Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Kawikaan 8-9

Papuri sa Karunungan

Ang karunungan at pang-unawa ay katulad ng taong nangangaral. Tumatayo siya sa matataas na lugar sa tabi ng daan, sa mga kanto, sa mga pintuan ng lungsod at mga daanan. Nangangaral siya nang malakas,

“Kayong mga tao sa buong mundo, pakinggan ninyo ang aking panawagan.
Kayong mga walang alam, magkaroon kayo ng karunungan.
    Kayong mga mangmang magkaroon kayo ng pang-unawa.
Makinig kayo sa sasabihin ko, sapagkat ito ay tama at kapaki-pakinabang.
Ang sinasabi ko ay pawang katotohanan lamang; sa nagsasalita ng masama ako ay nasusuklam.
Pawang matuwid ang sinasabi ko; hindi ako nagsasalita ng kasinungalingan o pandaraya.
Ang lahat ng sinasabi ko ay malinaw at pawang tama sa taong may pang-unawa.
10 Pahalagahan ninyo ang karunungan at ang pagtutuwid ko sa inyong ugali kaysa sa pilak at ginto.
11 Sapagkat higit na mahalaga ang karunungan kaysa sa mamahaling hiyas at hindi ito matutumbasan ng mga bagay na hinahangad mo.
12 Ako ang karunungan at alam ko kung paano unawain ang tama at mali, at alam ko rin kung paano magpasya nang tama.
13 Ang may takot sa Panginoon ay lumalayo sa kasamaan. Namumuhi ako sa kapalaluan, kayabangan, pagsisinungaling at masamang pag-uugali.
14 Magaling akong magpayo at may sapat na kaalaman. May pang-unawa at kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ko nakakapamuno ang mga hari at ang mga pinunoʼy nakagagawa ng mga tamang batas.
16 Sa pamamagitan ko makakapamuno ang mga tagapamahala at mga opisyal – ang lahat na namumuno ng matuwid.[a]
17 Minamahal ko ang mga nagmamahal sa akin;
    makikita ako ng mga naghahanap sa akin.
18 Makapagbibigay ako ng kayamanan, karangalan, kaunlaran at tagumpay na magtatagal.
19 Ang maibibigay ko ay higit pa sa purong ginto at pilak.
20 Sinusunod ko ang tama at matuwid.
21 Bibigyan ko ng kayamanan ang nagmamahal sa akin;
    pupunuin ko ang lalagyan nila ng kayamanan.
22 Noong una pa, nilikha na ako ng Panginoon bago niya likhain ang lahat.
23-26 Nilikha na niya ako noong una pa man.
    Naroon na ako nang wala pa ang mundo, ang mga dagat, mga bukal, mga bundok, mga burol, mga bukid at kahit pa ang mga alikabok.
27 Naroon na ako nang likhain niya ang langit,
    maging nang likhain niya ang tagpuan ng langit at ng lupa.
28-29 Naroon din ako nang likhain niya ang mga ulap,
    nang palabasin niya ang tubig sa mga bukal mula sa kailaliman,
    nang ilagay niya ang hangganan ng mga dagat upang hindi ito umapaw,
    at nang ilagay niya ang mga pundasyon ng mundo.
30 Katulad koʼy arkitekto, na nasa tabi ng Panginoon.
    Ako ang kanyang kasiyahan sa araw-araw, at lagi naman akong masaya sa piling niya.
31 Natutuwa ako sa mundong nilikha niya at sa mga taong inilagay niya dito.
32 Kaya ngayon mga anak pakinggan ninyo ako. Mapalad ang mga sumusunod sa pamamaraan ko.
33 Pakinggan ninyo ang mga pagtutuwid ko sa inyong pag-uugali upang maging marunong kayo,
    at huwag ninyo itong kalilimutan.
34 Mapalad ang taong laging sa akin nakatuon ang isip at naghihintay para makinig sa akin.
35 Sapagkat ang taong makakasumpong sa akin ay magkakaroon ng maganda at mahabang buhay,
    at pagpapalain siya ng Panginoon.
36 Ngunit ang taong hindi makakasumpong sa akin ay ipinapahamak ang kanyang sarili.
    Ang mga galit sa akin ay naghahanap ng kamatayan.”

Ang Karunungan at ang Kamangmangan

Ang karunungan ay katulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay na may pitong haligi. Pagkatapos, nagkaroon siya ng malaking handaan. Naghanda siya ng mga pagkain at mga inumin. At saka inutusan niya ang mga katulong niyang babae na pumunta sa pinakamataas na lugar ng bayan para ipaalam ang ganito: “Kayong mga kulang sa karunungan at pang-unawa, inaanyayahan kayo sa isang malaking handaan. Halikayo, kumain kayo at uminom ng aking inihanda. Iwanan na ninyo ang kamangmangan upang mabuhay kayo nang matagal at may pang-unawa.”

Kung sasawayin mo ang taong nangungutya, iinsultuhin ka niya. Kung sasawayin mo ang taong masama, sasaktan ka niya. Kaya huwag mong sasawayin ang taong nangungutya, sapagkat magagalit siya sa iyo. Sawayin mo ang taong marunong at mamahalin ka niya. Kapag tinuruan mo ang isang taong marunong, lalo siyang magiging marunong. At kapag tinuruan mo ang isang taong matuwid, lalo pang lalawak ang kanyang kaalaman.

