Old/New Testament
Ang mga Kawikaan ni Agur
30 Ito ang mga kawikaan ni Agur na anak ni Jakeh na taga-Masa. Sinabi niya ito kina Itiel at Ucal:
2 “Ako ang pinakamangmang sa lahat ng tao.
Ang isip koʼy parang hindi sa tao.
3 Hindi ako natuto ng karunungan,
at tungkol naman sa Dios ay wala akong nalalaman.
4 May tao bang nakaakyat na sa langit at bumaba sa mundo?
May tao bang nakadakot ng hangin sa kanyang mga kamay o kaya ay nakabalot ng tubig sa kanyang damit?
May tao bang nakapaglagay ng hangganan sa mundo?
Kung may kilala ka, sabihin mo sa akin ang kanyang pangalan at ang pangalan ng kanyang anak.
5 Ang bawat salita ng Dios ay tunay na mapagkakatiwalaan.
Siya ay tulad ng panangga sa mga umaasa ng kanyang pag-iingat.
6 Huwag mong dadagdagan ang kanyang mga salita,
dahil kung gagawin mo ito, sasawayin ka niya at ipapakita na ikaw ay sinungaling.”
7 Panginoon, may dalawang bagay akong hihilingin sa inyo. Kung maaari ibigay nʼyo ito sa akin bago ako mamatay. 8 Una, tulungan nʼyo ako na huwag magsinungaling. Pangalawa, huwag nʼyo akong payamanin o pahirapin, sa halip bigyan nʼyo lamang ako ng sapat para sa aking mga pangangailangan. 9 Dahil kung yumaman ako, baka sabihin kong hindi ko na kayo kailangan; at kung ako naman ay maghirap, baka matuto akong magnakaw at mailagay ko kayo sa kahihiyan.
Dagdag pang mga Kawikaan
10 Huwag mong sisiraan ang katulong sa harap ng kanyang amo, baka isumpa ka niya at magdusa ka.
11 May mga anak na hindi nananalangin sa Dios na pagpalain ang kanilang mga magulang, sa halip sinusumpa pa nila sila.
12 May mga tao na ang tingin sa sarili ay tunay na perpekto, ngunit ang totoo ang buhay nila ay madumi.
13 May mga taong mapagmataas na kung tumingin akala mo kung sino.
14 May mga tao namang sakim at napakalupit, pati mahihirap ay kanilang ginigipit.
15 Ang mga taong sakim ay parang linta. Ang laging sinasabi ay, “Bigyan mo ako!”
May apat[a] na bagay na hindi kontento:
16 ang libingan,
ang babaeng baog,
ang lupang walang tubig,
at ang apoy.
17 Ang anak na kumukutya at sumusuway sa kanyang magulang ay tutukain ng uwak sa mga mata, at kakainin ng mga agila ang bangkay niya. 18 May apat[b] na bagay na para sa akin ay kahanga-hanga at hindi ko maunawaan:
19 Kung paano nakakalipad ang agila sa kalangitan,
kung paano nakakagapang ang ahas sa batuhan,
kung paano nakapaglalayag ang barko sa karagatan,
at ang pamamaraan ng lalaki sa babae.
20 Ganito ang ginagawa ng babaeng nagtataksil sa kanyang asawa: Sumisiping siya sa ibang lalaki pagkatapos sasabihin niyang wala siyang ginagawang masama.
21 May apat[c] na bagay na hindi matanggap ng mga tao sa mundo:
22-23 Ang aliping naging hari,
ang mangmang na sagana sa pagkain,
ang babaeng masungit na nakapag-asawa,
at ang babaeng alipin na pumalit sa kanyang amo.
