Old/New Testament
Lalaki
4 Napakaganda mo, O irog ko. Ang mga mata mong natatakpan ng belo ay parang mga mata ng kalapati. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na pababa sa Bundok ng Gilead. 2 Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng tupang bagong gupit at pinaliguan. Buong-buo at maganda ang pagkakahanay. 3 Ang mga labi moʼy parang pulang laso, tunay ngang napakaganda. Ang mga pisngi mong natatakpan ng beloʼy mamula-mula na parang bunga ng pomegranata. 4 Ang leeg moʼy kasingganda ng tore ni David. Napapalamutian ng kwintas na tila isang libong kalasag ng mga kawal. 5 Ang dibdib moʼy kasing tikas ng tindig ng kambal na batang usa na nanginginain sa gitna ng mga liryo. 6 Bago magbukang-liwayway at bago mawala ang dilim, mananatili ako sa dibdib mong tila mga bundok na pinabango ng mira at insenso. 7 O irog ko, ang lahat sa iyoʼy maganda. Walang maipipintas sa iyo.
8 O aking magiging kabiyak, sumama ka sa akin mula sa Lebanon. Bumaba tayo mula sa tuktok ng mga bundok ng Amana, Senir at Hermon, na tinitirhan ng mga leopardo at leon. 9 O irog ko na aking magiging kabiyak, sa isang sulyap mo lamang at sa pang-akit ng iyong kwintas na napapalamutian ng iisang bato ay nabihag mo na ang aking puso. 10 Ang pag-ibig mo aking irog ay walang kasingtamis. O aking magiging kabiyak, higit pa ito kaysa sa masarap na inumin. Ang samyo ng iyong pabangoʼy mas mabango kaysa sa lahat ng pabango. 11 Ang mga labi mo, aking magiging kabiyak ay kasintamis ng pulot. Ang dila moʼy tila may gatas at pulot. At ang damit moʼy kasimbango ng mga puno ng sedro sa Lebanon. 12 O irog ko, aking magiging kabiyak, tulad ka ng isang halamanan na may bukal at nababakuran. 13 Ang mga punoʼy namumunga ng pomegranata at iba pang mga piling bunga. Sagana ito sa halamang henna, nardo, 14 safron, kalamo at sinamon, maging ng ibaʼt ibang klase ng insenso, mira, aloe at iba pang mamahaling pabango. 15 Tulad ka ng isang hardin na may bukal na umaagos mula sa mga kabundukan ng Lebanon.
Babae
16 Kayong hanging amihan at habagat, umihip kayo sa aking hardin upang kumalat ang bango nito. Papuntahin ang aking mahal sa kanyang hardin upang kainin ang mga piling bunga nito.
Lalaki
5 Nasa hardin ako ngayon, aking irog na magiging kabiyak ko. Nanguha ako ng mira at mga pabango. Kinain ko ang aking pulot at ininom ang aking alak at gatas.
Mga Babae ng Jerusalem
Kayong mga nagmamahalan, kumain kayo at uminom.
Babae
2 Habang akoʼy natutulog, nanaginip ako. Narinig kong kumakatok ang mahal ko. Ang sabi niya, “Papasukin mo ako, irog ko. Basang-basa na ng hamog ang ulo ko.” 3 Pero sinabi ko, “Hinubad ko na ang aking damit, isusuot ko pa ba itong muli? Hinugasan ko na ang aking mga paa, dudumihan ko pa ba itong muli?” 4 Nang hawakan ng aking mahal ang susian ng pinto, biglang tumibok ng mabilis ang aking puso. 5 Bumangon ako upang siyaʼy papasukin. At nang hawakan ko ang susian ng pinto tumulo ang mira sa kamay ko. 6 Binuksan ko ang pinto para sa aking mahal, pero wala na siya. Hinanap ko siya, pero hindi ko siya makita. Tinawag ko siya, pero walang sumagot. 7 Nakita ako ng mga guwardya na naglilibot sa lungsod. Pinalo nila ako, at akoʼy nasugatan. Kinuha[a] pa nila ang aking damit. 8 Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo sa akin! Kapag nakita ninyo ang aking mahal, sabihin ninyo sa kanyang nanghihina ako dahil sa pag-ibig.
Mga Babae ng Jerusalem
9 O babaeng pinakamaganda, ano bang mayroon sa iyong minamahal na wala sa iba, at kami ay iyong pinasusumpa pa? Siya baʼy talagang nakakahigit sa iba?
Babae
10 Ang aking mahal ay makisig at mamula-mula ang kutis. Nag-iisa lamang siya sa sampung libong lalaki. 11 Mas mahal pa sa ginto ang kanyang ulo. Buhok niyaʼy medyo kulot at kasing-itim ng uwak. 12 Mga mata niyaʼy napakagandang pagmasdan, tulad ng mamahaling hiyas at tulad ng mata ng mga kalapati, na kasingputi ng gatas, sa tabi ng batis. 13 Mga pisngi niyaʼy kasimbango ng harding puno ng halamang ginagawang pabango. At ang mga labi niyaʼy parang mga liryo na dinadaluyan ng mira. 14 Mga bisig niyaʼy tila mahahabang bareta ng ginto na napapalamutian ng mamahaling bato. Katawaʼy tila pangil ng elepante, makinang at napapalamutian ng mga batong safiro. 15 Mga paa niyaʼy tulad ng mga haliging marmol na nakatayo sa pundasyong ginto. Napakaganda niyang pagmasdan, tulad ng mga puno ng sedro sa Lebanon. 16 Kay tamis halikan ang kanyang bibig. Tunay ngang siyaʼy kaakit-akit. O mga babae ng Jerusalem, siya ang aking mahal, ang aking iniibig.
