Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Mangangaral 1-3

Walang Kabuluhan ang Lahat

Ito ang sinabi ng mangangaral[a] na anak ni David na hari ng Jerusalem:

Walang kabuluhan! Walang kabuluhan ang lahat! Ano ang pakinabang ng tao sa pagpapakahirap niyang magtrabaho sa mundong ito? Lumilipas ang isang henerasyon at napapalitan, pero ang mundo ay hindi nagbabago. Sumisikat ang araw at pagkatapos ay lumulubog; pabalik-balik lang sa kanyang pinanggalingan. Umiihip ang hangin sa timog at pagkatapos ay iihip naman sa hilaga. Paikot-ikot lang ito at pabalik-balik. Lahat ng ilog ay umaagos sa dagat, pero hindi naman napupuno ang dagat kahit na patuloy ang pag-agos ng ilog. Ang lahat ng itoʼy nakakabagot at ayaw na ngang pag-usapan. Hindi nagsasawa ang mga mata natin sa katitingin at ang mga tainga natin sa pakikinig. Ang mga nangyari noon, nangyayari ulit ngayon. Ang mga ginawa noon, ginagawa ulit ngayon. Walang nangyayaring bago sa mundo. 10 May mga bagay pa ba na masasabi mong bago? Nariyan na iyan noon pa, kahit noong hindi pa tayo ipinapanganak. 11 Hindi na natin naaalala ang mga nangyari noon; ganoon din sa hinaharap, hindi rin ito maaalala ng mga tao sa bandang huli.

Ang Karunungan ng Tao ay Walang Kabuluhan

12 Ako na isang mangangaral ay naging hari ng Israel. Tumira ako sa Jerusalem. 13 Sa aking karunungan, pinag-aralan kong mabuti ang lahat ng nangyayari rito sa mundo. At nakita kong napakahirap ng gawaing ibinigay ng Dios sa mga tao. 14 Nakita kong walang kabuluhan ang lahat ng ginagawa ng tao rito sa mundo. Para kang humahabol sa hangin. 15 Ang baluktot ay hindi mo maitutuwid at ang wala ay hindi mo maibibilang.

16 Sinabi ko sa aking sarili, “Mas marunong ako kaysa sa lahat ng naging hari sa Jerusalem. Marami akong alam.” 17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at kamangmangan, pero nakita kong wala rin itong kabuluhan. Para kang humahabol sa hangin. 18 Dahil habang nadadagdagan ang kaalaman ko, nadadagdagan din ang aking kalungkutan.

Ang Kasayahan ay Walang Kabuluhan

Sinubukan kong magpakasaya sa mga layaw ng buhay. Pero nakita kong wala rin itong kabuluhan. Kamangmangan ang sobrang pagtawa at ang pagpapakasaya ay wala ring kabuluhan. Sinubukan kong magpakasaya sa pag-inom ng alak. Kahit na marunong ako, sinubukan kong gumawa ng kamangmangan. Naisip ko lang na baka iyon ang pinakamabuting gawin ng tao sa maikling buhay niya dito sa mundo.

Gumawa ako ng mga dakilang bagay: Nagpagawa ako ng mga bahay at nagtanim ng mga ubas. Nagpagawa ako ng mga taniman at pinataniman ko ito ng sari-saring puno na namumunga. Nagpagawa ako ng mga imbakan ng tubig para patubigan ang mga pananim. Bumili ako ng mga lalaki at babaeng alipin, at may mga alipin din ako na ipinanganak sa aking bahay. At ako ang may pinakamaraming kawan ng hayop sa lahat ng naging mamamayan ng Jerusalem. Nakaipon ako ng napakaraming ginto, pilak at iba pang mga kayamanang galing sa mga hari at mga lugar na aking nasasakupan. Marami akong mang-aawit, lalaki man o babae at marami rin akong mga asawa[b] – ang kaligayahan ng isang lalaki. Ako ang pinakamayaman at pinakamarunong na taong nabuhay sa buong Jerusalem.

10 Nakukuha ko ang lahat ng magustuhan ko. Ginawa ko ang lahat ng inakala kong makapagpapaligaya sa akin. Nasiyahan ako sa lahat ng pinaghirapan ko. Ito ang gantimpala sa lahat ng pagsusumikap ko. 11 Pero nang isipin kong mabuti ang lahat ng ginawa at pinaghirapan ko, naisip ko na walang kabuluhan ang lahat ng pinagsikapan ko rito sa mundo. 12 Ano pa ba ang magagawa ng susunod na hari? Ano pa nga ba, kundi iyong nagawa na rin noong una.