24 May apat na hayop dito sa mundo na maliit ngunit may pambihirang kaisipan:
25 Ang mga langgam, kahit mahina, nag-iipon sila ng pagkain kung tag-araw.
26 Ang mga badyer,[d] kahit mahihina sila, nakagagawa sila ng kanilang tirahan sa mabatong lugar.
27 Ang mga balang, kahit walang namumuno, maayos na lumilipad nang sama-sama.
28 Ang mga butiki, kahit madaling hulihin ng kamay, matatagpuan kahit sa palasyo ng hari.
29 May apat[e] na nilalang na akala mo kung sino kapag lumakad:
30 ang leon (pinakamatapang sa lahat ng hayop at walang kinatatakutan),
31 ang tandang,
ang lalaking kambing,
at ang haring nangunguna sa kanyang mga kawal.
32 Kung sa kahangalan moʼy nagmamayabang ka at nagbabalak ng masama, tigilan mo na iyan! 33 Hindi ba kapag hinalo nang hinalo ang malapot na gatas ay magiging mantikilya?[f] Hindi ba kapag sinuntok mo ang ilong ng isang tao ay magdurugo ito? Kaya kapag ginalit mo ang tao tiyak na magkakaroon ng gulo.
Ang mga Kawikaan ni Haring Lemuel
31 Ito ang mga kawikaan ni Haring Lemuel na taga-Masa. Ito ang mga itinuro sa kanya ng kanyang ina:
2 Anak, ipinanganak ka bilang sagot sa aking mga panalangin.
3 Huwag mong sasayangin ang iyong lakas at pera sa mga babae, sapagkat sila ang dahilan kung bakit napapahamak ang mga hari.
4 Lemuel, hindi dapat uminom ng alak ang isang hari. Ang mga namumuno ay hindi dapat maghangad ng inumin na nakalalasing.
5 Sapagkat kapag nalasing na sila, kadalasan ay nakakalimutan na nila ang kanilang tungkulin, at hindi nila nabibigyan ng katarungan ang mga nasa kagipitan.
6-7 Hayaan mong mag-inom ang mga taong nawalan na ng pag-asa[g] at naghihirap ang kalooban, upang makalimutan nila ang kanilang mga kasawian at kahirapan.
8 Ipagtanggol mo ang karapatan ng mga taong kahabag-habag, na hindi maipagtanggol ang kanilang mga sarili.
9 Humatol ka ng walang kinikilingan, at ipagtanggol ang karapatan ng mga mahihirap at nangangailangan.
Ang Mabuting Asawa
10 Mahirap hanapin ang mabuting asawa. Higit pa sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
11 Lubos ang tiwala sa kanya ng kanyang asawa, at wala na itong mahihiling pa sa kanya.
12 Kabutihan at hindi kasamaan ang ginagawa niya sa kanyang asawa habang siya ay nabubuhay.
13 Masigasig siyang humahabi ng mga telang linen at lana.
14 Tulad siya ng barko ng mga mangangalakal; nagdadala siya ng mga pagkain kahit galing pa siya sa malayong lugar.
15 Maaga siyang gumigising upang ipaghanda ng pagkain ang kanyang pamilya, at upang sabihan ang mga babaeng katulong ng mga dapat nilang gawin.
16 Marunong siyang pumili ng lupa na kanyang bibilhin. At mula sa kanyang sariling ipon, pinapataniman niya ito ng ubas.
17 Malakas, masipag at mabilis siyang gumawa.
18 Magaling siyang magnegosyo, at matiyagang nagtatrabaho hanggang gabi.
19 Siya rin ang gumagawa ng mga tela upang gawing damit.
20 Matulungin siya sa mahihirap at mga nangangailangan.
21 Hindi siya nag-aalala, dumating man ang taglamig, dahil may makakapal siyang tela para sa kanyang pamilya.
22 Siya na rin ang gumagawa ng mga kobre-kama, at ang kanyang mga damit ay mamahalin at magaganda.
23 Kilala ang asawa niya bilang isa sa mga tagapamahala ng bayan.
24 Gumagawa rin siya ng damit at sinturon, at ipinagbibili sa mga mangangalakal.
25 Malakas at iginagalang siya, at hindi siya nangangamba para sa kinabukasan.
26 Nagsasalita siya nang may karunungan, at nagtuturo nang may kabutihan.
27 Masipag siya, at inaalagaang mabuti ang kanyang pamilya.
28 Pinupuri siya ng kanyang mga anak, at pinupuri rin ng kanyang kabiyak na nagsasabi, 29 “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit ikaw ang pinakamabuti sa kanilang lahat.”