Ang Pagsunod sa Kautusan at ang Pananampalataya kay Cristo
3 Ano ba naman kayong mga taga-Galacia! Hindi ba kayo makaintindi? Bakit kayo naniniwala sa mga nanlilinlang sa inyo? Hindi baʼt malinaw na ipinangaral ko sa inyo ang kahulugan ng pagkamatay ni Cristo sa krus? 2 Ito ngayon ang gusto kong itanong sa inyo: Tinanggap nʼyo ba ang Banal na Espiritu dahil sa pagsunod sa Kautusan, o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan nʼyo? 3 Talagang hindi nga kayo makaintindi! Nagsimula kayo bilang mananampalataya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, bakit ngayon pinipilit ninyong magpakabanal sa pamamagitan ng sarili nʼyong pagsisikap? 4 Wala na bang halaga sa inyo ang naranasan ninyo? Mawawalan na lang ba ito ng kabuluhan? 5 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ng Dios ang kanyang Espiritu, at sa pamamagitan niyaʼy gumagawa kayo ng mga himala? Tinanggap nʼyo ba ito dahil sa pagsunod sa Kautusan o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan ninyo?
6 Tingnan nʼyo ang nangyari kay Abraham. Ayon sa Kasulatan, “Sumampalataya siya sa Dios, kaya itinuring siyang matuwid.”[a] 7 Malinaw na ang mga sumasampalataya sa Dios ang siyang mga tunay na anak ni Abraham. 8 Noon pa man, sinasabi na sa Kasulatan na ituturing na matuwid ng Dios ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng pananampalataya nila. At ang Magandang Balitang itoʼy ipinahayag ng Dios kay Abraham nang sabihin niya, “Pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa pamamagitan mo.”[b] 9 Sumampalataya si Abraham sa Dios at pinagpala siya. Kaya lahat ng sumasampalataya sa Dios ay pinagpapala rin tulad ni Abraham.
10 Ngunit ang lahat ng umaasang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ay isinumpa na ng Dios. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Isinusumpa ang sinumang hindi sumusunod sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan.”[c] 11 Malinaw na walang taong ituturing na matuwid sa harap ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan dahil sinasabi sa Kasulatan, “Ang taong itinuring na matuwid ng Dios dahil sa pananampalataya niya ay mabubuhay.”[d] 12 Ang Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ang nagnanais mabuhay sa pamamagitan ng Kautusan ay kailangang sumunod sa lahat ng iniuutos nito.”[e] 13 Ngunit hindi natin masunod ang lahat ng iniuutos ng Kautusan, kaya sinumpa tayo ng Dios. Pero ngayon, tinubos na tayo ni Cristo sa sumpang ito. Sinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang sinumang binitay sa puno.”[f] 14 Ginawa ito ng Dios para ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham ay matanggap din ng mga hindi Judio sa pamamagitan ni Cristo Jesus; at para matanggap natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang Kautusan at ang Pangako ng Dios
15 Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din naman sa mga pangako ng Dios. 16 Ngayon, nangako ang Dios kay Abraham at sa kanyang salinlahi. Hindi niya sinabi, “sa mga apo[g] mo,” na nangangahulugang marami, kundi “sa apo mo,” na ang ibig sabihin ay iisa, at itoʼy walang iba kundi si Cristo. 17 Ito ang ibig kong sabihin: May kasunduang ginawa ang Dios kay Abraham, at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang pangakong ito ay ibinigay niya 430 taon bago dumating ang Kautusan. Kaya ang pangakong iyon ay hindi mapapawalang-bisa o mapapawalang-saysay ng Kautusan. 18 Sapagkat kung matatanggap natin ang pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, walang kabuluhan ang pangako ng Dios kay Abraham. Ngunit ang totoo, ibinigay ng Dios ang pagpapala bilang pagtupad sa pangako niya.
19 Kung ganoon, ano ba ang silbi ng Kautusan? Ibinigay ito para malaman ng tao na nagkakasala sila. Ngunit itoʼy hanggang sa dumating lamang ang ipinangakong apo ni Abraham. Ibinigay ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, at sila ang nagbigay nito sa mga tao sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit ang pangako ay hindi tulad nito. Dahil nang ibigay ito ng Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng tagapamagitan o mga anghel kundi siya mismo.
21 Kung ganoon, taliwas ba ang Kautusan sa mga pangako ng Dios? Hindi! Sapagkat kung ang Kautusan ay makapagbibigay-buhay, ito na sana ang naging paraan ng Dios para ituring tayong matuwid. 22 Ngunit sinasabi ng Kautusan na ang buong mundo ay alipin ng kasalanan. Kaya ang mga sumasampalataya lamang kay Jesu-Cristo ang makakatanggap ng mga ipinangako ng Dios.
23 Noong hindi pa dumarating itong tinatawag na pananampalataya kay Cristo, para tayong mga bilanggo. Binilanggo tayo ng kautusan hanggang sa araw na inihayag ang kaligtasan natin sa pamamagitan ng pananampalataya. 24 Ang Kautusan ay naging tagapag-alaga natin hanggang sa dumating si Cristo, para sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya ay maituring tayong matuwid. 25 At ngayong may pananampalataya na, wala na tayo sa patnubay ng Kautusan na tagapag-alaga.
Mga Anak ng Dios sa Pananampalataya
26 Kayong lahat ay mga anak ng Dios dahil sa pananampalataya ninyo kay Cristo Jesus. 27 Sapagkat binautismuhan kayo sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo[h] at namumuhay kayong katulad niya. 28 Ngayon, wala nang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio, ang alipin sa malaya, ang lalaki sa babae. Kayong lahat ay iisa na dahil kayoʼy nakay Cristo na. 29 At dahil kayoʼy kay Cristo na, kabilang na kayo sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ng mga ipinangako ng Dios sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®