Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 126-128

Dalangin para Iligtas

126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[a] parang itoʼy panaginip lang.
Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
    At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
    “Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
    at punong-puno tayo ng kagalakan.

Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
    tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.

Papuri sa Kabutihan ng Dios

127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
    Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
    dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.

Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
Mapalad ang taong may maraming anak,
    dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.

Ang Gantimpala ng Pagsunod sa Panginoon

128 Mapalad kayong may takot sa Panginoon, na namumuhay ayon sa kanyang pamamaraan.
    Ang inyong pinaghirapan ay magiging sapat sa inyong pangangailangan,
    at kayoʼy magiging maunlad at maligaya.
Ang inyong asawa ay magiging katulad ng ubasan sa inyong tahanan, na sagana sa bunga,
    at ang inyong mga anak na nakapaligid sa inyong hapag-kainan ay parang mga bagong tanim na olibo.
Ganito pagpapalain ang sinumang may takot sa Panginoon.
Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.
    Makita sana ninyong umuunlad ang Jerusalem habang kayoʼy nabubuhay.
Makita sana ninyo ang inyong mga apo.

    Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan!

1 Corinto 10:19-33

19 Ano ang ibig kong sabihin? Sinasabi ko ba na may kabuluhan ang mga dios-diosan o ang pagkaing inihandog sa kanila? 20 Hindi! Ang ibig kong sabihin ay inialay nila ang mga handog na iyan sa masasamang espiritu at hindi sa Dios. Ayaw kong maging kabahagi kayo ng masasamang espiritu. 21 Hindi tayo maaaring makiinom sa baso ng Panginoon at sa baso ng masasamang espiritu, at hindi rin tayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng masasamang espiritu. 22 Gusto ba nating magselos ang Panginoon? Mas makapangyarihan ba tayo kaysa sa kanya?

23 Maaari nating gawin ang kahit ano, pero hindi lahat ay nakakabuti o nakakatulong. 24 Huwag lamang ang sarili ninyong kapakanan ang inyong isipin kundi ang kapakanan din ng iba.

25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa pamilihan ng karne at huwag nang magtanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 26 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang mundo at ang lahat ng naroroon ay pag-aari ng Panginoon.”

27 Kung imbitahan kayo ng isang hindi mananampalataya sa isang salo-salo at gusto ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi na nagtatanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 28 Ngunit kung sinabihan kayo na ang pagkain ay inihandog sa mga dios-diosan, huwag na kayong kumain, alang-alang sa nagsabi nito sa inyo, upang walang mabalisang konsensya. 29 Hindi ang inyong konsensya ang ibig kong tukuyin, kundi ang konsensya ng inyong kapwa.

Maaaring sabihin ng iba sa inyo, “Bakit ko hahadlangan ang gusto ko dahil lang sa konsensya ng iba? 30 Bakit ako susumbatan sa pagkain ko ng isang bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Dios?” 31 Ito ang maisasagot ko riyan: Anuman ang inyong gawin, kumain man o uminom, gawin ninyo ang lahat sa ikapupuri ng Dios. 32 Huwag kayong gagawa ng kahit anong makakatisod sa pananampalataya ng mga Judio o hindi Judio, o sa iglesya ng Dios. 33 Sundin ninyo ang aking ginagawa: Sinisikap ko na sa lahat ng aking ginagawa ay matutulungan ko ang lahat. Hindi ang sarili kong kapakanan ang aking iniisip kundi ang kapakanan ng iba upang maligtas sila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®