Ang Karunungan at Kamangmangan ay Walang Kabuluhan

Sinubukan ko ring ihambing ang karunungan at ang kamangmangan. 13 At nakita kong mas mabuti ang karunungan kaysa sa kamangmangan, gaya ng liwanag na mas mabuti kaysa sa kadiliman. 14 Alam ng marunong ang patutunguhan niya, ngunit ang hangal ay lumalakad sa kadiliman. Pero nalaman ko ring pareho lang silang mamamatay. 15 Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay sasapitin ko rin. Kaya anong kabutihan ang mapapala ng pagiging marunong ko? Wala talaga itong kabuluhan!” 16 Lahat tayo, marunong man o mangmang ay pare-parehong mamamatay at makakalimutan.

Walang Kabuluhan ang Pagsusumikap

17 Kaya kinamuhian ko ang buhay, dahil kahirapan ang dulot ng lahat ng ginagawa rito sa mundo. Ang lahat ng ito ay walang kabuluhan, para ka lang humahabol sa hangin. 18 Kinaiinisan ko ang lahat ng pinaghirapan ko dito sa mundo, dahil maiiwan ko lang ang mga ito sa susunod sa akin. 19 At sino ang nakakaalam kung marunong siya o mangmang? Maging ano man siya, siya pa rin ang magmamay-ari ng lahat ng pinaghirapan ko ng buong lakas at karunungan. Wala rin itong kabuluhan! 20 Kaya nanghinayang ako sa lahat ng pinaghirapan ko rito sa mundo. 21 Dahil kahit magsikap ka gamit ang buo mong talino, isip at kakayahan, iiwan mo rin ang lahat ng pinaghirapan mo sa taong hindi naghirap para sa mga bagay na ito. Ito man ay wala ring kabuluhan at hindi makatarungan. 22 Kaya ano ang makukuha ng tao sa lahat ng pagsusumikap niya rito sa mundo? 23 Lahat ng pinagsumikapan niya sa buong buhay niyaʼy makapagpapasama lang ng kanyang kalooban. Kaya kahit sa gabi ay hindi siya makatulog. Wala rin itong kabuluhan!

24 Ang pinakamagandang gawin ng tao ay kumain, uminom at pakinabangan ang mga pinaghirapan niya. Nalaman ko na galing ito sa Dios, 25 dahil paano natin makakain at mapapakinabangan ang mga pinaghirapan natin kung hindi ito ibibigay ng Dios? 26 Dahil ang taong nagbibigay-lugod sa Dios ay binibigyan niya ng karunungan, kaalaman at kagalakan. At ang makasalanan ay binibigyan ng Dios ng trabaho upang mag-ipon ng kayamanan para ibigay sa taong nagbibigay-lugod sa Dios. Kaya lahat ng pagsisikap ng makasalanan ay walang kabuluhan. Para siyang humahabol sa hangin.

May Kanya-kanyang Oras ang Lahat

May oras na nakatakda para sa lahat ng gawain dito sa mundo:
May oras ng pagsilang at may oras ng kamatayan;
    may oras ng pagtatanim at may oras ng pag-aani.
May oras ng pagpatay at may oras ng pagpapagaling;
    may oras ng pagsira at may oras ng pagpapatayo.
May oras ng pagluha at may oras ng pagtawa;
    may oras ng pagluluksa at may oras ng pagdiriwang.
May oras ng pagkakalat ng bato at may oras ng pagtitipon nito;
    may oras ng pagsasama[c] at may oras ng paghihiwalay.
May oras ng paghahanap at may oras ng paghinto ng paghahanap;
    may oras ng pagtatago at may oras ng pagtatapon.
May oras ng pagpunit at may oras ng pagtahi;
    may oras ng pagtahimik at may oras ng pagsasalita.
May oras ng pagmamahal at may oras ng pagkagalit;
    may oras ng digmaan at may oras ng kapayapaan.

Kung ang mga oras na ito ay itinakda na ng Dios, ano ngayon ang kabuluhan ng pagsisikap ng tao? 10 Nakita ko ang mga gawaing itinakda ng Dios para sa tao. 11 At lahat ng ito ay itinadhana ng Dios na mangyari sa takdang panahon. Binigyan niya tayo ng pagnanais na malaman ang hinaharap, pero hindi talaga natin mauunawaan ang mga ginawa niya mula noong simula hanggang wakas. 12 Naisip ko na walang pinakamabuting gawin ang tao kundi magsaya at gumawa ng mabuti habang nabubuhay. 13 Gusto ng Dios na kumain tayo, uminom at magpakasaya sa mga pinaghirapan natin dahil ang mga bagay na itoʼy regalo niya sa atin. 14 Alam kong ang lahat ng ginagawa ng Dios ay magpapatuloy magpakailanman at wala tayong maaaring idagdag o ibawas dito. Ginagawa ito ng Dios para magkaroon tayo ng paggalang sa kanya. 15 Ang mga nangyayari ngayon at ang mga mangyayari pa lang ay nangyari na noon. Inuulit lang ng Dios ang mga pangyayari.

