Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Kawikaan 1-2

Ang Kahalagahan ng Kawikaan

Ito ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.

Sa pamamagitan ng mga kawikaang ito, magkakaroon ka ng karunungan, maitutuwid mo ang iyong ugali at mauunawaan mo ang mga aral na magbibigay sa iyo ng karunungan. Sa pamamagitan din nitoʼy magiging disiplinado ka, dahil itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, mabuting pag-uugali, paggawa ng tama, at pagiging makatarungan. Makapagbibigay ito ng karunungan sa mga walang kaalaman at sa kabataaʼy magtuturo ng tamang pagpapasya. Sa pakikinig nito, ang marunong ay lalong magiging marunong at ang may pinag-aralan ay magiging dalubhasa, upang maunawaan nila ang kahulugan ng mga kawikaan, mga talinghaga, at mga bugtong ng marurunong.

Ang pagkatakot sa Panginoon na may paggalang ang simula ng karunungan. Ngunit sa hangal,[a] walang halaga ang karunungan at ayaw niyang maturuan upang maituwid ang kanyang pag-uugali.

Payo sa Pag-iwas sa Masamang Tao

Anak, dinggin mo ang turo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali ng iyong mga magulang, dahil itoʼy makapagbibigay sa iyo ng karangalan katulad ng koronang gawa sa bulaklak at makapagpapaganda katulad ng kwintas.

10 Anak, huwag kang padadala sa panghihikayat ng mga taong makasalanan. 11 Huwag kang sasama kapag sinabi nilang, “Halika, sumama ka sa amin! Mag-abang tayo ng sinumang papatayin kahit walang dahilan. 12 Kahit nasa kasibulan pa ng kanilang buhay, patayin natin sila para matulad sila sa mga taong pumunta sa lugar ng mga patay. 13 Makakakuha tayo sa kanila ng mga mamahaling ari-arian, at pupunuin natin ang ating mga bahay ng ating mga nasamsam. 14 Sige na, sumama ka na sa amin, at paghahatian natin ang ating mga nasamsam.”

15 Anak, huwag kang sumama sa kanila; iwasan mo sila. 16 Sapagkat mabilis sila sa paggawa ng masama at sa pagpatay ng tao. 17 Walang kabuluhan ang paglalagay ng bitag kung ang ibong iyong huhulihin ay nakatingin. 18 Alam ng ibon na mahuhuli siya, pero ang taong masasama, hindi nila alam na sila rin ang magiging biktima ng ginagawa nila.

19 Ganyan ang mangyayari sa mga taong ang ari-arian ay nakuha sa masamang paraan. Mamamatay sila sa ganoon ding paraan.

Kapag Itinakwil ang Karunungan

20-21 Ang karunungan ay katulad ng isang mangangaral na nagsasalita sa mga lansangan, plasa, pamilihan, at mga pintuang bayan. Sinasabi niya,

22 “Kayong mga walang alam,
    hanggang kailan kayo mananatiling ganyan?
    Kayong mga nanunuya, hanggang kailan kayo matutuwa sa inyong panunuya?
    Kayong mga hangal, hanggang kailan ninyo tatanggihan ang karunungan?
23 Pakinggan ninyo ang pagsaway ko sa inyo.
    Sasabihin ko sa inyo kung ano ang iniisip ko.
    Ipapaalam ko sa inyo ang aking sasabihin laban sa inyo,
24 sapagkat hindi ninyo pinansin ang panawagan ko na lumapit kayo sa akin,
25 at binalewala ninyo ang lahat ng payo ko at pagsaway.
26-27 Pagtatawanan ko kayo kapag napahamak kayo;
    kukutyain ko kayo kapag dumating sa inyo ang paghihirap at mga pangyayaring nakakatakot gaya ng ipu-ipo at bagyo.
28 Tatawag kayo sa akin, ngunit hindi ko kayo sasagutin.
    Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita.
29 Dahil ayaw ninyo na tinuturuan kayo at wala kayong takot sa Panginoon.
30 Tinanggihan ninyo ang mga payo ko at minasama ang aking pagsaway sa inyo.
31 Kaya aanihin ninyo ang bunga ng inyong mga ginagawa at pinaplanong masama.
32 Sapagkat ang katigasan ng ulo ng mga taong walang karunungan ang papatay sa kanila,
    at ang pagsasawalang-bahala ng mga hangal ang magpapahamak sa kanila.
33 Ngunit ang taong nakikinig sa akin ay mabubuhay ng matiwasay,
    ligtas siya sa panganib at walang katatakutan.”

