Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Kawikaan 16-18

16 Nasa tao ang pagpaplano, ngunit ang Panginoon ang nagpapasya kung magaganap ito o hindi.
Inaakala natin na tama ang lahat ng ating ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang makakapaghusga kung ano talaga ang ating motibo.
Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong gagawin, at magtatagumpay ka.
Ang lahat ay nilikha ng Panginoon na mayroong layunin, kahit na nga ang masasama, itinalaga sila para sa kapahamakan.
Kinasusuklaman ng Panginoon ang mayayabang at tiyak na silaʼy parurusahan.
Kung minamahal natin ang Panginoon nang may katapatan, patatawarin niya ang ating mga kasalanan. Kung may takot tayo sa kanya nang may paggalang, makalalayo tayo sa kasamaan.
Kapag kinalulugdan ng Panginoon ang ating pamumuhay, kahit na ang ating kaaway ay gagawin niyang ating kaibigan.
Mas mabuti ang kaunting halaga na pinaghirapan, kaysa sa malaking kayamanang galing sa masamang paraan.
Ang tao ang nagpaplano, ngunit nasa Panginoon ang kaganapan nito.
10 Ang haring pinapatnubayan ng Panginoon, palaging tama ang paghatol.
11 Ayaw ng Panginoon ang dayaan sa kalakalan.
12 Sa mga hari ay kasuklam-suklam ang paggawa ng kasamaan, dahil magpapatuloy lamang ang kanilang pamamahala kung sila ay makatuwiran.
13 Nalulugod ang mga hari sa mga taong hindi nagsisinungaling; minamahal nila ang mga taong nagsasabi ng katotohanan.
14 Kapag ang hari ay nagalit maaaring may masawi, kaya sinisikap ng taong marunong na malugod ang hari.
15 Hindi pinapatay ng hari ang taong sa kanya ay kalugod-lugod; pinakikitaan niya ito ng kabutihan gaya ng ulan sa panahon ng tagsibol.
16 Higit na mabuti ang magkaroon ng karunungan at pang-unawa, kaysa sa magkaroon ng pilak at ginto.
17 Ang namumuhay nang matuwid ay lumalayo sa kasamaan, at ang nag-iingat ng kanyang sarili ay nalalayo sa kapahamakan.
18 Ang kayabangan ay humahantong sa kapahamakan, at ang nagmamataas ay ibabagsak.
19 Higit na mabuti ang mamuhay nang may pagpapakumbaba kasama ang mahihirap kaysa sa mamuhay kasama ng mayayabang at makibahagi sa kanilang pinagnakawan.
20 Ang taong nakikinig kapag tinuturuan ay uunlad, at ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay mapalad.
21 Ang marunong ay kinikilalang may pang-unawa, at kung siyaʼy magaling magsalita marami ang matututo sa kanya.
22 Kapag may karunungan ka, buhay moʼy bubuti at hahaba; ngunit kung hangal ka, parurusahan ka dahil sa iyong kahangalan.
23 Ang taong marunong ay nag-iingat sa kanyang mga sinasabi, kaya natututo ang iba sa kanya.
24 Ang matatamis na salita ay parang pulot-pukyutan, nakakapagpasaya at nakakapagpasigla ng katawan.
25 Maaaring iniisip mo na nasa tamang daan ka, ngunit ang dulo pala nito ay kamatayan.
26 Ang kagutuman ang nagtutulak sa tao na magtrabaho.
27 Ang taong masama ay nag-iisip ng kasamaan, at ang bawat sabihin niya ay parang apoy na nakakapaso.
28 Ang taong nanlilibak ng kapwa ay nagsisimula ng away, at ang matalik na magkaibigan ay kanyang pinaghihiwalay.
29 Ang taong nabubuhay sa karahasan ay nanghihikayat ng kanyang kapwa sa kasamaan.
30 Mag-ingat sa taong ngingiti-ngiti at kikindat-kindat dahil maaaring masama ang kanyang binabalak.
31 Ang katandaan ay tanda ng karangalan[a] na matatanggap ng taong namumuhay sa katuwiran.
32 Higit na mabuti ang taong mapagpasensya kaysa sa taong makapangyarihan. Higit na mabuti ang taong nakakapagpigil sa sarili kaysa sa taong nakakasakop ng isang lungsod.
33 Nagpapalabunutan ang mga tao upang malaman kung ano ang kanilang gagawin, ngunit nasa Panginoon ang kapasyahan.

