging pitong maliliit na daluyan ng tubig na matatawid ng taong naglalakad. 16 Kung paanong may malapad na daan na dinaanan ng mga mamamayan ng Israel noong umalis sila sa Egipto, mayroon ding malapad na daan para sa mga natitira niyang mga mamamayan sa Asiria.

Awit ng Pasasalamat

12 Sa araw na iyon, aawit kayo:

Panginoon, pinupuri[c] ko kayo. Nagalit kayo sa akin, pero hindi na ngayon, at ngayoʼy inaaliw nʼyo na ako.
Kayo, O Dios ang aking Tagapagligtas.
    Magtitiwala po ako sa inyo at hindi matatakot.
    Kayo, Panginoon, ang nagbibigay ng lakas sa akin, at kayo ang aking awit.
    Kayo nga ang nagligtas sa akin.”

Kung paanong ang malamig na tubig ay nagbibigay kagalakan sa nauuhaw, kayo naman ay magagalak kapag iniligtas na kayo ng Panginoon. Pagsapit ng araw na iyon, aawit kayo:

    “Purihin ninyo ang Panginoon!
    Sambahin nʼyo siya!
    Sabihin nʼyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa.
    Sabihin nʼyo na karapat-dapat siyang purihin.[d]
Umawit kayo sa Panginoon dahil kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa.
    Ipahayag nʼyo ito sa buong mundo.
Sumigaw kayo at umawit sa galak, kayong mga taga-Zion.
    Sapagkat makapangyarihan ang Banal na Dios ng Israel na nasa piling ninyo.”

Ang Mensahe tungkol sa Babilonia

13 Ito ang mensahe tungkol sa Babilonia na ipinahayag ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz:

Magtaas kayo ng isang bandila roon sa tuktok ng bundok na walang puno. Pagkatapos, sumigaw kayo nang malakas sa mga sundalo at senyasan ninyo sila para salakayin at pasukin ang lungsod ng mga kilala at makapangyarihang tao. Inutusan ko na ang mga itinalaga kong sundalo na magpaparusa sa mga taong kinapopootan ko. Ang mga sundalo na itoʼy natutuwa at umaasang isasagawa ko ang parusang ito.

Pakinggan nʼyo ang ingay ng napakaraming tao sa mga bundok. Pakinggan nʼyo ang ingay ng mga kaharian at mga bansang nagtitipon. Tinitipon ng Panginoong Makapangyarihan ang mga sundalo niya para sa digmaan. Nanggaling sila sa malalayong lugar. Wawasakin ng Panginoon at ng mga sundalo niya ang buong lupain.

Umiyak kayo, dahil malapit na ang araw ng Panginoon, ang araw ng pagwawasak ng Makapangyarihang Dios. Sa araw na iyon, manlulupaypay ang lahat ng tao. Ang bawat isaʼy masisiraan ng loob, at manginginig sa takot. Madadama nila ang labis na paghihirap katulad ng paghihirap ng isang babaeng nanganganak. Magtitinginan sila sa isaʼt isa at mamumula ang mga mukha nila sa hiya. Makinig kayo! Darating na ang araw ng Panginoon, ang araw ng kalupitan at matinding galit. Wawasakin ang lupain hanggang sa hindi na matirhan, at ang mga makasalanang naroon ay lilipulin. 10 Hindi na magniningning ang mga bituin. Sisikat ang araw pero madilim pa rin, at ang buwan ay hindi na rin magbibigay ng liwanag.

11 Sinabi ng Panginoon, “Parurusahan ko ang mundo dahil sa kasamaan nito. Parurusahan ko ang mga makasalanan dahil sa kanilang kasalanan. Wawakasan ko ang kahambugan ng mayayabang. Patitigilin ko ang pagmamataas ng mga taong malupit. 12 Kaunti lang ang matitirang tao, kaya mas mahirap silang hanapin kaysa sa dalisay na gintong galing sa Ofir. 13 Yayanigin ko ang langit at ang lupa. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay gagawin ito sa araw na ipapakita ko ang matindi kong galit.”

14 Ang mga dayuhan sa Babilonia ay tatakas at babalik sa sarili nilang bayan na parang mga usang hinahabol. Uuwi sila na parang mga tupang walang nagbabantay. 15 Ang bawat mahuli ay sasaksakin hanggang sa mamatay. 16 Ang kanilang mga sanggol ay luluray-lurayin sa kanilang harapan. Sasamsamin ang mga ari-arian nila sa kanilang mga bahay at gagahasain ang kanilang mga asawa.

17 Makinig kayo! Ipapalusob ko ang Babilonia sa mga taga-Media na hindi nagpapahalaga sa pilak at ginto. 18 Papatayin ng mga taga-Media ang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng pana. Pati ang mga bata ay hindi nila kaaawaan. 19 Ang Babilonia ay kahariang pinakamaganda sa lahat ng kaharian. Ipinagmamalaki ito ng kanyang mga mamamayan.[e] Pero wawasakin ko ito katulad ng Sodom at Gomora. 20 At hindi na ito titirhan magpakailanman. Walang Arabong magtatayo roon ng kanyang tolda. At wala ring pastol na mag-aalaga roon ng kanyang mga tupa. 21 Magiging tirahan na lang ito ng mga hayop sa gubat. Titirhan ng mga kuwago at ng iba pang mababangis na hayop ang kanilang mga bahay, at lulukso-lukso roon ang mga kambing na maiilap. 22 Aalulong doon sa mga tore nila at mga palasyo ang mga asong-gubat.[f] Nalalapit na ang wakas ng Babilonia; hindi na ito magtatagal.