Ang Kahalagahan ng Karunungan

Anak, tanggapin at ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo at iniuutos ko sa iyo. Pakinggan mo kung ano ang makapagbibigay sa iyo ng karunungan at kaalaman. Pagsikapan mong magkaroon ng pang-unawa, na parang naghahanap ka ng pilak o anumang nakatagong kayamanan. Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung ano ang pagkatakot sa Panginoon at mauunawaan mo ang tungkol sa kanya. Sapagkat ang Panginoon ang nagbibigay ng karunungan, kaalaman, at ng pang-unawa. 7-8 Iniingatan niya ang namumuhay nang matuwid, matapat, at walang kapintasan. Binibigyan din niya sila ng katagumpayan.[b]

Kung makikinig ka sa akin, malalaman mo ang dapat mong gawin, ang tama, matuwid at nararapat. 10 Sapagkat lalong lalawak ang iyong karunungan at magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan. 11 Kapag nakakaunawa ka at marunong magpasya nang tama, iingatan ka nito. 12 Ilalayo ka ng karunungan sa masamang pag-uugali at sa mga taong nagsasalita ng masama. 13 Pinili ng mga taong ito na iwanan ang magandang pag-uugali at sumunod sa pamamaraan ng mga nasa kadiliman. 14 Natutuwa sila sa paggawa ng masama at nasisiyahan sa mga kalikuan nito. 15 Masama ang pag-uugali nila at hindi matuwid ang kanilang pamumuhay.

16 Ilalayo ka ng karunungan sa masamang babaeng gustong umakit sa iyo sa pamamagitan ng kanyang matatamis na salita. 17 Iniwan ng ganyang babae ang napangasawa niya noong kanyang kabataan. Kinalimutan niya ang pangako niya sa Dios nang silaʼy ikasal. 18 Kapag pumunta ka sa bahay niya, para ka na ring pumunta sa kamatayan. Sapagkat ito ang daan tungo sa daigdig ng mga patay. 19 Kung sino man ang pupunta sa kanya ay hindi na makakauwi; makakalimutan na niya ang daan patungo sa lugar ng mga buhay. 20 Kaya tularan mo ang pamumuhay ng mabubuting tao at mamuhay ka ng matuwid. 21 Sapagkat ang taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan ay mabubuhay nang matagal dito sa daigdig. 22 Ngunit ang masasama at mga mandaraya ay palalayasin. Bubunutin sila na parang mga damo.

1 Corinto 16

Tulong para sa mga Taga-Judea

16 Ngayon, tungkol naman sa tulong na nalikom para sa mga mananampalataya[a] ng Dios sa Judea, gayahin ninyo ang ipinagawa ko sa mga iglesyang nasa Galacia. Sa bawat Linggo, ang bawat isa sa inyoʼy maglaan na ng halaga ayon sa inyong kita, at ipunin ninyo ito upang pagdating ko riyan ay nakahanda na ang inyong tulong. Pagdating ko riyan, papupuntahin ko sa Jerusalem ang mga taong pipiliin ninyo na magdadala ng inyong tulong, at gagawa ako ng sulat na magpapakilala sa kanila. At kung kinakailangan ding pumunta ako sa Jerusalem, isasama ko na sila.

Mga Plano ni Pablo

Tutuloy ako riyan sa Corinto pagkagaling ko sa Macedonia dahil kailangan kong dumaan doon. Maaaring magtagal ako riyan sa inyo. Baka riyan ako magpalipas ng taglamig, upang matulungan ninyo ako sa mga pangangailangan ko sa susunod kong paglalakbay, bagamaʼt hindi ko pa alam kung saan ako pupunta. Ayaw kong dadaan lang ako sa inyo. Gusto kong magtagal sa piling ninyo kung loloobin ng Panginoon.

Samantala, mananatili ako rito sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes, dahil nabigyan ako ng magandang pagkakataon upang maisulong ang gawain dito, kahit na maraming sumasalungat.

10 Kung dumating diyan si Timoteo, asikasuhin ninyo siyang mabuti upang mapanatag ang kanyang kalooban, dahil katulad ko rin siyang naglilingkod sa Panginoon. 11 Huwag ninyo siyang hamakin. At sa kanyang pag-alis, tulungan ninyo siya sa kanyang mga pangangailangan upang makabalik siya agad sa akin. Sapagkat inaasahan ko siya na dumating dito kasama ang iba pang mga kapatid sa pananampalataya.

12 Tungkol naman sa kapatid nating si Apolos, pinakiusapan ko siyang dumalaw diyan kasama ang ilang mga kapatid, ngunit hindi pa raw sila makakapunta riyan. Dadalaw na lang daw siya kung mayroon siyang pagkakataon.

Katapusang Tagubilin

13 Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay. 14 At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig.

15 Alam ninyong si Stefanas at ang pamilya niya ang unang naging Cristiano riyan sa Acaya. Inilaan nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga pinabanal[b] ng Dios. Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpasakop kayo sa kanila at sa lahat ng katulad nila na naglilingkod sa Panginoon.

17 Natutuwa ako sa pagdating nina Stefanas, Fortunatus, at Acaicus, dahil kahit wala kayo rito, nandito naman sila, at ginagawa nila sa akin ang hindi ninyo magawa. 18 Akoʼy pinasigla nila, at ganoon din kayo. Pahalagahan ninyo ang mga katulad nila.

19 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa lalawigan ng Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila at ng mga mananampalatayang[c] nagtitipon sa kanilang tahanan, dahil pareho kayong nasa Panginoon. 20 At kinukumusta rin kayong lahat ng mga mananampalataya rito.

Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[d]

21 Akong si Pablo ay nangungumusta rin sa inyo, at ako mismo ang sumusulat ng pagbating ito.

22 Parusahan nawa ng Dios ang sinumang hindi nagmamahal sa kanya.

Panginoon, bumalik na po kayo!

23 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesus.

24 Minamahal ko kayong lahat bilang mga kapatid kay Cristo Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®