17 Ang kaunting pagkain na pinagsasaluhan nang may kapayapaan ay higit na mabuti kaysa sa maraming pagkain ngunit may alitan.
Pamumunuan ng marunong na lingkod ang nakakahiyang anak ng kanyang amo at sa kanilang mamanahin makakabahagi pa ito.
Sinusubok ng Panginoon ang puso ng tao katulad ng pilak at ginto na sinusubok sa apoy kung ito ay tunay o hindi.
Ang taong masama ay gustong makinig sa kapwa niya masama, at ang taong sinungaling ay gustong makinig sa kapwa niya sinungaling.
Ang kumukutya sa mahihirap ay inaalipusta ang kanyang Manlilikha. Ang taong nagagalak sa kapahamakan ng iba ay parurusahan.
Karangalan ng mga loloʼt lola ang kanilang mga apo, gayon din naman, karangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang.
Hindi bagay sa hangal ang magsalita ng mabuti, at lalong hindi bagay sa isang namumuno ang magsinungaling.
Sa tingin ng iba ang suhol ay parang salamangka na magagawa ang kahit anumang bagay.
Kung patatawarin mo ang kasalanan ng iyong kaibigan, mananatili ang inyong samahan, ngunit kung patuloy mong uungkatin ang kanyang kasalanan, masisira ang inyong pagkakaibigan.
10 Sa isang saway lang natututo ang taong may pang-unawa, ngunit ang taong mangmang ay hindi natututo hampasin mo man ng walang awa.
11 Laging naghahanap ng gulo ang taong masama, kaya ipapadala laban sa kanya ang isang taong malupit na magpaparusa sa kanya.
12 Mas mabuti pang masalubong mo ang isang osong inagawan ng anak kaysa sa hangal na gumagawa ng kahangalan.
13 Kapag kasamaan ang iginanti mo sa kabutihang ginawa sa iyo, palaging may masamang mangyayari sa sambahayan mo.
14 Ang simula ng away ay katulad ng butas sa isang dike, kailangang tapalan bago lumaki.
15 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang taong nagpaparusa sa taong walang kasalanan o nagpapalaya sa taong may kasalanan.
16 Walang kabuluhang pag-aralin ang taong hangal sapagkat hindi naman niya hinahangad ang matuto.
17 Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at nagkaroon tayo ng kapatid upang sa kagipitan ay tumulong.
18 Ang taong nangakong managot sa utang ng iba ay kulang sa karunungan.
19 Ang taong gusto ng kasalanan ay gusto rin ng kaguluhan. At ang taong mayabang ay naghahanap ng kapahamakan.
20 Hindi uunlad ang taong baluktot ang pag-iisip, at ang taong sinungaling ay dadanas ng kasawian.
21 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kalungkutan at kabiguan sa magulang.
22 Ang pagiging masayahin ay parang gamot na nakabubuti sa katawan, ngunit ang pagiging malungkutin ay nagpapahina ng katawan.
23 Ang taong masama ay tumatanggap ng suhol upang ipagkait ang makatarungang hatol.
24 Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan; ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala.
25 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapaitan at kalungkutan sa kanyang mga magulang.
26 Hindi mabuti na parusahan ang taong matuwid o ang taong marangal.
27 Ang taong marunong at nakakaunawa ay maingat magsalita at hindi padalos-dalos.
28 Kahit ang mangmang ay parang marunong at nakakaunawa kapag tahimik.

18 Ang taong makasarili ay humihiwalay sa karamihan at sumasalungat sa lahat ng tamang kaisipan.
Ang taong hangal ay hindi naghahangad na matuto; ang gusto lang niya ay masabi ang nasa isipan.
Ang paggawa ng kasamaan at nakakahiyang mga bagay ay makapagbibigay ng kahihiyan.
Ang salita ng taong marunong ay nakapagbibigay ng karunungan sa iba; ito ay katulad ng tubig na umaagos mula sa malalim na batis.
Hindi mabuti na kampihan ang taong nagkasala at hindi mabuti na ipagkait ang katarungan sa taong walang kasalanan.
Ang sinasabi ng taong hangal ang pinagsisimulan ng alitan at magdadala sa kanya sa kaguluhan.
Ang salita ng hangal ang maglalagay sa kanya sa panganib at kapahamakan.
Ang tsismis ay gaya ng pagkaing masarap nguyain at lunukin.
Ang taong tamad ay kasingsama ng taong mapanira.
10 Ang Panginoon ay katulad ng toreng matibay, kanlungan ng mga matuwid sa oras ng panganib.
11 Ang akala ng taong mayaman ay maipagtatanggol siya ng kanyang kayamanan gaya ng mga pader na nakapalibot sa buong bayan.
12 Ang pagmamataas ng tao ang magpapahamak sa kanya, ngunit ang pagpapakumbaba ang magpaparangal sa kanya.
13 Hangal at kahiya-hiya ang taong sumasagot sa usapan ng hindi muna nakikinig.
14 Sa taong may karamdaman, tatag ng loob ang magbibigay kalakasan. Kung mawawalan siya ng pag-asa, wala nang makatutulong pa sa kanya.
15 Ang taong marunong at nakauunawa ay lalo pang naghahangad ng karunungan.
16 Madaling makikipagkita sa iyo ang dakilang tao kapag may dala kang regalo para sa kanya.
17 Ang unang naglahad ng salaysay sa korte ay parang iyon na ang totoo, hanggang hindi pa nasusuri at natatanong ng kabilang panig.
18 Napapatigil ng palabunutan ang mga alitan, at pinagkakasundo ang mahigpit na magkalaban.
19 Mas madali pang sakupin ang isang napapaderang bayan kaysa sa makipagbati sa kapatid[b] na nasaktan.
    Kung paanong mahirap wasakin ang mga kandado ng tarangkahan ng palasyo, mahirap din pigilin ang alitan ng dalawang tao.
20 Aanihin mo ang bunga ng iyong mga sinasabi.
21 Ang salita ng tao ay makapagliligtas ng buhay o kaya ay makamamatay. Kaya mag-ingat sa pagsasalita sapagkat aanihin mo ang mga bunga nito.
22 Kung nakapag-asawa ka, nakatanggap ka ng kabutihan, at ito ang nagpapakita na mabuti ang Panginoon sa iyo.
23 Nakikiusap ang dukha, ngunit ang mayaman ay masakit magsalita.
24 May mga pagkakaibigang hindi nagtatagal, ngunit may pagkakaibigan din na higit pa sa magkapatid ang pagsasamahan.

