Old/New Testament
Dagdag na Kahalagahan ng Karunungan
3 Anak, huwag mong kalilimutan ang mga itinuturo ko sa iyo. Ingatan mo sa iyong puso ang mga iniuutos ko, 2 sapagkat ito ang magpapahaba at magpapaunlad ng iyong buhay. 3 Manatili kang mapagmahal at matapat; alalahanin mo itong lagi at itanim sa iyong isipan. 4 Kapag ginawa mo ito, malulugod ang Dios pati na ang mga tao.
5 Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan. 6 Alalahanin mo ang Panginoon sa lahat ng iyong ginagawa at ituturo niya sa iyo ang tamang landas. 7 Huwag mong isipin na napakarunong mo na. Matakot ka sa Panginoon, at huwag gumawa ng masama. 8 Para iyon sa ikabubuti at ikalalakas ng iyong katawan. 9 Parangalan mo ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog sa kanya ng mga unang bunga ng iyong ani. 10 Kapag ginawa mo ito, mapupuno ng ani ang iyong mga bodega at aapaw ang inumin sa iyong mga sisidlan.
11 Anak, huwag mong mamasamain kapag itinatama ka ng Panginoon upang ituwid ang iyong pag-uugali. 12 Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang ugali ng kanyang mga minamahal, katulad ng ginagawa ng isang ama sa kanyang anak na kinalulugdan.
13 Mapalad ang taong may karunungan at pang-unawa. 14 Higit pa ito sa pilak at ginto, 15 at sa ano pa mang mga mamahaling bato. Walang anumang bagay ang maaaring ipantay dito. 16 Magpapahaba ito ng iyong buhay, magpapaunlad ng iyong kabuhayan at magbibigay sa iyo ng karangalan. 17 Ang karunungan ay magpapabuti ng iyong kalagayan. 18 Mapalad ang taong may karunungan, dahil magbibigay ito ng mabuti at mahabang buhay.
19-20 Sa pamamagitan ng karunungan, nilikha ng Panginoon ang lupa at ang langit, at bumukas ang mga bukal at mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan.
21 Anak, ingatan mo ang iyong karunungan at kaalaman sa pagpapasya ng tama. Huwag mong hayaang mawala ito sa iyo. 22 Sapagkat ito ang magbibigay sa iyo ng mahaba at magandang buhay. 23 Mabubuhay kang ligtas sa anumang kapahamakan. 24 Makakatulog ka nang mahimbing at walang kinakatakutan. 25 Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating ang mga pangyayaring nakakatakot o kung lilipulin na ang masasama, 26 dahil makakaasa ka na babantayan ka ng Panginoon at ilalayo sa kapahamakan.
27 Hanggaʼt makakaya mo, tulungan mo ang mga dapat tulungan. 28 Huwag mo nang ipagpabukas pa, kung kaya mo naman silang tulungan ngayon.
29 Huwag mong pagplanuhan ng masama ang kapitbahay mo na nagtitiwala sa iyo.
30 Huwag kang makipagtalo sa kapwa mo nang walang sapat na dahilan, lalo na kung wala naman siyang ginawang masama sa iyo.
31 Huwag kang mainggit sa taong malupit o gayahin ang kanyang mga ginagawa. 32 Sapagkat nasusuklam ang Panginoon sa mga taong baluktot ang pag-iisip, ngunit nagtitiwala siya sa mga namumuhay nang matuwid.
33 Isinusumpa ng Panginoon ang sambahayan ng masasama, ngunit pinagpapala niya ang sambahayan ng mga matuwid.
34 Hinahamak niya ang mga nanghahamak ng kapwa, ngunit binibiyayaan niya ang mga mapagpakumbaba.
35 Ang mga marunong ay pararangalan, ngunit ang mga hangal ay ilalagay sa kahihiyan.
4 Mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang mga pagtutuwid ng inyong ama sa inyong pag-uugali, upang lumawak ang inyong pang-unawa. 2 Mabuti ang itinuturo kong ito, kaya huwag ninyong ipagwalang bahala. 3 Noong bata pa ako at nasa piling pa ng aking mga magulang, mahal na mahal ako ng aking ina bilang nag-iisang anak. 4 Tinuruan ako ni ama. Sinabi niya sa akin, “Anak, ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo ko. Sundin mo ang mga utos ko at mabubuhay ka nang matagal. 5 Pagsikapan mong magkaroon ng karunungan at pang-unawa. Huwag mong kalilimutan ang mga sinasabi ko at huwag kang hihiwalay dito. 6 Huwag mong tanggihan ang karunungan, sa halip pahalagahan mo ito, dahil iingatan ka nito. 7 Pinakamahalaga sa lahat ang karunungan at pang-unawa. Sikapin mong magkaroon nito kahit na maubos pa ang lahat ng kayamanan mo. 8 Tanggapin moʼt pahalagahan ang karunungan, dahil magbibigay ito sa iyo ng karangalan. 9 Magiging parang koronang bulaklak ito na magbibigay sa iyo ng kagandahan.”