10 Ang paggalang sa Panginoon ang pasimula ng karunungan. At ang pagkilala sa Banal na Dios ay nagpapahiwatig ng pagkaunawa. 11 Sa pamamagitan ng karunungan, hahaba ang iyong buhay. 12 Kung may karunungan ka, magdudulot ito sa iyo ng kabutihan, ngunit magdurusa ka kung itoʼy iyong tatanggihan.

13 Ang kamangmangan ay katulad ng isang babaeng maingay, hindi marunong at walang nalalaman. 14 Nakaupo siya sa pintuan ng kanyang bahay o sa upuan sa mataas na lugar sa lungsod, 15 at tinatawag ang mga dumadaan na papunta sa kanilang trabaho. 16 Sabi niya, “Halikayo rito, kayong mga walang karunungan.” At sinabi pa niya sa walang pang-unawa, 17 “Mas masarap ang tubig na ninakaw at mas masarap ang pagkain na kinakain ng lihim.” 18 Ngunit hindi alam ng mga taong pumupunta sa kanya na sila ay mamamatay. Ang mga nakapunta na sa kanya ay naroon na sa libingan.

2 Corinto 3

Baka sabihin ninyong pinupuri na naman namin ang aming mga sarili. Hindi kami katulad ng iba riyan na kailangan ang rekomendasyon para tanggapin ninyo, at pagkatapos hihingi naman ng rekomendasyon mula sa inyo para tanggapin din sa ibang lugar. Hindi na namin kailangan ito dahil kayo na mismo ang aming rekomendasyon na nakasulat sa aming puso. Sapagkat ang pamumuhay ninyo ay parang sulat na nakikita at nababasa ng lahat. Malinaw na ang buhay ninyo ay parang isang sulat mula kay Cristo na isinulat sa pamamagitan namin. At hindi tinta ang ginamit sa sulat na ito kundi ang Espiritu ng Dios na buhay. At hindi rin ito isinulat sa malapad na mga bato, kundi sa puso ng mga tao.

Nasasabi namin ang mga ito dahil sa mga ginagawa ni Cristo sa pamamagitan namin at dahil sa aming pagtitiwala sa Dios. Kung sa aming sarili lamang, wala kaming sapat na kakayahang gawin ito. Lahat ng aming kakayahan ay mula sa Dios. Siya ang nagbigay sa amin ng kakayahan para maipahayag namin ang kanyang bagong pamamaraan para mailapit ang mga tao sa kanya. At ang bagong pamamaraan na ito ay hindi ayon sa isinulat na Kautusan kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat ang Kautusan ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay-buhay.

Noong ibinigay ng Dios kay Moises ang Kautusan na nakasulat sa malapad na mga bato, hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises dahil nasisilaw sila. Ngunit ang ningning na iyon sa kanyang mukha ay unti-unti ring nawala. Ngayon, kung nagpakita ang Dios ng kanyang kapangyarihan sa Kautusan na nagdudulot ng kamatayan, higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan kung kikilos na ang Espiritu. Kung nagpakita ang Dios ng kapangyarihan niya sa pamamagitan ng Kautusan na nagdudulot ng hatol na kamatayan, higit pa ang ipapakita niyang kapangyarihan sa pagpapawalang-sala sa mga tao. 10 Ang totoo, balewala ang kapangyarihan ng Kautusan kung ihahambing sa kapangyarihan ng bagong pamamaraan ng Dios. 11 Kung may kapangyarihang ipinakita ang Dios sa pamamagitan ng Kautusan na lumilipas, higit pa ang kapangyarihang ipinapakita niya sa bagong pamamaraang ito na nananatili magpakailanman.

12 At dahil sa pag-asa naming ito, malakas ang aming loob na ipahayag ang salita ng Dios. 13 Hindi kami tulad ni Moises na nagtakip ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang liwanag sa kanyang mukha na unti-unting nawawala. 14 Ang totoo, hindi naintindihan ng mga Israelita ang kahulugan nito noon dahil may nakatakip sa kanilang isipan. At kahit ngayon, may nakatakip pa rin sa kanilang isipan habang binabasa nila ang dating kasunduan. At maaalis lamang ito kapag ang isang taoʼy nakay Cristo. 15 Totoong hanggang ngayon ay may nakatakip sa kanilang isipan habang binabasa nila ang mga isinulat ni Moises. 16 Ngunit kung lalapit ang tao sa Panginoon, maaalis ang takip sa kanyang isipan. 17 Ngayon, ang binabanggit ditong Panginoon ay ang Banal na Espiritu, at kung ang Espiritu ng Panginoon ay nasa isang tao, malaya na siya. 18 At dahil naalis na ang takip sa ating isipan, nakikita na natin ang kapangyarihan ng Panginoon. At ang kapangyarihang ito ay mula sa Panginoon, na siyang Banal na Espiritu, ang siyang unti-unting bumabago sa atin hanggang tayoʼy maging katulad niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®