16 Nakita ko rin na ang kasamaan ang naghahari rito sa mundo sa halip na katarungan at katuwiran. 17 Sinabi ko sa sarili ko, “Hahatulan ng Dios ang matutuwid at masasamang tao, dahil may itinakda siyang oras sa lahat ng bagay. 18 Sinusubok ng Dios ang mga tao para ipakita sa kanila na tulad sila ng mga hayop. 19 Ang kapalaran ng tao ay tulad ng sa hayop; pareho silang mamamatay. Pareho silang may hininga, kaya walang inilamang ang tao sa hayop. Talagang walang kabuluhan ang lahat! 20 Iisa lang ang patutunguhan ng lahat. Lahat ay nagmula sa lupa at sa lupa rin babalik. 21 Sino ang nakakaalam kung ang espiritu ng taoʼy umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa ilalim ng lupa?” 22 Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao ay magpakasaya sa pinaghirapan niya, dahil para sa kanya iyon. Walang sinumang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari kapag siya ay namatay.

2 Corinto 11:16-33

Ang mga Paghihirap ni Pablo Bilang Apostol

16 Inuulit ko, huwag ninyong isipin na isa akong hangal. Pero kung ganyan ang tingin ninyo sa akin, hindi na bale, basta hayaan ninyo akong magmalaki nang kahit kaunti. 17 Kung sa bagay, kung ipagmamalaki ko ang aking sarili, hindi ito galing sa Panginoon, at para akong hangal. 18 Pero dahil sa marami riyan ang nagmamalaki tulad ng mga taong makamundo, magmamalaki rin ako. 19 Sinasabi ninyong matatalino kayo, pero hinahayaan lamang ninyong diktahan kayo ng mga hangal. 20 Sa katunayan, hinahayaan lang ninyo na alipinin kayo, agawan ng mga ari-arian, pagsamantalahan, pagmataasan, at hamakin. 21 Nakakahiya mang aminin na mahihina kami, pero hindi namin kayang gawin ang mga iyan!

Kung may magmamalaki riyan, magmamalaki rin ako, kahit na magmukha akong hangal sa sinasabi ko. 22 Ipinagmamalaki ba nilang silaʼy mga Judio, mga Israelita, at kabilang sa lahi ni Abraham? Ako rin! 23 Sila baʼy mga lingkod ni Cristo? Alam kong para na akong baliw sa sinasabi ko, pero ako rin ay lingkod ni Cristo, at higit pa nga kaysa sa kanila! Dahil higit akong nagpakahirap kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nakulong, nahagupit, at nalagay sa bingit ng kamatayan. 24 Limang beses akong tumanggap ng 39 na hagupit sa kapwa ko mga Judio. 25 Tatlong beses akong pinaghahampas ng mga sundalong Romano. Minsan na rin akong pinagbabato ng mga Judio. Tatlong beses kong naranasan na lumubog ang sinasakyang barko, at minsaʼy buong araw at gabi akong palutang-lutang sa dagat. 26 Sa aking paglalakbay sa ibaʼt ibang lugar, nalagay ako sa panganib: sa pagtawid sa mga ilog, sa mga tulisan, sa kapwa ko mga Judio, sa mga hindi Judio, sa mga lungsod, sa mga ilang, sa dagat, at sa mga taong nagpapanggap na mga kapatid kay Cristo.

27 Naranasan ko rin ang sobrang hirap at pagod, at kawalan ng tulog. Naranasan ko ang magutom, mauhaw, kadalasaʼy walang makain, at naranasan kong ginawin dahil sa kakulangan ng maisusuot. 28 Maliban sa iba pang mga karanasan na hindi ko nabanggit, inaalala ko pa araw-araw ang kalagayan ng lahat na iglesya. 29 Kung may nanghihina sa pananampalataya, nalulungkot ako. At kung may nagkakasala, naghihirap ang kalooban ko.

30 Kung kailangan kong magmalaki, ang ipagmamalaki ko ay ang aking mga kahinaan. 31 Hindi ako nagsisinungaling, at alam iyan ng Dios at Ama ng ating Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! 32 Noong akoʼy nasa lungsod ng Damascus, pinabantayan ng gobernador na sakop ni Haring Aretas ang pintuan ng lungsod para dakpin ako. 33 Ngunit inilagay ako ng aking mga kasama sa isang kaing at ibinaba sa labas ng pader ng lungsod, kaya nakatakas ako.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®