Efeso 4

Iisang Katawan kay Cristo

Bilang isang bilanggo dahil sa paglilingkod sa Panginoon, hinihiling kong mamuhay kayo nang karapat-dapat bilang mga tinawag ng Dios. Maging mahinahon kayo, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin sa mga pagkukulang ng bawat isa bilang pagpapakita ng pag-ibig ninyo. Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa nʼyo mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mapayapa ninyong pagsasamahan. Sapagkat iisang katawan lamang tayo na may iisang Banal na Espiritu, at iisa rin ang pag-asang ibinigay sa atin nang tawagin tayo ng Dios. Iisa ang Panginoon natin, iisang pananampalataya, at iisang bautismo. Iisa ang Dios natin at siya ang Ama nating lahat. Naghahari siya, kumikilos at nananahan sa ating lahat.

Ngunit kahit na bahagi tayo ng iisang katawan, binigyan ang bawat isa sa atin ng kaloob ayon sa nais ibigay ni Cristo. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,

    “Nang umakyat siya sa langit, marami siyang dinalang bihag
    at binigyan niya ng mga kaloob ang mga tao.”[a]

(Ngayon, ano ang kahulugan ng, “Umakyat siya sa langit”? Ang ibig sabihin nito ay bumaba muna siya rito sa lupa. 10 At siya na bumaba rito sa lupa ang siya ring umakyat sa kataas-taasang langit para maging lubos ang kapangyarihan niya sa lahat ng bagay.) 11 Ang ibaʼy ginawa niyang apostol, ang ibaʼy propeta, ang ibaʼy mangangaral ng Magandang Balita, at ang iba naman ay pastor at guro. 12 Ginawa niya ito para ihanda sa paglilingkod ang mga pinabanal,[b] at para lumago at maging matatag sila bilang katawan ni Cristo. 13 Sa ganitong paraan, maaabot nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Dios, at ganap na lalago sa espiritwal nating pamumuhay hanggang maging katulad tayo ni Cristo. 14 At kapag naabot na natin ito, hindi na tayo tulad ng mga bata na pabago-bago ng isip at nadadala ng ibaʼt ibang aral ng mga taong nanlilinlang, na ang hangad ay dalhin ang mga tao sa kamalian. 15 Sa halip, mananatili tayo sa katotohanan nang may pag-ibig, upang sa lahat ng bagay ay maging katulad tayo ni Cristo na siyang ulo ng iglesya. 16 At sa pamumuno niya, ang lahat ng bahagi ng katawan, na walang iba kundi ang mga mananampalataya, ay pinag-uugnay-ugnay, at ang bawat isaʼy nagtutulungan. At sa pagganap ng bawat isa sa kani-kanilang tungkulin nang may pag-ibig, ang buong katawan ay lalago at lalakas.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

17 Sa pangalan ng Panginoon, iginigiit kong huwag na kayong mamuhay gaya ng mga taong hindi nakakakilala sa Dios. Walang kabuluhan ang iniisip nila, 18 dahil nadiliman ang isipan nila sa pag-unawa ng mga espiritwal na bagay. At nawalay sila sa buhay na ipinagkaloob ng Dios dahil sa kamangmangan nila at katigasan ng kanilang puso. 19 Nawalan na sila ng kahihiyan, kaya nawili sila sa kahalayan at laging sabik na sabik gumawa ng karumihan.

20 Ngunit hindi ganyan ang natutunan nʼyo tungkol kay Cristo. 21 Hindi baʼt alam na ninyo ang tungkol kay Jesus? At bilang mga mananampalataya niya, hindi baʼt naturuan na kayo ng katotohanang nasa kanya? 22 Kaya talikuran nʼyo na ang dati ninyong pamumuhay dahil gawain ito ng dati ninyong pagkatao. Ang pagkataong ito ang siyang nagpapahamak sa inyo dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa inyo. 23 Baguhin nʼyo na ang inyong pag-iisip at pag-uugali. 24 Ipakita nʼyong binago na kayo ng Dios at binigyan ng buhay na matuwid at banal katulad ng sa Dios.

25 Kaya huwag na kayong magsisinungaling. Ang bawat isaʼy magsabi ng katotohanan sa kanyang mga kapatid[c] kay Cristo, dahil kabilang tayong lahat sa iisang katawan. 26 Kung magalit man kayo, huwag kayong magkasala.[d] At huwag nʼyong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon si Satanas. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay maghanapbuhay siya nang marangal para makatulong din siya sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig. 30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Dios. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang siyang tanda na kayoʼy sa Dios, at siya ang katiyakan ng kaligtasan nʼyo pagdating ng araw. 31 Alisin nʼyo ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin. 32 Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isaʼt isa. At magpatawad kayo sa isaʼt isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo dahil kay Cristo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®