Old/New Testament
Ang Haring Darating
9 Pero darating ang araw na mawawala rin ang kadiliman sa lupaing nasa kahirapan. Noong una, inilagay ng Panginoon sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at Naftali. Pero darating ang araw na pararangalan niya ang mga lugar na ito na daanan patungo sa lawa[a] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan. Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio. 2 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.
Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.
3 Panginoon, bigyan nʼyo po sila ng malaking kagalakan, at matutuwa sila sa presensya nʼyo katulad ng mga taong natutuwa kapag panahon na ng anihan, o katulad din ng mga taong nagdiriwang sa paghahati-hati nila ng mga nasamsam sa digmaan. 4 Sapagkat palalayain nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Magiging katulad sila ng mga hayop na binali nʼyo ang pamatok na kahoy na pasan-pasan nila at ang pamalo na ipinapalo sa kanila. Gagawin nʼyo po sa kanila ang ginawa nʼyo noon nang lupigin nʼyo ang mga taga-Midian.[b] 5 Matutuwa sila dahil matitigil na ang mga digmaan. Susunugin na ang mga uniporme ng mga sundalo na puno ng dugo, pati ang kanilang mga bota.
6 Ipapanganak ang isang batang lalaki na maghahari sa amin. Tatawagin siyang, “Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang Hanggang Ama, at Prinsipe ng Kapayapaan.” 7 Hindi magwawakas ang pag-unlad ng kanyang pamamahala, at maghahari ang kapayapaan. Siya ang magmamana ng kaharian ni David. Patatatagin niya ito at paghahariang may katarungan at katuwiran magpakailanman. Sisiguraduhin ng Panginoong Makapangyarihan na matutupad ito.
Ang Galit ng Dios sa Israel
8 Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang Israel, ang lahi ni Jacob. 9 At alam[c] ito ng lahat ng tao sa Israel,[d] pati ng mga nasa Samaria na kabisera nito. Pero nagmamataas pa rin sila at payabang na sinasabi, 10 “Mawasak man ang mga itinayo naming bahay na yari sa brik at kahoy na sikomoro, papalitan naman namin ito ng bato at kahoy na sedro.”
11 Kaya ipapasalakay sila ng Panginoon sa mga taga-Asiria na kaaway ni Haring Rezin. 12 Ang Israel ay wawasakin ng mga taga-Aram sa gawing silangan, at ng mga Filisteo sa gawing kanluran, tulad ng mabangis na hayop na sisila sa kanila. Pero hindi pa napapawi ang galit ng Panginoon, kaya nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.
13 Dahil ayaw pa ring magbalik-loob ng mga Israelita sa Panginoong Makapangyarihan na nagparusa sa kanila, 14 hindi magtatagal ay paparusahang muli ng Panginoon ang buong Israel. Matutulad sila sa hayop na puputulan ng buntot at ulo. 15 Ang ulo ay ang mga pinuno at ang mga iginagalang na tao, at ang buntot ay ang mga sinungaling na propeta. 16 Ang mga namumuno sa mga mamamayan ng Israel ay ang mga nanlilinlang sa kanila, kaya naliligaw ang mga mamamayan. 17 Dahil dito, hindi nalulugod ang Panginoon sa mga kabataan nilang lalaki, at hindi niya kinakaawaan ang mga ulila nilaʼt mga biyuda. Sapagkat masama ang lahat at hindi makadios; nakakahiya ang lahat ng sinasabi nila.
Kaya hindi pa rin mapapawi ang galit ng Panginoon, at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila. 18 Sapagkat ang kasamaan nila ay tulad ng apoy na tumutupok ng mga halamang may tinik. Naglalagablab ito na parang apoy na tumutupok ng mga kahoy, at ang makapal na usok ay pumapailanlang. 19 Dahil sa galit ng Panginoong Makapangyarihan, masusunog ang kanilang lupain, at silaʼy magiging panggatong na lalamunin ng apoy.
Ayaw nilang kaawaan kahit na kapwa nila Israelita. 20 Anumang pagkain ang makita nila ay kukunin nila at kakainin, pero hindi pa rin sila mabubusog. Kaya kakainin na nila pati ang kanilang mga anak.[e] 21 Mag-aaway ang Manase at ang Efraim, at lulusubin nilang dalawa ang Juda. Pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa rin mapapawi at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.
