Old/New Testament
Iba pang mga Kawikaan ni Solomon
25 Narito pa ang ilang kawikaan ni Solomon na kinopya ng mga tauhan ni Haring Hezekia ng Juda.
2 Pinararangalan natin ang Dios dahil sa mga bagay na hindi niya ipinapahayag sa atin; pero pinararangalan natin ang mga hari dahil sa mga bagay na ipinapahayag nila sa atin.
3 Kung paanong hindi masukat ang lalim ng lupa at ang taas ng kalangitan, ganoon din ang isipan ng mga hari, hindi malaman.
4 Kailangang ang pilak ay maging dalisay muna bago ito magawa ng panday.
5 Kailangang alisin ang masasamang tauhan ng hari upang magpatuloy ang katuwiran sa kanyang kaharian.
6 Kung nasa harapan ka ng hari, huwag mong ibilang ang iyong sarili na parang kung sino ka o ihanay ang iyong sarili sa mararangal na tao.
7 Mas mabuti kung tawagin ka ng hari at paupuin sa hanay ng mararangal kaysa sabihin niyang umalis ka riyan at mapahiya ka sa kanilang harapan.
8 Huwag kang magpabigla-biglang magsabi sa korte ng iyong nakita. Kung mapatunayan ng isang saksi na mali ka, ano na lang ang gagawin mo?
9 Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, itoʼy inyong pag-usapan muna. At ang lihim ng bawat isa ay huwag sasabihin sa iba.
10 Baka makarating sa kaalaman ng madla at kayoʼy maging kahiya-hiya.
11 Kapag ang salitang binigkas ay angkop sa pagkakataon, itoʼy parang gintong mansanas na nakalagay sa isang lalagyang pilak.
12 Sa taong nakikinig, ang magandang payo ng marunong ay higit na mabuti kaysa sa mga gintong alahas.
13 Ang mapagkakatiwalaang sugo ay nagbibigay ng kasiyahan sa kanyang pinaglilingkuran, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-init.
14 Ang taong hindi tumutupad sa kanyang pangako ay parang ulap at hangin na walang dalang ulan.
15 Ang mapagpasensya at ang mahinahon magsalita ay makapanghihikayat ng mga pinuno at kahit na ng may matitigas na puso.
16 Huwag kang kakain ng labis na pulot at baka magsuka ka.
17 Huwag kang dadalaw ng madalas sa iyong kapitbahay, baka magalit siya at sa iyo ay magsawa.
18 Ang taong sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanyang kapwa ay nakakapinsala tulad ng espada, pamalo at pana.
19 Ang pagtitiwala sa taong hindi mapagkakatiwalaan sa oras ng pangangailangan ay walang kwenta tulad ng paang pilay o ngiping umuuga.
20 Kung aawitan mo ng masayang awitin ang taong nasa matinding kapighatian ay para mo na rin siyang hinubaran sa panahon ng taglamig o kayaʼy nilagyan mo ng suka ang kanyang sugat.
21 Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kapag nauuhaw, painumin mo.
22 Kapag ginawa mo ito mahihiya siya sa iyo at ang Panginoon ang magpapala sa iyo.
23 Kung paanong ang hanging habagat ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang naninira ng kapwa.
24 Mas mabuting tumira ng mag-isa sa bubungan ng bahay[a] kaysa sa loob ng bahay na kasama ang asawang palaaway.
25 Ang magandang balita mula sa malayong lugar ay parang malamig na tubig sa taong nauuhaw.
26 Ang matuwid na umaayon sa gawain ng masamang tao ay parang maruming balon at malabong bukal.
27 Kung paanong masama ang pagkain ng labis na pulot, ganoon din ang paghahangad ng sariling kapurihan.
28 Ang taong walang pagpipigil sa sarili ay madaling bumagsak gaya ng isang bayan na walang pader.
26 Kung paanong hindi bagay na mag-nyebe sa tag-araw at umulan sa panahon ng tag-ani, hindi rin bagay na papurihan ang taong hangal.
2 Ang sumpa ay hindi tatalab sa walang kasalanan. Tulad ito ng ibong hindi dumadapo at lilipad-lipad lamang.
3 Kailangan ang latigo para sa kabayo, bokado para sa asno, at pamalo para sa hangal na tao.
4 Huwag mong sagutin ang hangal kung nakikipag-usap siya sa iyo ng kahangalan, at baka matulad ka rin sa kanya.
5 Ngunit kung minsan, kailangang sagutin din siya, para malaman niya na hindi siya marunong tulad ng kanyang inaakala.
6 Kapag nagpadala ka ng mensahe sa pamamagitan ng isang mangmang, para mo na ring pinutol ang iyong mga paa, at para ka na ring gumawa ng sariling kapahamakan.