2 Corinto 6

Bilang mga katuwang sa gawain ng Dios, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong balewalain ang biyaya ng Dios na inyong natanggap. Sapagkat sinabi ng Dios,

    “Dininig kita sa tamang panahon,
    at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan.”

Kaya makinig kayo! Ngayon na ang tamang panahon! Ngayon na ang araw ng kaligtasan.

Hindi kami gumagawa ng kahit ano na ikatitisod ng ibang tao, para hindi mapintasan ang paglilingkod namin sa Dios. Sa lahat ng aming ginagawa, sinisikap naming ipakita na kami ay totoong mga lingkod ng Dios. Tinitiis namin anumang hirap, pasakit, at kagipitan. Nakaranas kami ng pambubugbog, pagkakakulong, at panggugulo ng mga tao. Nagsikap kami nang husto, at kung minsan ay wala pang tulog at wala ring pagkain. Pinatunayan namin sa lahat na kami ay mga tunay na lingkod ng Dios sa pamamagitan ng aming malinis na pamumuhay, kaalaman, pagtitiyaga, kagandahang-loob, sa pamamagitan ng patnubay ng Banal na Espiritu sa amin, sa tapat na pag-ibig at pananalita, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios. Ang matuwid naming pamumuhay ang aming sandata na panlaban at pananggalang sa kaaway. Bilang mga lingkod ng Dios, naranasan naming parangalan at siraan ng kapwa, purihin ng iba at laitin ng iba. Pawang katotohanan ang aming mga sinasabi, ngunit itinuturing kaming mga sinungaling. Kami ay tanyag, ngunit hindi kinikilala; lagi kaming nasa bingit ng kamatayan, ngunit buhay pa rin hanggang ngayon. Dinidisiplina kami ng Dios pero hindi pinapatay. 10 May mga nagpapalungkot sa amin, ngunit lagi pa rin kaming masaya. Mahirap lang kami, ngunit marami kaming pinapayaman. Kung tungkol sa mga bagay dito sa mundo, wala kaming masasabing amin, ngunit ang totoo, kami ang nagmamay-ari sa lahat ng mga bagay.

11 Mga taga-Corinto, naging tapat kami sa aming pananalita sa inyo, dahil mahal na mahal namin kayo. 12 Hindi kami nagkulang sa pagmamahal sa inyo. Kayo ang nagkulang sa pagmamahal sa amin. 13 Nakikiusap ako sa inyo tulad ng isang ama sa kanyang mga anak: Mahalin ninyo ako tulad ng pagmamahal ko sa inyo.

Huwag Makikiisa sa mga Hindi Mananampalataya

14 Huwag kayong makiisa sa mga hindi mananampalataya. Sapagkat hindi maaaring magkaisa ang kabutihan at kasamaan, gaya ng liwanag at dilim hindi rin sila maaaring magsama. 15 At kung paanong hindi magkasundo si Cristo at si Satanas, ganoon din naman ang mananampalataya at ang hindi mananampalataya. 16 Hindi maaaring magsama ang mga dios-diosan at ang Dios sa iisang templo. At tayo ang templo ng Dios na buhay! Gaya ng sinabi ng Dios,

“Mananahan akoʼt mamumuhay sa kanilang piling.
    Akoʼy magiging Dios nila,
    at silaʼy magiging mga taong sakop ko.
17 Kaya lumayo kayo at humiwalay sa kanila.[a]
    Layuan ninyo ang itinuring na marumi[b]
    at tatanggapin ko kayo.
18 At akoʼy magiging Ama ninyo,
    at kayo namaʼy magiging mga anak ko.
    Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®