10 1-2 Nakakaawa kayong mga gumagawa ng mga di-makatarungang kautusan na umaapi sa mga mahihirap kong mamamayan at nagkakait ng katarungan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga kautusang iyon, kinukuha ninyo ang mga ari-arian ng mga biyuda at mga ulila. 3 Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa sa inyo? Ano ang gagawin nʼyo pagdating ng panganib mula sa malayo? Kanino kayo hihingi ng tulong? At saan ninyo itatago ang mga kayamanan ninyo? 4 Walang matitira sa inyo. Mabibihag o mamamatay kayo, pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa mapapawi. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.
Ang Parusa ng Panginoon sa mga taga-Asiria
5 Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang mga taga-Asiria. Sila ang gagamitin kong pamalo para parusahan ang mga kinamumuhian ko. 6 Uutusan ko silang salakayin ang bansang hindi makadios at kinapopootan ko, para wasakin ito at tapak-tapakan na parang putik sa lansangan, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian.”
7 Pero hindi malalaman ng hari ng Asiria na ginagamit lang siya ng Panginoon. Akala niyaʼy basta na lang siya mangwawasak ng maraming bansa. 8 Buong pagmamalaki niyang sinabi, “Ang mga kumander ng mga sundalo ko ay parang mga hari. 9 Anong pagkakaiba ng Carkemish at Calno, ng Arpad at Hamat, at ng Damascus at Samaria? Silang lahat ay pare-pareho kong winasak. 10 Pinarusahan ko ang mga bansang sumasamba sa mga dios-diosan na mas marami pa kaysa sa mga dios-diosan sa Jerusalem at Samaria. 11 Winasak ko na ang Samaria at ang mga dios-diosan nito. Ganyan din ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga dios-diosan nito.”
12 Pero ito ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kapag natapos na niya ang gagawin niya laban sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem: “Parurusahan ko ang hari ng Asiria dahil sa kanyang pagmamataas at pagmamalaki. 13 Sapagkat sinasabi niya, ‘Nagawa ko ito dahil sa sarili kong lakas at karunungan. Tinalo ko ang maraming bansa at sinamsam ang kanilang mga kayamanan. Para akong toro; tinalo ko ang kanilang mga hari. 14 Kinuha ko ang mga kayamanan ng mga bansa, na para bang nangunguha lang ako ng itlog sa mga pugad na iniwanan ng inahin. Walang pakpak na pumagaspas o huni na narinig.’ ”
15 Maaari bang magmalaki ang palakol o ang lagare sa gumagamit sa kanya? Mabubuhat ba ng pamalo ang may hawak sa kanya? 16 Kaya magpapadala ang Panginoong Makapangyarihan ng sakit na magpapahina sa malulusog na sundalo ng Asiria. Susunugin ng Panginoon ang mga kayamanan niya sa naglalagablab na apoy. 17 Ang Panginoon na siyang ilaw at banal na Dios ng Israel ay magiging tulad ng naglalagablab na apoy na susunog sa mga matitinik niyang halaman sa loob ng isang araw lang. 18 Kung paanong sinisira ng sakit ang katawan ng tao, sisirain din ng Panginoon ang mga kagubatan at mga bukid ng hari ng Asiria. 19 Iilan lang ang matitirang puno sa kanyang kagubatan. Mabibilang ito kahit ng batang paslit.
20-21 Darating ang araw na ang mga natitirang Israelitang lahi ni Jacob ay hindi na magtitiwala sa Asiria na nagpahirap sa kanila. Magtitiwala na sila sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. Magbabalik-loob sila sa Makapangyarihang Dios. 22-23 Kahit na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat ang mga Israelita, iilan lang ang makakabalik. Nakatakda na ang parusang nararapat para sa buong Israel. At tiyak na gagawin ito ng Panginoong Dios na Makapangyarihan. 24 Kaya sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ko na naninirahan sa Zion, huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria kahit na pinahihirapan nila kayo katulad ng ginawa sa inyo ng mga Egipcio. 25 Sapagkat hindi magtatagal at mawawala na ang galit ko sa inyo at sa kanila ko naman ito ibubuhos hanggang sa mamatay sila. 26 Parurusahan ko sila katulad ng ginawa ko sa mga taga-Midian sa Bato ng Oreb at sa mga Egipcio nang nilunod ko sila sa dagat. 27 Sa araw na iyon, palalayain ko kayo mula sa kapangyarihan ng Asiria. Para kayong natanggalan ng mabigat na pasanin sa mga balikat nʼyo at ng pamatok na nagpapabigat sa leeg ninyo. Lalaya kayo mula sa kapangyarihan nila dahil magiging makapangyarihan kayo.”[f]
Sumalakay ang Asiria
28 Nilusob ng Asiria ang Ayat. Doon sila dumaan sa Migron at iniwan nila sa Micmash ang mga dala nila. 29 Dumaan sila sa tawiran, at doon natulog sa Geba. Natakot ang mga taga-Rama, at tumakas ang mga mamamayan ng Gibea na bayan ni Haring Saul. 30 Sumigaw kayong mga taga-Galim! Makinig kayong mga taga-Laish at kayong mga kawawang taga-Anatot. 31 Tumakas na ang mga mamamayan ng Madmena at Gebim. 32 Sa araw na ito, darating ang mga taga-Asiria sa Nob. At sesenyas sila na salakayin ang bundok ng Jerusalem, ang Bundok ng Zion. 33 Makinig kayo! Ang Panginoong Makapangyarihan ang wawasak sa mga taga-Asiria sa pamamagitan ng kahanga-hanga niyang kapangyarihan, na parang pumuputol ng mga sanga sa puno. Ibabagsak niya ang mga mapagmataas katulad ng pagputol ng matataas na punongkahoy. 34 Pababagsakin niya sila katulad ng pagputol ng mga puno sa kagubatan sa pamamagitan ng palakol. Silang mga katulad ng puno sa Lebanon ay pababagsakin ng Makapangyarihang Dios.
