Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 135-136

Awit ng Papuri

135 Purihin ang Panginoon! Purihin ninyo siya, kayong mga lingkod niya,
na naglilingkod sa templo ng Panginoon na ating Dios.
Purihin ninyo ang Panginoon, dahil siya ay mabuti.
    Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, dahil ito ay kaaya-aya.
Purihin ninyo siya dahil pinili niya ang mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob, na maging espesyal niyang mamamayan.

Alam kong ang Panginoon ay higit na dakila kaysa sa alinmang dios-diosan.
Ginagawa ng Panginoon ang anumang nais niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman nito.
Dinadala niya paitaas ang mga ulap mula sa malayong dako ng mundo,
    at pinadala ang kidlat na may kasamang ulan.
    Inilabas din niya ang hangin mula sa kinalalagyan nito.
Pinatay niya ang mga anak na panganay ng mga Egipcio at pati na ang mga panganay ng kanilang mga hayop.
Gumawa rin siya dito ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay upang parusahan ang Faraon at ang lahat niyang mga lingkod.
10 Winasak niya ang maraming bansa,
    at pinatay ang kanilang makapangyarihang mga hari,
11 katulad nina Sihon na hari ng Amoreo, Haring Og ng Bashan,
    at ang lahat ng hari ng Canaan.
12 At kinuha niya ang kanilang mga lupain at ibinigay sa mga mamamayan niyang Israelita upang maging kanilang pag-aari.

13 Panginoon, ang inyong pangalan at katanyagan ay hindi malilimutan sa lahat ng salinlahi.
14 Dahil patutunayan nʼyo, Panginoon, na ang inyong lingkod ay walang kasalanan,
    at silaʼy inyong kahahabagan.
15 Ang mga dios ng ibang mga bansa ay mga yari sa pilak at ginto na gawa ng tao.
16 May mga bibig, ngunit hindi nakakapagsalita;
    may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
17 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig,
    at silaʼy walang hininga.
18 Ang mga gumawa ng dios-diosan at ang lahat ng nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito na walang kabuluhan.
19-20 Kayong mga mamamayan ng Israel, pati kayong mga angkan ni Aaron at ang iba pang mga angkan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
    Kayong mga may takot sa Panginoon, purihin ninyo siya!

21 Purihin ninyo ang Panginoon na nasa Zion, ang bayan ng Jerusalem na kanyang tahanan.

    Purihin ang Panginoon!

Awit ng Pasasalamat

136 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Magpasalamat kayo sa kanya na Dios ng mga dios.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Magpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Siya lang ang gumagawa ng kahanga-hangang mga himala.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ginawa niya ang kalangitan.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Inilatag niya ang lupa sa ibabaw ng tubig.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ginawa niya ang araw at ang buwan.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ginawa niya ang araw upang magbigay liwanag kung araw.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ginawa niya ang buwan at mga bituin upang magbigay liwanag kung gabi.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
10 Pinatay niya ang mga panganay na anak ng mga Egipcio.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
11 Inilabas niya ang mga taga-Israel sa Egipto.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
12 Inilabas niya sila sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
13 Hinawi niya ang Dagat na Pula.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
14 At pinatawid niya sa gitna nito ang mga taga-Israel.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
15 Ngunit nilunod niya roon ang Faraon at ang kanyang mga kawal.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
16 Pinatnubayan niya ang kanyang mga mamamayan sa ilang.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
17 Nilipol niya ang makapangyarihang mga hari.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
18 Pinatay niya ang mga dakilang hari.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
19 Pinatay niya si Sihon na hari ng Amoreo.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
20 Pinatay din niya si Haring Og ng Bashan.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
21 Ibinigay niya ang kanilang lupain sa kanyang mga mamamayan bilang pamana.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
22 At ang lupaing itoʼy naging pag-aari ng mga mamamayan ng Israel na kanyang mga lingkod.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
23 Sa ating abang kalagayan, hindi niya tayo kinalimutan.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
24 Iniligtas niya tayo sa ating mga kaaway.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
25 Binigyan niya ng pagkain ang lahat niyang nilalang.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
26 Magpasalamat tayo sa Dios na nasa langit.
    Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

1 Corinto 12

Mga Kaloob ng Banal na Espiritu

12 Ngayon, mga kapatid, nais kong maunawaan ninyo ang tungkol sa mga kaloob ng Banal na Espiritu. Alam naman ninyo na noong hindi pa kayo nakakakilala sa Dios, iniligaw kayo upang sumamba sa mga dios-diosan, na hindi naman nakakapagsalita. Kaya gusto kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ang magsasabi, “Sumpain si Jesus!” At wala ring taong makapagsasabi na, “Si Jesus ay Panginoon,” kung hindi siya pinapatnubayan ng Banal na Espiritu.