7 Ang pilay na paa ay walang kabuluhan, katulad ng kawikaan sa bibig ng hangal.
8 Ang isang papuri na sa hangal iniuukol ay parang batong nakatali sa tirador.
9 Ang kasabihang sinasabi ng hangal ay makapipinsala tulad ng matinik na kahoy na hawak ng lasing.
10 Kahangalan ang pumana ng kahit sino; gayon din ang pagkuha sa hangal o sa sinumang dumadaan upang upahan.
11 Inuulit ng hangal ang kanyang kahangalan, tulad ng asong binabalikan ang kanyang suka para kainin.
12 Mas mabuti pa ang hinaharap ng isang taong mangmang kaysa sa taong nagmamarunong.
13 Ang batugan ay hindi lumalabas ng tahanan, ang kanyang dahilan ay may leon sa lansangan.
14 Gaya ng pintuang pumipihit sa bisagra ang batugan na papihit-pihit sa kanyang kama.
15 May mga taong sobrang tamad na kahit ang kumain ay kinatatamaran.
16 Ang akala ng batugan mas marunong pa siya kaysa sa pitong tao na tamang mangatuwiran.
17 Mapanganib ang nanghihimasok sa gulo ng may gulo, ito ay tulad ng pagdakma sa tainga ng aso.
18-19 Ang taong nandaraya sa kanyang kapwa, at saka sasabihing nagbibiro lang siya ay tulad ng isang baliw na pumapana sa mga tao sa pamamagitan ng nakamamatay na palaso.
20 Namamatay ang apoy kung ubos na ang panggatong, natitigil ang away kung wala ng tsismisan.
21 Kung uling ang nagpapabaga at kahoy ang nagpapaliyab ng apoy, ang taong palaaway naman ang nagpapasimula ng gulo.
22 Ang tsismis ay parang pagkaing masarap nguyain at lunukin.
23 Maaaring itago ng magandang pananalita ang masamang isipan, tulad nito ay mumurahing banga na pininturahan ng pilak.
24 Maaaring ang kaaway ay magandang magsalita, ngunit ang nasa isip niya ay makapandaya.
25 Kahit masarap pakinggan ang kanyang pananalita ay huwag kang maniwala, sapagkat ang iniisip niya ay napakasama.
26 Maaaring ang galit ay kanyang maitago, ngunit malalantad din sa karamihan ang masama niyang gawa.
27 Ang humuhukay ng patibong para mahulog ang iba ay siya rin ang mahuhulog doon. Ang nagpapagulong ng malaking bato para magulungan ang iba ay siya rin ang magugulungan nito.
28 Ang sinungaling ay nagagalit sa nabiktima niya ng kasinungalingan, at ang taong nambobola ay ipapahamak ka.
9 Hindi ko na kinakailangang sumulat pa sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga pinabanal[a] ng Dios sa Judea, 2 dahil alam ko namang gustong-gusto ninyong tumulong. Ipinagmamalaki ko pa nga ito sa mga taga-Macedonia. Sinasabi ko sa kanila na mula pa noong nakaraang taon, kayong mga taga-Acaya ay handa ng magbigay ng tulong, at ito nga ang nagtulak sa karamihan sa kanila na magbigay din. 3 Kaya nga pinauna ko na riyan sina Tito, para matiyak na handa na kayo sa inyong tulong gaya ng ipinagmalaki ko sa mga taga-Macedonia. Sa ganoon, hindi nila masasabi na walang kwenta ang pagmamalaki namin tungkol sa inyo. 4 Sapagkat kung dumating ako riyan kasama ang ilang mga taga-Macedonia at makita nilang hindi pa pala kayo handa sa inyong ibibigay gaya ng sinabi ko sa kanila, mapapahiya ako at pati na rin kayo. 5 Kaya nga naisip kong paunahin ang mga kapatid na ito sa akin para habang hindi pa ako nakakarating ay malikom na ang inyong mga ipinangakong tulong. At sa ganitong paraan, makikita ng mga tao na kusang-loob ang inyong pagbibigay, at hindi dahil napilitan lamang.
6 Tandaan ninyo ito: Ang naghahasik ng kaunti ay umaani ng kaunti, at ang naghahasik ng marami ay umaani ng marami. 7 Ang bawat isa sa inyo ay magbigay nang ayon sa sariling kapasyahan, nang walang pag-aatubili, at hindi sapilitan, dahil mahal ng Dios ang mga nagbibigay nang may kagalakan. 8 At magagawa ng Dios na ibigay sa inyo ang higit pa sa inyong mga pangangailangan, para sa lahat ng panahon ay maging sapat kayo sa lahat ng bagay, at lagi ninyong matutulungan ang iba. 9 Gaya ng sinasabi sa Kasulatan,
“Namigay siya sa mga dukha;
kailanman ay hindi makakalimutan ang kanyang mabubuting gawa.”
10 Ang Dios na nagbibigay ng binhi sa magsasaka at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay ng inyong mga pangangailangan para lalo pa kayong makatulong sa iba. 11 Pasasaganain kayo ng Dios sa lahat ng bagay para lagi kayong makatulong sa iba. At marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa tulong na ipinapadala ninyo sa kanila sa pamamagitan namin.
12 Dahil sa inyong pagbibigay, hindi lamang ninyo tinutugunan ang pangangailangan ng mga mananampalataya[b] na nasa Judea, kundi magiging dahilan din ito para marami ang magpasalamat sa Dios. 13 Sapagkat pinatutunayan ninyo sa inyong pagtulong na sinusunod ninyo ang Magandang Balita tungkol kay Cristo na inyong pinaniniwalaan. At dahil sa pagtulong ninyo sa kanila at sa iba pa, papupurihan nila ang Dios. 14 Buong puso silang mananalangin para sa inyo dahil sa dakilang biyaya ng Dios na ipinamalas niya sa inyo. 15 Pasalamatan natin ang Dios sa kanyang kaloob na hindi natin kayang ipaliwanag.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®