10 Anak, pakinggan mo at tanggapin ang mga sinasabi ko sa iyo upang humaba ang iyong buhay. 11 Tinuruan na kita ng karunungan, kung paano mamuhay sa katuwiran. 12 Kung susundin mo ito, walang makakasagabal sa buhay mo at maliligtas ka sa anumang kapahamakan. 13 Huwag mong kalilimutan ang pagtutuwid ko sa iyong pag-uugali; ingatan mo ito sa puso mo sapagkat mabubuhay ka sa pamamagitan nito.
14 Huwag mong gagayahin ang ginagawa ng mga taong masama. 15 Iwasan mo ito at patuloy kang mamuhay nang matuwid. 16 Sapagkat ang taong masama ay hindi makatulog kapag hindi nakakagawa ng masama o walang naipapahamak. 17 Ang pagkain nila ay paggawa ng kasamaan at ang inumin nila ay paggawa ng karahasan.
18 Ang pamumuhay ng taong matuwid ay parang sikat ng araw na lalong nagliliwanag habang tumatagal. 19 Pero ang pamumuhay ng taong masama ay parang kadiliman; hindi niya alam kung ano ang dahilan ng kanyang pagbagsak.
20 Anak, pakinggan mong mabuti ang itinuturo ko sa iyo. 21 Huwag mo itong kalilimutan kundi ingatan sa puso mo. 22 Sapagkat magbibigay ito ng malusog na katawan at mahabang buhay sa sinumang makakasumpong nito.
23 Higit sa lahat, ingatan mo ang iyong isipan, sapagkat kung ano ang iyong iniisip iyon din ang magiging buhay mo. 24 Huwag kang magsalita ng kasinungalingan at walang kabuluhan. 25 Ituon mo ang iyong paningin sa mga bagay na mabuti. 26 Pag-isipan mong mabuti ang iyong mga gagawin upang magtagumpay ka. 27 Mamuhay ka sa katuwiran at layuan mo ang kasamaan.
Babala Laban sa Pakikiapid
5 Anak, pakinggan mong mabuti ang mga sasabihin ko na may karunungan, 2 upang malaman mo ang pagpapasya ng tama at matuto ka ring magsalita nang may karunungan. 3 Ang salita ng masamang babae ay kasintamis ng pulot at banayad tulad ng langis. 4 Ngunit pagkatapos ay pait at sakit ang iyong makakamit. 5 Kung susunod ka sa kanya, dadalhin ka niya sa kapahamakan, sapagkat ang nilalakaran niya ay patungo sa kamatayan. 6 Hindi niya pinapansin ang daan patungo sa buhay. Ang dinadaanan niyaʼy liku-liko at hindi niya ito nalalaman.
7 Kaya mga anak, pakinggan ninyo ako at sundin. 8 Lumayo kayo sa babaeng masama ni huwag lumapit sa kanyang bahay. 9 Dahil baka masira ang inyong dangal at mapunta sa iba, at mamatay kayo sa kamay ng mga taong walang awa. 10 At ang lahat ng kayamanan ninyo at ang inyong mga pinagpaguran ay mapupunta sa iba, sa mga taong hindi ninyo kilala. 11 Saka kayo mananangis kapag malapit na kayong mamatay, kapag butoʼt balat na lamang at wala nang lakas. 12 Saka ninyo sasabihin, “Sayang hindi ko kasi pinansin ang mga pagtutuwid sa akin; nagmatigas ako at sinunod ang gusto ko. 13 Hindi ako nakinig sa aking mga guro. 14 Kaya ngayon, narito ako sa gitna ng kapahamakan at kahihiyan.”
15 Dapat sa asawa mo lang ikaw sumiping. Kung baga sa tubig, doon ka lang sa sarili mong balon kumuha ng iyong iinumin. 16 Dahil baka magtaksil din sa iyo ang iyong asawa.[a] 17 Dapat ang mag-asawa ay para lamang sa isaʼt isa at huwag makihati sa iba. 18 Maging maligaya ka sa iyong asawa, na napangasawa mo noong iyong kabataan. 19 Maganda siya at kaakit-akit gaya ng usa. Sana ay lagi kang lumigaya sa kanyang dibdib at maakit sa kanyang pag-ibig.
20 Anak, huwag kang paaakit sa malaswang babae o hipuin man ang kanyang dibdib. 21 Sapagkat nakikita ng Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa; saan ka man naroroon tinitingnan ka niya. 22 Ang masamang tao ay bihag ng kanyang kasamaan, para itong bitag na huhuli sa kanya. 23 Maliligaw siya dahil sa kanyang kamangmangan, at mamamatay dahil ayaw niyang itinutuwid.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios, kasama si Timoteo na ating kapatid.