May ibaʼt iba tayong kaloob, ngunit iisa lang ang Espiritung pinagmulan nito. May ibaʼt ibang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lang ang Panginoong pinaglilingkuran natin. Ibaʼt iba ang ipinapagawa ng Dios sa atin, ngunit iisa lang ang Dios na nagbibigay sa atin ng kakayahang gawin ang mga ito. Ang bawat isa ay binigyan ng kakayahan na nagpapakita na sumasakanya ang Banal na Espiritu, upang makatulong siya sa kapwa niya mananampalataya. Sa isaʼy ipinagkaloob ng Espiritu ang kakayahang maghayag ng kaalaman tungkol sa Dios, at sa isa naman ay ang kakayahang unawain ito. Ang ibaʼy pinagkalooban ng Espiritu ng malaking pananalig sa Dios, at ang iba naman ay binigyan ng kakayahang magpagaling sa mga may sakit. 10 Ang ibaʼy pinagkalooban ng Espiritu ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, at ang iba naman ay binigyan ng kakayahang maghayag ng mensahe ng Dios. Mayroon namang pinagkalooban ng kakayahang makakilala kung ang kapangyarihan ng isang tao ay mula sa Banal na Espiritu o sa masasamang espiritu. Sa ibaʼy ipinagkaloob ang kakayahang magsalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at sa iba naman ay ang kakayahang maipaliwanag ang sinasabi ng mga wikang iyon. 11 Ngunit iisang Espiritu lang ang nagbigay ng lahat ng ito, at ipinamamahagi niya sa bawat tao ayon sa kanyang kagustuhan.

Tayoʼy Bahagi ng Iisang Katawan

12 Ang katawan ng tao ay binubuo ng maraming parte, ngunit iisa pa ring katawan. Ganoon din sa ating mga mananampalataya na siyang katawan ni Cristo. 13 Tayong lahat, Judio man o hindi, alipin o malaya ay nabautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. At iisang Espiritu rin ang tinanggap nating lahat.

14 Ang katawan ay binubuo ng maraming parte at hindi ng isang parte lamang. 15 Kaya kung sabihin ng paa, “Dahil hindi ako kamay, hindi ako parte ng katawan,” hindi ito nangangahulugang hindi siya parte ng katawan. 16 At kung sabihin naman ng tainga, “Dahil hindi ako mata, hindi ako parte ng katawan,” hindi rin ito nangangahulugang hindi siya parte ng katawan. 17 Dahil kung ang buong katawan ay puro mata, paano ito makakarinig? At kung ang katawan ay puro lang tainga, paano ito makakaamoy? 18 Ngunit nilikha ng Dios ang ating katawan na may ibaʼt ibang parte ayon sa kanyang nais. 19 Kung ang katawan ay binubuo lamang ng isang parte, matatawag pa ba itong katawan? 20 Ang totooʼy ang katawan ay binubuo ng maraming parte, ngunit iisang katawan lamang ito.

21 Kaya hindi maaaring sabihin ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin masasabi ng ulo sa paa, “Hindi kita kailangan.” 22 Ang totoo, ang mga parte ng katawan na parang mahina ang siya pang kailangang-kailangan. 23 Ang mga parte ng katawan na sa tingin natin ay hindi gaanong mahalaga ay inaalagaan nating mabuti, at ang mga parteng hindi maganda ay ating pinapaganda. 24 Hindi na kailangang pagandahin ang mga parteng maganda na. Ganoon din nang isaayos ng Dios ang ating katawan, binigyan niya ng karangalan ang mga parteng hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakahati-hati kundi pagmamalasakit sa isaʼt isa. 26 Kaya kung nasasaktan ang isang parte ng katawan, ang ibang parte ay nasasaktan din. At kung ang isang parte ay pinararangalan, ang ibang parte ay natutuwa rin.

27 Kayong lahat ang bumubuo ng katawan ni Cristo, at ang bawat isaʼy parte ng kanyang katawan. 28 At sa katawang ito, na walang iba kundi ang iglesya, naglagay ang Dios ng mga sumusunod: una, mga apostol; pangalawa, mga propeta; pangatlo, mga guro. Naglagay din siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling sa mga may sakit, mga matulungin, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. 29 Alam naman natin na hindi lahat ay apostol; hindi lahat ay propeta o guro. Hindi lahat ay may kapangyarihang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga may sakit, makapagsalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan o magpaliwanag nito. 31 Ngunit sikapin ninyong makamtan ang mas mahalagang mga kaloob. At ngayon ay ituturo ko sa inyo ang pinakamabuti sa lahat.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®