Ang Plano ng Dios sa mga Hindi Judio
3 Akong si Pablo ay nabilanggo dahil sa paglilingkod ko kay Cristo sa pamamagitan ng pagtuturo na kayong mga hindi Judio ay kasama rin sa mga pagpapala ng Dios. 2 Siguradong nabalitaan nʼyo na dahil sa biyaya ng Dios, ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapahayag ng biyaya niya para sa inyo. 3 Gaya ng nabanggit ko sa sulat na ito,[a] ang Dios mismo ang nagpahayag sa akin tungkol sa kanyang lihim na plano para sa inyo. 4 Habang binabasa nʼyo ang sulat kong ito,[b] malalaman nʼyo ang pagkakaunawa ko tungkol sa lihim na plano ng Dios para sa inyo sa pamamagitan ni Cristo. 5 Hindi inihayag ng Dios ang planong ito sa mga tao noon, pero ipinahayag na niya ngayon sa mga banal[c] na apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 6 At ito nga ang plano ng Dios: na sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga hindi Judio ay tatanggap ng mga pangako ng Dios kasama ng mga Judio, at magiging bahagi rin sila ng iisang katawan dahil sa pakikipag-isa nila kay Cristo Jesus.
7 Dahil sa biyaya ng Dios, naging tagapangaral ako ng Magandang Balitang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niya. 8 Kahit ako ang pinakahamak sa lahat ng mga mananampalataya,[d] ipinagkaloob pa rin sa akin ng Dios ang pribilehiyong ipangaral sa mga hindi Judio ang hindi masukat na biyayang galing kay Cristo, 9 at ipaliwanag sa lahat kung paano maisasakatuparan ang plano ng Dios. Noong unaʼy inilihim ito ng Dios na lumikha ng lahat ng bagay, 10 para sa pamamagitan ng iglesya ay maipahayag ngayon sa mga namumuno at may kapangyarihan sa kalangitan ang karunungan niyang nahahayag sa ibaʼt ibang paraan. 11 Ito na ang plano niya sa simula pa lang, at natupad niya ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na Panginoon natin. 12 Sa pananampalataya natin kay Cristo Jesus at pakikipag-isa sa kanya, tayo ngayon ay malaya nang makakalapit sa Dios nang walang takot o pag-aalinlangan. 13 Kaya huwag sana kayong panghinaan ng loob dahil sa mga paghihirap na dinaranas ko, dahil para ito sa ikabubuti[e] ninyo.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Tuwing naaalala ko ang plano ng Dios, lumuluhod ako sa pagsamba sa kanya. 15 Siya ang Ama ng mga nasa langit at nasa lupa na itinuturing niya na kanyang buong pamilya. 16 Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espiritwal nʼyong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu 17 para manahan si Cristo sa mga puso nʼyo dahil sa inyong pananampalataya. Ipinapanalangin ko rin na maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Dios, 18-19 para maunawaan nʼyo at ng iba pang mga pinabanal[f] kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin. Maranasan nʼyo sana ito, kahit hindi ito lubusang maunawaan, para maging ganap sa inyo ang katangian ng Dios. 20 Purihin natin ang Dios na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin. 21 Purihin natin siya magpakailanman dahil sa mga ginawa niya para sa iglesya na nakay Cristo Jesus. Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®