30 Ang pagiging kaakit-akit ay makapandaraya, at ang kagandahan ay kumukupas. Pero ang babaeng may takot sa Panginoon ay dapat purihin.
31 Dapat siyang gantimpalaan sa kanyang ginawang kabutihan at parangalan sa karamihan.
Si Pablo at ang mga Nagkukunwaring Apostol
11 Ipagpaumanhin ninyo kung ngayon ay magsalita ako na parang hangal. 2 Makadios na pagseselos kasi ang nararamdaman ko para sa inyo. Sapagkat tulad kayo ng isang dalagang birhen na ipinangako kong ipapakasal sa isang lalaki, si Cristo. 3 Pero nag-aalala ako na baka malinlang kayo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas, at mawala ang inyong taos-pusong hangaring sumunod kay Cristo. 4 Sapagkat madali kayong napapaniwala ng kahit sinong dumarating diyan na nangangaral ng ibang Jesus kaysa sa aming ipinangaral sa inyo. At tinatanggap din ninyo ang ibang uri ng espiritu at ang kanilang sinasabing magandang balita na iba kaysa sa inyong tinanggap sa amin.
5 Sa tingin ko, hindi naman ako huli sa mga nagsasabi riyan na magagaling daw sila na mga apostol. 6 Maaaring hindi ako magaling magsalita pero sapat naman ang karunungan ko sa katotohanan. At iyan ay naipakita namin sa inyo sa lahat ng aming pagtuturo.
7 Hindi ako humingi ng bayad nang ipangaral ko sa inyo ang Magandang Balita mula sa Dios, kundi nagtrabaho ako para matulungan ko kayo sa inyong buhay espiritwal. Masama ba ang ginawa kong ito? 8 Tumanggap ako ng tulong mula sa ibang iglesya noong akoʼy naglilingkod sa inyo. Parang ninakawan ko sila, matulungan lamang kayo. 9 At noong kinapos ako sa aking mga pangangailangan habang kasama ninyo, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo. Ang ating mga kapatid na dumating mula sa Macedonia ang nagbigay ng aking mga pangangailangan. Iniwasan kong maging pabigat sa inyo at iyan ang palagi kong gagawin. 10 Hindi ako titigil sa pagmamalaki sa lahat ng lugar sa Acaya na hindi ako naging pabigat sa inyo. Totoo ang sinasabi kong ito dahil nasa akin si Cristo. 11 Pero baka isipin ninyo na kaya hindi ako humihingi ng tulong sa inyo ay dahil sa hindi ko na kayo mahal. Hindi totoo iyan. Alam ng Dios na mahal na mahal ko kayo!
12 Pero patuloy kong paninindigan ang sinasabi ko ngayon na hindi ako hihingi ng tulong sa inyo, para hindi masabi ng mga nagpapakaapostol na silaʼy katulad namin kung maglingkod. 13 Sapagkat ang mga taong iyan ay hindi naman mga tunay na apostol, kundi mga manlilinlang at nagpapanggap lang na mga apostol ni Cristo. 14 At hindi naman iyan nakapagtataka, dahil maging si Satanas ay nagkukunwaring anghel ng Dios na nagbibigay-liwanag. 15 Kaya hindi rin nakapagtataka na ang kanyang mga alagad ay magkunwari ding mga alagad ng katuwiran. Pero darating ang araw na parurusahan sila sa lahat ng kanilang mga ginagawa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®