Mahal kong mga kapatid sa iglesya[a] ng Dios diyan sa Corinto, kasama ang lahat ng mga pinabanal[b] ng Dios sa Acaya:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat sa Dios
3 Purihin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Siyaʼy maawaing Ama at Dios na laging nagpapalakas ng ating loob. 4 Pinalalakas niya ang ating loob sa lahat ng ating paghihirap, para sa pamamagitan ng kalakasan ng loob na ibinigay sa atin ng Dios ay mapalakas din natin ang loob ng ibang naghihirap. 5 Sapagkat kung gaano karami ang mga paghihirap natin dahil kay Cristo, ganoon din karaming beses niyang pinalalakas ang ating loob. 6 Kung naghihirap man kami, itoʼy para mapalakas ang inyong loob, at para kayoʼy maligtas. At kung pinalakas man ng Dios ang aming loob, itoʼy para mapalakas din ang loob ninyo, nang sa ganoon ay makayanan ninyo ang mga paghihirap na tulad ng dinaranas namin. 7 Kaya malaki ang aming pag-asa para sa inyo, dahil alam namin na kung naghihirap kayo tulad namin, palalakasin din ng Dios ang inyong loob tulad ng sa amin.
8 Mga kapatid, gusto naming malaman ninyo ang mga paghihirap na dinanas namin sa lalawigan ng Asia. Napakabigat ng mga dinanas namin doon, halos hindi na namin nakayanan at nawalan na kami ng pag-asang mabuhay pa. 9 Ang akala namin noon ay katapusan na namin. Ngunit nangyari ang lahat ng iyon para matuto kami na huwag magtiwala sa aming sarili kundi sa Dios na siyang bumubuhay ng mga patay. 10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy niya kaming ililigtas. At umaasa kami na patuloy niyang gagawin ito 11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa ganoon, marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang tatanggapin namin mula sa kanya bilang sagot sa mga panalangin ng marami.
Nagbago ng Plano si Pablo
12 Isang bagay ang maipagmamalaki namin: Namumuhay kaming matuwid at tapat sa harap ng lahat ng tao, lalung-lalo na sa inyo. Nagawa namin ito hindi sa pamamagitan ng karunungan ng mundo kundi dahil sa biyaya ng Dios. At pinatutunayan ng aming konsensya na talagang totoo itong aming ipinagmamalaki. 13-14 Sapagkat wala kaming isinusulat sa inyo na hindi ninyo mabasa o maintindihan. Kahit na hindi nʼyo pa kami kilalang mabuti, umaasa akong darating ang araw na makikilala nʼyo kami nang lubusan, para maipagmalaki ninyo kami sa araw ng pagdating ng Panginoong Jesus, at maipagmamalaki rin namin kayo.
15 Dahil sa tiwalang ito, binalak kong bisitahin kayo noong una, para makatanggap kayo ng dobleng pagpapala[c] sa pagbisita ko sa inyo ng dalawang beses. 16 Binalak kong dumaan muna sa inyo pagpunta ko sa Macedonia, at sa aking pagbalik mula roon, muli akong dadaan diyan para matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea. 17 Iyon sana ang plano ko noon. Ngunit dahil hindi ito natuloy, masasabi ba ninyong pabago-bago ang aking isip? Katulad din ba ako ng mga taong makamundo na “Oo” nang “Oo,” pero “Hindi” naman pala ang ibig sabihin? 18 Aba, hindi! Kung paanong tapat ang Dios, ganoon din naman kami sa aming mga sinasabi. 19 Kami nina Silas at Timoteo ay nangaral sa inyo tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. At alam ninyong si Cristoʼy tapat sa kanyang mga salita. Talagang tutuparin niya ang kanyang mga pangako. 20 Sapagkat kahit gaano man karami ang pangako ng Dios, tutuparin niyang lahat ito sa pamamagitan ni Cristo. Kaya nga masasabi natin na tapat ang Dios,[d] at itoʼy nakapagbibigay ng kapurihan sa kanya. 21 Ang Dios ang nagpapatibay sa atin, at sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Pinili niya tayo para maglingkod sa kanya. 22 Tinatakan niya tayo bilang tanda na tayoʼy nasa kanya na. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang Banal na Espiritu sa ating mga puso. Ang Banal na Espiritu ang nagsisilbing garantiya na matatanggap natin ang kanyang mga ipinangako.
23 Saksi ko ang Dios, na kaya hindi na ako tumuloy diyan sa Corinto ay dahil ayaw kong sumama ang loob ninyo sa akin. 24 Ayaw naming diktahan kayo sa inyong pananampalataya dahil matatag na kayo riyan. Nais lamang naming magkatulungan tayo para maging masaya kayo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®